Book of Common Prayer
Maskil ni Asaf.
78 O bayan ko, sa aking turo ay makinig;
ikiling ninyo ang inyong mga tainga sa mga salita ng aking bibig.
2 Aking(A) bubuksan ang aking bibig sa isang talinghaga;
ako'y magsasalita ng malalabong pananalita mula pa noong una,
3 mga bagay na aming narinig at nalaman,
na sinabi sa amin ng aming mga magulang.
4 Ang mga iyon sa kanilang mga anak ay hindi namin ikukubli,
kundi sasabihin sa darating na salinlahi,
ang maluluwalhating gawa ng Panginoon, at ang kanyang kalakasan,
at ang kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa.
5 Sa Jacob siya'y nagtatag ng patotoo,
at sa Israel ay nagtalaga ng kautusan,
na kanyang iniutos sa aming mga magulang,
upang sa kanilang mga anak ay kanilang ituro naman;
6 upang malaman ang mga iyon ng susunod na salinlahi,
ng mga batang di pa ipinapanganak,
na magsisibangon at sasabihin ang mga iyon sa kanilang mga anak,
7 upang kanilang ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos,
at hindi malimutan ang mga gawa ng Diyos,
kundi ingatan ang kanyang mga utos;
8 upang huwag silang maging gaya ng kanilang mga ninuno,
isang matigas ang ulo at salinlahing mapanghimagsik,
isang salinlahing ang puso ay di ginawang matuwid,
at ang kanilang diwa ay di-tapat sa Diyos.
9 Ang mga anak ni Efraim ay mga mamamana, na may sandatang pana,
ay nagsitalikod sa araw ng pakikidigma.
10 Ang tipan ng Diyos ay hindi nila iningatan,
kundi tumangging lumakad ayon sa kanyang kautusan.
11 Kanilang nalimutan ang mga nagawa niya,
at ang mga himalang ipinakita niya sa kanila.
12 Sa(B) paningin ng kanilang mga magulang ay gumawa siya ng mga kababalaghan,
sa lupain ng Ehipto, sa kaparangan ng Zoan.
13 Hinawi(C) niya ang dagat at pinaraan niya sila roon,
at kanyang pinatayo ang tubig na parang isang bunton.
14 Sa(D) araw ay pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap,
at sa buong gabi ay sa pamamagitan ng apoy na nagliliyab.
15 Kanyang(E) biniyak ang mga bato sa ilang,
at pinainom niya sila ng sagana na gaya ng mula sa mga kalaliman.
16 Nagpabukal siya ng mga batis mula sa bato,
at nagpaagos ng tubig na parang mga ilog.
17 Gayunma'y lalo pa silang nagkasala laban sa kanya,
na naghihimagsik laban sa Kataas-taasan sa ilang.
18 At(F) kanilang sinubok ang Diyos sa puso nila,
sa paghingi ng pagkain na kanilang pinakananasa.
19 Sila'y nagsalita laban sa Diyos, na nagsasabi,
“Makakapaghanda ba ang Diyos ng hapag sa ilang?
20 Upang tubig ay dumaloy ang bato'y kanyang hinataw,
at ang mga bukal ay umapaw.
Makapagbibigay rin ba siya ng tinapay,
o makapagdudulot ng karne sa kanyang bayan?”
21 Kaya't nang marinig ng Panginoon, siya'y napuno ng poot,
isang apoy ang nag-alab laban sa Jacob,
ang kanyang galit naman ay lumaki laban sa Israel;
22 sapagkat sa Diyos sila'y hindi nanampalataya,
at sa kanyang kaligtasan sila'y hindi nagtiwala.
23 Gayunma'y ang langit sa itaas ay kanyang inutusan,
at ang mga pintuan ng langit ay kanyang binuksan;
24 at(G) kanyang pinaulanan sila ng manna na makakain,
at binigyan sila ng butil ng langit.
25 Kumain ang tao ng tinapay ng mga anghel;
kanyang pinadalhan sila ng saganang pagkain.
26 Pinahihip niya ang hanging silangan sa kalangitan,
at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, pinarating niya ang hanging timugan.
27 Kanyang pinaulanan sila ng karne na parang alabok,
ng mga ibong may pakpak na parang buhangin sa mga dagat;
28 pinalagpak niya ang mga iyon sa gitna ng kanilang kampo,
sa palibot ng kanilang mga tinitirhan.
