Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.
66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
2 awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
3 Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
4 Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)
5 Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
6 Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
7 siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)
8 O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
9 na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.
13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin,
ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin,
14 na sinambit ng aking mga labi,
at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig.
15 Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba,
na may usok ng handog na tupa;
ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah)
16 Kayo'y magsiparito at inyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos,
at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa.
17 Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig,
at siya'y pinuri ng aking dila.
18 Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso,
ang Panginoon ay hindi makikinig.
19 Ngunit tunay na nakinig ang Diyos;
kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin.
20 Purihin ang Diyos,
sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin
ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin!
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Isang Salmo. Isang Awit.
67 Ang Diyos nawa'y mahabag sa atin at tayo'y pagpalain,
at pagliwanagin nawa niya ang kanyang mukha sa atin, (Selah)
2 upang ang iyong daan ay malaman sa lupa,
ang iyong pagliligtas sa lahat ng mga bansa.
3 Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan!
4 Ang mga bansa nawa'y magalak at umawit sa kagalakan,
sapagkat iyong hahatulan na may katarungan ang mga bayan,
at ang mga bansa sa lupa ay papatnubayan. (Selah)
5 Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan.
6 Nagbigay ng kanyang bunga ang lupa;
ang Diyos, ang ating Diyos, sa atin ay nagpala;
7 Ang Diyos ang sa amin ay nagpala;
matakot sa kanya ang lahat ng mga dulo ng lupa!
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
19 Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan,
at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan.
2 Sa araw-araw ay nagsasalita,
at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.
3 Walang pananalita o mga salita man;
ang kanilang tinig ay hindi narinig.
4 Ngunit(A) lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig,
at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig.
Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw,
5 na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid,
at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan.
6 Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit,
at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid,
at walang bagay na nakukubli sa kanyang init.
Ang Kautusan ng Diyos
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,
na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
at sa pulot-pukyutang tumutulo.
11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.
Ang Diyos ay Kasama Natin
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora, ayon sa Alamot.
46 Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan,
isang handang saklolo sa kabagabagan.
2 Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa,
bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat.
3 bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong,
bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah)
4 May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos,
ang banal na tahanan ng Kataas-taasan.
5 Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos;
tutulungan siyang maaga ng Diyos.
6 Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray,
binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw.
7 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin,
ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)
8 Pumarito kayo, inyong masdan ang sa Panginoong gawa,
kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa.
9 Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa;
kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana,
kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe![a]
10 “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
Ako'y mamumuno sa mga bansa,
ako'y mamumuno sa lupa.”
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin;
ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)
Si Jefta ay Ginawang Pinuno
11 Si Jefta na Gileadita ay isang malakas na mandirigma, ngunit siya'y anak ng isang upahang babae.[a] Si Gilead ang ama ni Jefta.
2 Ang asawa ni Gilead ay nagkaanak sa kanya ng mga lalaki. Nang lumaki ang mga anak ng kanyang asawa ay kanilang pinalayas si Jefta, at sinabi nila sa kanya, “Ikaw ay hindi magmamana sa sambahayan ng aming ama sapagkat ikaw ay anak ng ibang babae.”
3 Nang magkagayo'y tumakas si Jefta sa kanyang mga kapatid, at tumira sa lupain ng Tob. Doon ay nakasama ni Jefta ang mga lalaking bandido at sumasalakay na kasama niya.
4 Pagkaraan ng ilang panahon, ang mga anak ni Ammon ay nakipagdigma sa Israel.
5 Nang lumaban ang mga anak ni Ammon sa Israel, ang mga matanda sa Gilead ay naparoon upang sunduin si Jefta mula sa lupain ng Tob.
6 At kanilang sinabi kay Jefta, “Halika't ikaw ang maging pinuno namin upang kami ay makalaban sa mga anak ni Ammon.”
7 Subalit sinabi ni Jefta sa matatanda sa Gilead, “Di ba kayo'y napoot sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? Kung gayo'y bakit kayo naparito sa akin ngayong kayo'y nasa paghihirap?”
8 At sinabi ng matatanda sa Gilead kay Jefta, “Kaya kami ay bumabalik sa iyo ngayon ay upang makasama ka namin, at makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ikaw ay magiging pinuno naming lahat na taga-Gilead.”
9 Sinabi ni Jefta sa mga matanda sa Gilead, “Kung pauuwiin ninyo ako upang makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ibigay sila ng Panginoon sa harap ko, magiging pinuno ba ninyo ako?”
10 At sinabi kay Jefta ng matatanda sa Gilead, “Ang Panginoon ang maging saksi natin. Tiyak na aming gagawin ang ayon sa iyong salita.”
11 Kaya't si Jefta ay umalis na kasama ng matatanda sa Gilead, at ginawa nila siyang pinuno at sinabi ni Jefta sa Mizpa ang lahat ng kanyang salita sa harap ng Panginoon.
Ang Pagtatagumpay at ang Panata ni Jefta
29 Pagkatapos ang Espiritu ng Panginoon ay dumating kay Jefta, at siya'y nagdaan sa Gilead at Manases, at nagdaan sa Mizpa ng Gilead, at mula sa Mizpa ng Gilead ay nagdaan siya sa mga Ammonita.
