Book of Common Prayer
UNANG AKLAT
Dalawang Uri ng Pamumuhay
1 Mapalad ang taong
hindi lumalakad sa payo ng masama,
ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan,
ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya;
2 kundi nasa kautusan ng Panginoon ang kanyang kagalakan,
at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan.
3 Siya ay(A) gaya ng isang punungkahoy
na itinanim sa tabi ng agos ng tubig,
na nagbubunga sa kanyang kapanahunan,
ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta,
sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya.
4 Ang masama ay hindi gayon;
kundi parang ipang itinataboy ng hangin.
5 Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa hukuman,
ni sa kapulungan ng matuwid ang makasalanan;
6 sapagkat ang lakad ng matuwid ang Panginoon ang nakakaalam,
ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan.
Ang Haring Pinili ng Panginoon
2 Bakit(B) nagsasabwatan ang mga bansa,
at sa walang kabuluhan ang mga bayan ay nagpaplano?
2 Inihanda ng mga hari sa lupa ang kanilang sarili,
at ang mga pinuno ay nagsisangguni,
laban sa Panginoon at sa kanyang binuhusan ng langis, na nagsasabi,
3 “Ang kanilang panggapos ay ating lagutin,
at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin.”
4 Siya na nakaupo sa kalangitan ay tumatawa;
at ang Panginoon ay kumukutya sa kanila.
5 Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kanyang poot,
at tatakutin sila sa kanyang matinding galit, na nagsasabi,
6 “Gayunma'y inilagay ko ang aking hari sa Zion, sa aking banal na burol.”
7 Aking(C) sasabihin ang tungkol sa utos ng Panginoon:
Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking anak,
sa araw na ito kita ay ipinanganak.
8 Humingi ka sa akin at ang mga bansa ay gagawin kong mana mo,
at ang mga dulo ng lupa ay magiging iyo.
9 Sila'y(D) iyong babaliin ng pamalong bakal,
at dudurugin mo sila gaya ng banga.”
10 Kaya't ngayon, O mga hari, kayo'y magpakapantas;
O mga pinuno ng lupa, kayo'y magsihanda.
11 Kayo'y maglingkod sa Panginoon na may takot,
at magalak na may panginginig,
12 ang anak ay inyong hagkan,
baka magalit siya at kayo'y mapahamak sa daan;
sapagkat ang kanyang poot ay madaling mag-alab.
Mapapalad ang lahat na nanganganlong sa kanya.
Awit(E) ni David nang Takasan Niya si Absalom
3 Panginoon, ang mga kaaway ko ay dumarami!
Ang tumitindig laban sa akin ay marami;
2 marami ang nagsasabi tungkol sa aking kaluluwa,
walang tulong mula sa Diyos para sa kanya. (Selah)
3 Ngunit ikaw, O Panginoon ay isang kalasag sa palibot ko,
aking kaluwalhatian, at siyang tagapagtaas ng aking ulo.
4 Ako'y dumadaing nang malakas sa Panginoon,
at sinasagot niya ako mula sa kanyang banal na burol. (Selah)
5 Ako'y nahiga at natulog;
ako'y muling gumising sapagkat inaalalayan ako ng Panginoon.
6 Sa sampung libu-libong tao ako'y hindi natatakot,
na naghanda ng kanilang mga sarili laban sa akin sa palibot.
7 Bumangon ka, O Panginoon!
Iligtas mo ako, O aking Diyos!
Sapagkat iyong sinampal sa pisngi ang lahat ng aking mga kaaway,
iyong binasag ang mga ngipin ng masama.
8 Ang pagliligtas ay sa Panginoon;
sumaiyong bayan nawa ang iyong pagpapala. (Selah)
Panalangin ng Saklolo
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas. Awit ni David.
4 Sagutin mo ako kapag tumatawag ako,
O Diyos na tagapagtanggol ko!
Binigyan mo ako ng silid nang ako'y nasa kagipitan.
Maawa ka sa akin, at dalangin ko'y iyong pakinggan.
2 O tao, hanggang kailan magdaranas ng kahihiyan ang aking karangalan?
Gaano katagal mo iibigin ang mga salitang walang kabuluhan, at hahanapin ang kabulaanan? (Selah)
3 Ngunit alamin ninyo na ibinukod ng Panginoon para sa kanyang sarili ang banal;
ang Panginoon ay nakikinig kapag sa kanya ako'y nagdarasal.