29 At sila'y kumain at nabusog na mainam,
sapagkat ibinigay niya sa kanila ang kanilang kinasasabikan.
30 Ngunit bago nabigyang kasiyahan ang kanilang pananabik,
samantalang ang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig,
31 ang galit ng Diyos ay nag-alab laban sa kanila,
at pinatay niya ang pinakamalakas sa kanila,
at sinaktan ang mga piling lalaki ng Israel.
32 Sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy pa rin silang nagkasala;
sa kabila ng kanyang mga kababalaghan ay hindi sila sumampalataya.
33 Kaya't kanyang winakasan ang kanilang mga araw sa walang kabuluhan,
at ang kanilang mga taon sa biglang kakilabutan.
34 Nang kanyang pagpapatayin sila, siya'y kanilang hinanap;
sila'y nagsisi at hinanap ang Diyos nang masikap.
35 Kanilang naalala na ang kanilang malaking bato ay ang Diyos,
ang Kataas-taasang Diyos ang kanilang manunubos.
36 Ngunit kanilang tinuya siya ng bibig nila,
nagsinungaling sila sa kanya sa pamamagitan ng kanilang mga dila.
37 Sapagkat(H) ang puso nila ay hindi tapat sa kanya,
ni naging tapat man sila sa tipan niya.
38 Gayunman siya, palibhasa'y mahabagin,
pinatawad niya ang kanilang kasamaan
at hindi sila nilipol;
madalas na pinipigil niya ang kanyang galit,
at hindi pinupukaw ang lahat niyang poot.
39 Kanyang naalala na sila'y laman lamang;
isang dumaraang hangin at hindi na muling babalik.
40 Kaydalas na naghimagsik sila laban sa kanya sa ilang,
at sa disyerto siya'y kanilang pinagdamdam.
41 Ang Diyos ay tinukso nilang paulit-ulit,
at ang Banal ng Israel ay kanilang ginalit.
42 Hindi nila inalaala ang kanyang kapangyarihan,
ni ang araw nang kanyang tubusin sila mula sa kalaban;
43 nang gawin niya sa Ehipto ang kanyang palatandaan,
at ang kanyang mga kababalaghan sa kaparangan ng Zoan.
44 Ginawa(I) niyang dugo ang mga ilog nila,
upang hindi sila makainom sa kanilang mga sapa.
45 Kanyang(J) pinadalhan sila ng mga pulutong ng mga bangaw, na lumamon sa kanila;
at ng mga palaka, na sa kanila'y pumuksa.
46 Ibinigay(K) niya sa higad ang kanilang mga halaman,
at ang bunga ng kanilang paggawa sa balang.
47 Sinira(L) niya ang kanilang ubasan ng ulang yelo,
at ng namuong hamog ang kanilang mga sikomoro.
48 Ibinigay niya sa yelong-ulan ang kanilang mga hayop,
at ang kanilang mga kawan sa mga kidlat at kulog.
49 Sa kanila'y pinakawalan niya ang bangis ng kanyang galit,
poot, bagsik, at ligalig,
isang pulutong ng mga pumupuksang anghel.
50 Para sa kanyang galit gumagawa siya ng daraanan;
ang kanilang kaluluwa ay hindi niya iniligtas sa kamatayan,
kundi ibinigay sa salot ang kanilang buhay.
51 Ang(M) lahat ng panganay sa Ehipto ay kanyang pinatay,
ang unang labas ng kanilang lakas sa mga tolda ni Ham.
52 Pagkatapos(N) ay inakay niya na parang mga tupa ang kanyang bayan,
at pinatnubayan sila sa ilang na parang kawan.
53 At(O) kanyang tiwasay na inakay sila, kaya't hindi sila nasindak;
ngunit ang kanilang mga kaaway ay tinabunan ng dagat.
54 At(P) kanyang dinala sila sa kanyang lupaing banal,
sa bundok na pinagtagumpayan ng kanyang kanang kamay.
55 Pinalayas(Q) niya ang mga bansa sa kanilang harapan,
at sa pamamagitan ng pising panulat pinagbaha-bahagi niya ang mga ito bilang pamana,
at ang mga lipi ng Israel sa kanilang mga tolda'y pinatahanan.
56 Gayunma'y(R) kanilang sinubukan at naghimagsik sila sa Diyos na Kataas-taasan,
at ang kanyang mga patotoo ay hindi iningatan;
57 kundi tumalikod at gumawang may kataksilan na gaya ng kanilang mga magulang;
sila'y bumaluktot na gaya ng mandarayang pana.