30 At nagbitaw si Jefta ng isang panata sa Panginoon, at nagsabi, “Kung iyong ibibigay ang mga Ammonita sa aking kamay,
31 ay mangyayari na sinumang lumabas sa mga pintuan ng aking bahay upang sumalubong sa akin, sa aking pagbalik na mapayapa galing sa mga anak ni Ammon ay magiging sa Panginoon, at iaalay ko iyon bilang handog na sinusunog.”
32 Sa gayo'y tinawid ni Jefta ang mga anak ni Ammon upang lumaban sa kanila; at sila'y ibinigay ng Panginoon sa kanyang kamay.
33 Sila'y pinagpapatay niya mula sa Aroer hanggang sa Minit, na may dalawampung lunsod, at hanggang sa Abel-keramim. Sa gayo'y nagapi ang mga anak ni Ammon sa harap ng mga anak ni Israel.
34 Pagkatapos si Jefta ay umuwi sa kanyang bahay sa Mizpa. Ang kanyang anak na babae ay lumabas upang salubungin siya ng alpa at ng sayaw. Siya ang kanyang kaisa-isang anak at liban sa kanya'y wala na siyang anak na lalaki o babae man.
35 Pagkakita(A) niya sa kanya, kanyang pinunit ang kanyang damit at sinabi, “Anak ko! Pinababa mo akong lubos, at ikaw ay isa sa mga bumabagabag sa akin; sapagkat gumawa na ako ng panata sa Panginoon, at hindi ko na mababawi.”
36 At sinabi niya sa kanya, “Ama ko, kung iyong ibinuka ang iyong bibig sa Panginoon, gawin mo sa akin ang ayon sa lumabas sa iyong bibig; yamang ipinaghiganti ka ng Panginoon sa iyong mga kaaway, samakatuwid ay sa mga Ammonita.”
37 Sinabi niya sa kanyang ama, “Hayaan mong gawin ang bagay na ito sa akin. Hayaan mo lamang ako ng dalawang buwan, upang ako'y humayo't gumala sa mga bundok at tangisan ko at ng aking mga kasama ang aking pagkabirhen.”
38 At kanyang sinabi, “Humayo ka.” At siya'y kanyang pinaalis nang dalawang buwan. Siya at ang kanyang mga kasama ay umalis, at tinangisan ang kanyang pagkabirhen sa mga bundok.
39 Sa katapusan ng dalawang buwan, siya'y nagbalik sa kanyang ama, at ginawa sa kanya ang ayon sa kanyang panata na kanyang binitiwan. Siya'y hindi kailanman nasipingan ng lalaki. At naging kaugalian sa Israel,
40 na ang mga anak na babae ng Israel ay pumupunta taun-taon upang alalahanin ang anak ni Jefta na Gileadita, apat na araw sa loob ng isang taon.
21 Sa aking kahihiyan ay dapat kong sabihin, napakahina namin sa ganito! Ngunit kung ang sinuman ay malakas ang loob na nagmamalaki—ako ay nagsasalita bilang hangal—malakas din ang loob ko na ipagmalaki iyon.
22 Sila ba'y mga Hebreo? Ako man. Sila ba'y mga Israelita? Ako man. Sila ba'y mga binhi ni Abraham? Ako man.
23 Sila(A) ba'y mga ministro ni Cristo? (Ako'y nagsasalita na parang isang baliw.) Lalo pa ako na mas maraming pagpapagal, mas maraming pagkabilanggo, ng di mabilang na bugbog, at malimit na mabingit sa kamatayan.
24 Sa(B) mga Judio ay limang ulit akong tumanggap ng apatnapung hagupit, kulang ng isa.
25 Tatlong(C) ulit na ako'y hinampas ng mga pamalo, minsan ako'y pinagbabato. Tatlong ulit na akong nawasakan ng barko, isang araw at isang gabing ako'y nasa laot;
26 nasa(D) madalas na paglalakbay, nasa panganib sa mga ilog, panganib sa mga magnanakaw, panganib sa aking mga kababayan, panganib sa mga Hentil, panganib sa lunsod, panganib sa mga ilang, panganib sa dagat, panganib kasama ng mga huwad na kapatid;
27 sa pagpapagal at hirap, sa mga pagpupuyat, sa gutom at uhaw, madalas na walang pagkain, giniginaw at hubad.
28 Bukod sa mga bagay na nasa labas, ako'y araw-araw na nabibigatan sa alalahanin para sa mga iglesya.
29 Sino ang mahina, at ako ba'y hindi mahina? Sino ang natitisod, at ako'y di nag-iinit?
30 Kung kailangang ako'y magmalaki, ako'y magmamalaki sa mga bagay na nauukol sa aking kahinaan.
31 Ang Diyos at Ama ng Panginoong Jesus (siyang pinupuri magpakailanpaman) ang nakakaalam na ako'y hindi nagsisinungaling.
Pinatigil ni Jesus ang Unos(A)
35 Nang araw ding iyon, nang sumapit na ang gabi ay sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”
36 Pagkaiwan sa maraming tao, siya'y kanilang isinama sa bangka, ayon sa kanyang kalagayan. At may iba pang mga bangka na kasama niya.
37 At nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka, anupa't ang bangka ay halos napupuno na ng tubig.
38 Ngunit siya'y nasa hulihan ng bangka at natutulog na may inuunan. Siya'y ginising nila, at sinabi sa kanya, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?”
39 Paggising niya ay sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan.
40 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?”
41 Sila'y sinidlan ng malaking takot at sinabi sa isa't isa, “Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001