4 Magalit(F) ka, subalit huwag kang magkakasala;
magbulay-bulay ka ng iyong puso sa iyong higaan, at tumahimik ka. (Selah)
5 Maghandog kayo ng matuwid na mga alay,
at ang inyong pagtitiwala sa Panginoon ilagay.
6 Marami ang nagsasabi, “Sana'y makakita kami ng ilang kabutihan!
O Panginoon, ang liwanag ng iyong mukha sa amin ay isilay!”
7 Ikaw ay naglagay ng kagalakan sa aking puso,
kaysa nang ang kanilang butil at alak ay sagana.
8 Payapa akong hihiga at gayundin ay matutulog;
sapagkat ikaw lamang, O Panginoon, ang gumagawa upang mamuhay ako sa katiwasayan.
Sigaion ni David na kanyang inawit sa Panginoon tungkol kay Cus na Benjaminita.
7 O Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa iyo,
iligtas mo ako sa lahat ng humahabol sa akin, at iligtas mo ako,
2 baka gaya ng leon ay lurayin nila ako,
na kinakaladkad akong papalayo, at walang sumaklolo.
3 O Panginoon kong Diyos, kung ginawa ko ito,
kung may pagkakamali sa mga kamay ko,
4 kung ako'y gumanti ng kasamaan sa aking kaibigan
o nilooban ang aking kaaway na walang dahilan,
5 hayaang habulin ako ng aking kaaway at abutan ako,
at tapakan niya sa lupa ang buhay ko,
at ilagay sa alabok ang kaluwalhatian ko. (Selah)
6 Ikaw ay bumangon, O Panginoon, sa iyong galit,
itaas mo ang iyong sarili laban sa poot ng aking mga kagalit,
at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagtakda ng pagsusulit.
7 Hayaang ang kapulungan ng mga tao ay pumaligid sa iyo;
at bumalik ka sa itaas sa ibabaw nito.
8 Ang Panginoon ay humahatol sa mga bayan;
hatulan mo ako, O Panginoon, ayon sa aking katuwiran,
at ayon sa taglay kong katapatan.
9 O(A) nawa'y magwakas na ang kasamaan ng masama,
ngunit itatag mo ang matuwid;
sapagkat sinusubok ng matuwid na Diyos
ang mga puso at mga pag-iisip.[a]
10 Ang Diyos ay aking kalasag,
na nagliligtas ng pusong tapat.
11 Ang Diyos ay hukom na matuwid,
at isang Diyos na araw-araw ay may galit.
12 Kung hindi magsisi ang tao, ihahasa ng Diyos ang tabak nito;
kanyang inihanda at iniumang ang kanyang palaso;
13 nakakamatay na mga sandata ang kanyang inihanda,
kanyang pinapagniningas ang kanyang mga pana.
14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan;
at siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.
15 Siya'y gumawa ng hukay at pinalalim pang kusa,
at nahulog sa butas na siya ang may gawa.
16 Bumabalik sa sarili niyang ulo ang gawa niyang masama,
at ang kanyang karahasan sa sarili niyang bumbunan ay bumababa.
17 Ibibigay ko sa Panginoon ang pasasalamat na nararapat sa kanyang katuwiran,
at ako'y aawit ng papuri sa pangalan ng Panginoon, ang Kataas-taasan.
Ang Unang Pagsasalita ni Elifaz: Pinatunayan Niya ang Katarungan ng Diyos
4 Pagkatapos ay sumagot si Elifaz na Temanita, na sinasabi,
Si Job ay Itinuwid ng Diyos
5 “Tumawag ka ngayon; may sasagot ba sa iyo?
At kanino sa mga banal ka babaling?
2 Tunay na pinapatay ng pagkayamot ang taong hangal,
at pinapatay ng panibugho ang mangmang.
3 Nakakita na ako ng hangal na nag-uugat,
ngunit bigla kong sinumpa ang kanyang tirahan.
4 Ang mga anak niya ay malayo sa kaligtasan,
sila'y dinudurog sa pintuan
at walang magligtas sa kanila isa man.
5 Ang kanyang ani ay kinakain ng gutom,
at kinukuha niya ito maging mula sa mga tinik,
at ang bitag ay naghahangad sa kanilang kayamanan.