58 Sapagkat kanilang ginalit siya sa pamamagitan ng kanilang matataas na dako,
kanilang pinapanibugho siya sa pamamagitan ng kanilang mga larawang nililok.
59 Nang marinig ito ng Diyos, sa poot siya ay napuspos,
at ang Israel ay kinayamutang lubos.
60 Kanyang(S) pinabayaan ang kanyang tahanan sa Shilo,
ang tolda na kanyang inilagay sa gitna ng mga tao;
61 at(T) ibinigay sa pagkabihag ang kanyang kalakasan,
ang kanyang kaluwalhatian sa kamay ng kaaway.
62 Ibinigay niya ang kanyang bayan sa espada,
at ibinulalas ang kanyang poot sa kanyang mana.
63 Nilamon ng apoy ang kanilang kabinataan,
at ang mga dalaga nila'y walang awit ng kasalan.
64 Ang kanilang mga pari ay ibinuwal ng tabak;
at ang mga balo nila'y hindi makaiyak.
65 Nang magkagayon ang Panginoon sa pagtulog ay gumising,
gaya ng malakas na tao na sumisigaw dahil sa pagkalasing.
66 At sinaktan niya sa likod ang kanyang mga kaaway;
sa walang hanggang kahihiyan, kanya silang inilagay.
67 Ang tolda ni Jose ay kanyang itinakuwil,
hindi niya pinili ang lipi ni Efraim;
68 kundi ang lipi ni Juda ang kanyang pinili,
ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Itinayo niya ang kanyang santuwaryo na gaya ng mga kataasan,
gaya ng lupa na kanyang itinatag magpakailanman.
70 Pinili(U) niya si David na lingkod niya,
at kanyang kinuha siya mula sa kulungan ng mga tupa.
71 Mula sa pag-aalaga ng mga pasusuhing tupa siya ay kanyang dinala,
upang maging pastol ng Jacob na bayan niya,
ng Israel na kanyang pamana.
72 Kaya't siya'y nagpastol sa kanila ayon sa katapatan ng kanyang puso,
at kanyang pinatnubayan sila ng sanay na mga kamay.
Ang Tatlong Daang Mandirigma
7 Pagkatapos, si Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, at ang lahat ng mga taong kasama niya ay maagang bumangon, at nagkampo sa tabi ng bukal ng Harod. Ang kampo ng Midian ay nasa dakong hilaga nila, sa may burol ng More, sa libis.
2 Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Ang mga taong kasama mo ay lubhang napakarami upang aking ibigay ang mga Midianita sa kanilang kamay. Baka ang Israel ay magmalaki laban sa akin, na sinasabi, ‘Ang sarili kong kamay ang nagligtas sa akin.’
3 Kaya't(A) ngayo'y ipahayag mo sa pandinig ng mga tao, ‘Sinumang matatakutin at nanginginig ay umuwi na sa bahay.’” At sinubok sila ni Gideon, umuwi ang dalawampu't dalawang libo, at naiwan ang sampung libo.
4 Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Napakarami pa rin ng tao, dalhin mo sila sa tubig at doo'y aking susubukin sila para sa iyo. Sinumang aking sabihin sa iyo, ‘Ang taong ito ay sasama sa iyo;’ iyon ang sasama sa iyo; at ang sinumang sabihin ko sa iyo, ‘Ang taong ito ay hindi sasama sa iyo,’ iyon ay hindi sasama sa iyo.”
5 Kaya't kanyang dinala ang mga tao sa tubig; at sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Bawat uminom ng tubig sa pamamagitan ng kanyang dila, gaya ng pag-inom ng aso, ay iyong ihihiwalay; gayundin ang bawat lumuhod upang uminom.”
6 Ang bilang ng mga uminom, na inilagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ay tatlong daang lalaki; ngunit ang lahat ng nalabi sa mga tao ay lumuhod upang uminom ng tubig.
7 At sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Sa pamamagitan ng tatlong daang lalaking uminom ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Midianita sa iyong kamay; at ang iba ay pauwiin mo na sa kanya-kanyang bahay.”
8 Kaya't kumuha ang mga tao ng mga pagkain at ng kanilang mga trumpeta at kanyang sinugo ang lahat ng mga lalaki sa Israel sa kanya-kanyang tolda, ngunit itinira ang tatlong daang lalaki. Ang kampo ng Midian ay nasa ibaba niya sa libis.
