Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:97-120

MEM.

97 O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
    Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98 Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
    sapagkat ito'y laging kasama ko.
99 Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
    sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100 Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
    sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101 Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
    upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
    sapagkat tinuruan mo ako.
103 Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
    higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104 Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
    kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.

NUN.

105 Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,
    at liwanag sa landas ko.
106 Ako'y sumumpa at pinagtibay ko,
    na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo.
107 Ako'y lubos na nagdadalamhati,
    muli mo akong buhayin, O Panginoon, ayon sa iyong salita.
108 O Panginoon, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo,
    at ituro mo sa akin ang mga batas mo.
109 Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay,
    gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
110 Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin,
    gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin.
111 Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman;
    sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan.
112 Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas,
    magpakailanman, hanggang sa wakas.

SAMECH.

113 Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan,
    ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
114 Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan;
    ang iyong salita ang aking inaasahan.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan;
    upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan.
116 Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako,
    at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko!
117 Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas,
    at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas.
118 Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan;
    sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan.
119 Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura,
    kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo.
120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo;
    at ako'y takot sa mga hatol mo.

Mga Awit 81-82

Awit para sa Pagdiriwang

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.

81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
    sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
    ang masayang lira at ang alpa.
Hipan(A) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
    sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
    isang batas ng Diyos ni Jacob.
Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
    nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.

Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
“Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
    ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
Ikaw(B) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
    sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
    sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
    O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
Hindi(C) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
    at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
    na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
    Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.

11 “Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig;
    hindi ako sinunod ng Israel.
12 Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso,
    upang sumunod sa kanilang sariling mga payo.
13 O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan,
    ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway,
    at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban.
15 Ang mga napopoot sa Panginoon ay yuyuko sa kanya,
    at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman.
16 Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo,
    at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato.”

Ang Awit ni Asaf.

82 Kinuha ng Diyos ang kanyang lugar sa kapisanan ng Diyos;
    siya'y humahatol sa gitna ng mga diyos.
“Hanggang kailan kayo hahatol ng di-makatarungan,
    at magpapakita ng pagsang-ayon sa masama? (Selah)
Bigyan ninyo ng katarungan ang mahina at ulila;
    panatilihin ang karapatan ng napipighati at dukha.
Sagipin ninyo ang mahina at nangangailangan;
    iligtas ninyo sila sa kamay ng masama.”

Wala silang kaalaman o pang-unawa,
    sila'y lumalakad na paroo't parito sa kadiliman;
    lahat ng saligan ng lupa ay nayayanig.
Aking(D) sinasabi, “Kayo'y mga diyos,
    kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.
Gayunma'y mamamatay kayong tulad ng mga tao,
    at mabubuwal na gaya ng sinumang pinuno.”

Bumangon ka, O Diyos, hatulan mo ang lupa;
    sapagkat iyo ang lahat ng mga bansa!

Mga Hukom 7:19-8:12

Nalupig ang Midian

19 Kaya't si Gideon at ang isandaang lalaking kasama niya ay nakarating sa mga hangganan ng kampo sa pasimula ng pagbabantay sa hatinggabi nang halos kahahalili pa lamang ng bantay. Kanilang hinipan ang mga trumpeta at binasag ang mga banga na nasa kanilang mga kamay.

20 Hinipan ng tatlong pulutong ang mga trumpeta at binasag ang mga banga, na hawak ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay, at ang mga trumpeta sa kanilang kanang kamay na kanilang hinihipan, at sila'y nagsigawan, “Ang tabak para sa Panginoon at kay Gideon!”

21 Bawat isa ay nakatayo sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, at ang buong hukbo ay nagtakbuhan; sila'y sumigaw at tumakas.

22 Nang kanilang hipan ang tatlong daang trumpeta, pinapaglaban ng Panginoon ang mga kaaway laban sa isa't-isa,[a] at laban sa buong hukbo; at tumakas ang hukbo hanggang sa Bet-sita sa dakong Zerera, hanggang sa hangganan ng Abel-mehola, sa tabi ng Tabat.