9 Nang gabing iyon ay sinabi ng Panginoon sa kanya, “Bumangon ka, lusungin mo ang kampo, sapagkat aking ibinigay na ito sa iyong kamay.
10 Ngunit kung natatakot kang lumusong, lumusong ka sa kampo na kasama si Pura na iyong lingkod.
11 Iyong maririnig kung ano ang kanilang sinasabi, at pagkatapos ang iyong mga kamay ay palalakasin upang masalakay mo ang kampo.” Nang magkagayo'y lumusong siyang kasama si Pura na kanyang lingkod sa himpilan ng mga lalaking may sandata na nasa kampo.
12 Ang mga Midianita at ang mga Amalekita at ang lahat ng mga taga-silangan ay nakakalat sa libis na parang balang sa dami; at ang kanilang mga kamelyo ay di mabilang na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat.
13 Nang dumating si Gideon, may isang lalaki na nagsasalaysay ng isang panaginip sa kanyang kasama, at kanyang sinabi, “Nagkaroon ako ng isang panaginip. May isang munting tinapay na sebada na gumulong patungo sa kampo ng Midian at umabot sa tolda. Tinamaan ang tolda at iyon ay bumagsak, bumaliktad, at ito'y nawasak.”
14 At sumagot ang kanyang kasama, “Ito'y wala nang iba kundi ang tabak ni Gideon, na anak ni Joas. Siya'y isang lalaking Israelita at sa kanyang kamay ibinigay ng Diyos ang Midian at ang buong hukbo.”
Hinipan ang mga Trumpeta
15 Nang marinig ni Gideon ang salaysay tungkol sa panaginip, at ang kahulugan niyon, siya'y bumalik sa kampo ng Israel, at sinabi, “Tumindig kayo! Ibinigay na ng Panginoon sa inyong kamay ang hukbo ng Midian.”
16 Hinati niya ang tatlong daang lalaki sa tatlong pulutong, at kanyang nilagyan ang mga kamay nilang lahat ng mga trumpeta, at mga bangang walang laman at mga sulo sa loob ng mga banga.
17 At kanyang sinabi sa kanila, “Masdan ninyo ako, at gayundin ang inyong gawin. Pagdating ko sa may hangganan ng kampo, ay gawin ninyo kung ano ang aking gagawin.
18 Kapag hinipan ko at ng lahat ng kasama ko ang trumpeta, ang mga trumpeta sa lahat ng panig ng kampo ay hihipan din, at isigaw ninyo, ‘Para sa Panginoon at para kay Gideon.’”
Ang Pagpapagaling sa Lumpo
3 Isang araw, sina Pedro at Juan ay pumanhik sa templo sa oras ng pananalangin, nang ikasiyam na oras.[a]
2 At may isang lalaking lumpo mula pa sa pagkapanganak ang noon ay ipinapasok. Araw-araw siya'y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo.
3 Nang nakita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos.
4 Ngunit pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, “Tingnan mo kami.”
5 Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila.
6 Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret,[b] tumayo ka at lumakad.”
7 Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong.
8 Siya'y lumukso, tumayo at nagpalakad-lakad; pumasok siya sa templo na kasama nila, lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos.
9 Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos.
10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y napuno ng pagtataka at pagkamangha sa nangyari sa kanya.
Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon
11 Samantalang siya'y nakahawak kina Pedro at Juan, sama-samang nagtakbuhan sa kanila ang mga tao, na lubhang namangha, sa tinatawag na portiko ni Solomon.
Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo(A)
19 Ito ang patotoo ni Juan nang suguin ng mga Judio ang mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang siya'y tanungin, “Sino ka ba?”
20 Siya'y nagpahayag at hindi ikinaila kundi sinabing, “Hindi ako ang Cristo.”
21 Siya'y(B) kanilang tinanong, “Kung gayo'y, ikaw ba si Elias?” At sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At siya'y sumagot, “Hindi.”
22 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka ba? Bigyan mo kami ng isasagot sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”
23 Sinabi(C) niya, “Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang na lugar, ‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.’”
24 Sila'y mga sugo buhat sa mga Fariseo.
25 Siya'y tinanong nila, “Kung gayo'y bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang propeta?”
26 Sila'y sinagot ni Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig; sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo kilala,
27 na pumaparitong kasunod ko at hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang sandalyas.”
28 Ang mga bagay na ito'y nangyari sa Betania, sa kabilang ibayo ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001