23 At ang hukbo ng Israel ay tinipon mula sa Neftali, sa Aser, at sa buong Manases, at kanilang hinabol ang Midian.

24 Nagpadala si Gideon ng mga sugo sa lahat ng lupaing maburol ng Efraim, na sinasabi, “Lusungin ninyo ang Midian, at abangan ninyo sila sa tubig, hanggang sa Bet-bara, at gayundin ang Jordan.” Sa gayo'y ang lahat ng mga lalaki ng Efraim ay tinipon, at inagapan ang tubig hanggang sa Bet-bara, at ang Jordan.

25 Kanilang hinuli ang dalawang prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb. Sa kanilang pagtugis sa Midian, pinatay nila si Oreb sa bato ni Oreb at si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Kanilang dinala ang mga ulo nina Oreb at Zeeb kay Gideon sa kabila ng Jordan.

Pinatahimik ni Gideon ang Efraimita

Sinabi ng mga lalaki ng Efraim sa kanya, “Ano itong ginawa mo sa amin at hindi mo kami tinawag nang ikaw ay makipaglaban sa Midian?” At siya'y pinagsalitaan nila nang marahas.

At sinabi niya sa kanila, “Ano ang aking ginawa kung ihahambing sa inyo? Di ba mas mainam ang pamumulot ng ubas ng Efraim kaysa pag-aani ng Abiezer?

Ibinigay(A) ng Diyos sa inyong mga kamay ang mga prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb; ano ang aking magagawa kung ihahambing sa inyo?” Nang magkagayo'y humupa ang kanilang galit sa kanya nang kanyang masabi ito.

Si Gideon ay dumating sa Jordan at siya'y tumawid. Siya at ang tatlong daang lalaki na kasama niya ay nanghihina na ngunit nagpapatuloy pa.

Kaya't sinabi niya sa mga lalaki sa Sucot, “Humihiling ako sa inyong bigyan ninyo ng mga tinapay ang mga taong sumusunod sa akin; sapagkat sila'y nanghihina at aking tinutugis sina Zeba at Zalmuna na mga hari ng Midian.”

Ngunit sinabi ng mga pinuno sa Sucot, “Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong hukbo?”

At sinabi ni Gideon, “Kung gayon, kapag ibinigay na ng Panginoon sina Zeba at Zalmuna sa aking kamay, ay aking yuyurakan ang inyong laman sa mga tinik sa ilang at sa mga dawag.”

Mula roon ay umahon siya sa Penuel, at gayundin ang sinabi niya sa kanila, at sinagot siya ng mga lalaki sa Penuel na gaya ng isinagot ng mga lalaki sa Sucot.

At sinabi naman niya sa mga lalaki sa Penuel, “Kapag ako'y bumalik nang payapa ay aking ibabagsak ang toreng ito.”

10 Noon sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor, kasama ang kanilang mga hukbo na may labinlimang libong lalaki. Sila ang nalabi sa buong hukbo ng mga taga-silangan, sapagkat napatay na ang isandaan at dalawampung libong lalaki na humahawak ng tabak.

11 Kaya't si Gideon ay umahon sa daan ng mga naninirahan sa mga tolda sa silangan ng Noba at Jogbeha, at sinalakay ang hukbo, sapagkat ang hukbo ay hindi nagbabantay.

12 Sina Zeba at Zalmuna ay tumakas; at kanyang tinugis sila at kanyang nahuli ang dalawang hari ng Midian, na sina Zeba at Zalmuna, anupa't nagkagulo ang buong hukbo.

Mga Gawa 3:12-26

12 Nang makita ito ni Pedro, nagsalita siya sa mga tao, “Kayong mga Israelita, bakit ninyo ito ikinamamangha? Bakit ninyo kami tinititigan na para bang sa pamamagitan ng aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay napalakad namin siya?

13 Niluwalhati ng(A) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[a] na si Jesus na inyong ibinigay at inyong itinakuwil sa harap ni Pilato, bagaman siya'y nagpasiyang pawalan siya.

14 Ngunit(B) inyong itinakuwil ang Banal at ang Matuwid at inyong hininging ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao,

15 at inyong pinatay ang May-akda ng buhay, na muling binuhay ng Diyos mula sa mga patay; mga saksi kami sa bagay na ito.

16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, ang kanyang pangalan ang nagpalakas sa taong ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya sa pamamagitan ni Jesus ang nagkaloob sa taong ito ng ganitong sakdal na kalusugan sa harapan ninyong lahat.

17 “At ngayon, mga kapatid, nalalaman kong ginawa ninyo iyon sa inyong kamangmangan tulad ng inyong mga pinuno.

18 Ngunit sa ganitong paraan ay tinupad ng Diyos ang kanyang ipinahayag na mangyayari sa pamamagitan ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay magdurusa.

19 Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan,

20 upang ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon; at upang kanyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, si Jesus.

21 Siya'y dapat manatili sa langit hanggang sa mga panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos noong una sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga banal na propeta.

22 Tunay(C) na sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa inyong mga kapatid.[b] Pakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay na sabihin niya sa inyo.

23 Ang(D) bawat tao na hindi makinig sa propetang iyon ay lubos na pupuksain mula sa bayan.’[c]

24 At ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga sumunod sa kanya, sa dami ng mga nagsalita, ay nagpahayag din tungkol sa mga araw na ito.

25 Kayo(E) ang mga anak ng mga propeta, at ng tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, na sinasabi kay Abraham, ‘At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa.’

26 Nang piliin ng Diyos ang kanyang lingkod siya ay kanyang unang isinugo sa inyo, upang kayo'y pagpalain sa pamamagitan ng pagtalikod ng bawat isa sa inyo sa inyong mga kasamaan.”

Juan 1:29-42

Ang Kordero ng Diyos

29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya, at kanyang sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!

30 Siya yaong aking sinasabi, ‘Kasunod ko'y dumarating ang isang lalaki na higit pa sa akin,[a] sapagkat siya'y nauna sa akin.

31 Hindi ko siya nakilala, dahil dito'y naparito ako na nagbabautismo sa tubig upang siya'y mahayag sa Israel.”

32 Nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit at dumapo sa kanya.

33 Hindi ko siya nakilala subalit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Ang nakita mong babaan ng Espiritu at manatili sa kanya, ay siya ang nagbabautismo sa Espiritu Santo.’

34 Aking nakita at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Diyos.”

Ang Unang mga Alagad ni Jesus

35 Kinabukasan, muling naroon si Juan kasama ng dalawa sa kanyang mga alagad.

36 At kanyang tiningnan si Jesus samantalang siya'y naglalakad at sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos!”

37 Narinig siya ng dalawang alagad na nagsalita nito, at sila'y sumunod kay Jesus.

38 Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod ay sinabi niya sa kanila, “Ano ang inyong hinahanap?” At sinabi nila sa kanya, “Rabi (na kung isasalin ang kahulugan ay Guro), saan ka nakatira?”

39 Sinabi niya sa kanila, “Halikayo at tingnan ninyo.” Pumunta nga sila at nakita kung saan siya nakatira; at sila'y nanatiling kasama niya nang araw na iyon. Noon ang oras ay mag-iikasampu.[b]

40 Ang isa sa dalawang nakarinig ng pagsasalita ni Juan, at sumunod sa kanya, ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro.

41 Una niyang natagpuan ang kanyang kapatid na si Simon, at sa kanya'y sinabi, “Natagpuan na namin ang Mesiyas”—na kung isasalin ay Cristo.

42 Kanyang dinala si Simon kay Jesus. Siya'y tiningnan ni Jesus at sinabi, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Tatawagin kang Cefas”—(na kung isasalin ang kahulugan ay Pedro.)

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001