6 Sapagkat ang paghihirap ay hindi nanggagaling sa alabok,
ni ang kaguluhan ay sumisibol man sa lupa;
7 kundi ang tao ay ipinanganak tungo sa kaguluhan,
kung paanong ang siklab, sa itaas ay pumapailanglang.
8 “Ngunit sa ganang akin, ang Diyos ay aking hahanapin,
at sa Diyos ko ipagkakatiwala ang aking usapin,
9 na siyang gumagawa ng mga dakilang bagay at hindi maintindihan,
mga kamanghamanghang bagay na hindi mabilang,
10 nagbibigay siya ng ulan sa lupa,
at nagdadala ng tubig sa mga bukid;
11 kanyang itinataas ang mga mapagpakumbaba,
at ang mga tumatangis ay itinataas sa katiwasayan.
Ang Kagalingan ng Parusa
17 “Narito,(A) mapalad ang tao na sinasaway ng Diyos,
kaya't huwag mong hamakin ang pagtutuwid ng Makapangyarihan sa lahat.
18 Sapagkat(B) siya'y sumusugat, ngunit kanyang tinatalian;
siya'y nananakit, ngunit nagpapagaling ang kanyang mga kamay.
19 Ililigtas ka niya mula sa anim na kaguluhan;
sa ikapito ay walang kasamaang gagalaw sa iyo.
20 Sa taggutom ay tutubusin ka niya mula sa kamatayan;
at sa digmaan, mula sa tabak na makapangyarihan.
21 Ikaw ay ikukubli mula sa hagupit ng dila;
at hindi ka matatakot sa pagkawasak kapag ito'y dumating.
26 Tutungo ka sa iyong libingan sa ganap na katandaan,
gaya ng bigkis ng trigo na dumarating sa giikan sa kanyang kapanahunan.
27 Narito, siniyasat namin ito; ito ay totoo.
Dinggin mo, at alamin mo para sa kabutihan mo.”
19 at pagkatapos kumain ay muli siyang lumakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.
Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco
20 Agad niyang ipinangaral sa mga sinagoga si Jesus, na sinasabing siya ang Anak ng Diyos.
21 Lahat nang nakarinig sa kanya ay namangha, at nagsabi, “Hindi ba ito ang lalaking pumuksa sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalang ito? At naparito siya para sa layuning ito, upang sila'y dalhing nakagapos sa harap ng mga punong pari.”
22 Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.
23 Nang(A) makalipas ang maraming araw, nagbalak ang mga Judiong siya'y patayin.
24 Ngunit ang kanilang balak ay nalaman ni Saulo. Kanilang binantayan ang mga pintuan araw at gabi upang siya'y patayin;
25 ngunit nang gabi na, kinuha siya ng kanyang mga alagad, at siya'y ibinaba sa kabila ng pader; inihugos siya sa isang tiklis.
Si Saulo sa Jerusalem
26 Nang siya'y dumating sa Jerusalem, pinagsikapan niyang makisama sa mga alagad. Silang lahat ay natakot sa kanya sapagkat hindi sila naniniwala na siya'y isang alagad.
27 Subalit kinuha siya ni Bernabe, iniharap siya sa mga apostol, isinalaysay sa kanila kung paanong nakita niya sa daan ang Panginoon, na nakipag-usap sa kanya, at kung paanong siya'y nangaral sa Damasco na may katapangan sa pangalan ni Jesus.
28 Kaya't siya'y naging kasa-kasama nila sa Jerusalem,
29 na nangangaral na may katapangan sa pangalan ng Panginoon. Siya'y nagsalita at nakipagtalo sa mga Helenista at pinagsikapan nilang siya'y patayin.
30 Nang malaman ito ng mga kapatid, kanilang inihatid siya sa Cesarea, at siya'y pinapunta sa Tarso.
31 Sa gayo'y nagkaroon ng kapayapaan at tumatag ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria, na namumuhay na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Espiritu Santo, ito ay dumami.
52 Kaya't ang mga Judio'y nagtalu-talo, na sinasabi, “Paanong maipakakain sa atin ng taong ito ang kanyang laman?”
53 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang inyong kainin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili.
54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw.
55 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.
56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako'y sa kanya.
57 Kung paanong ang buháy na Ama ay nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahil sa Ama, gayundin ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.
58 Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit, hindi gaya ng tinapay na kinain ng inyong mga ninuno at sila'y namatay. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
59 Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga, samantalang siya'y nagtuturo sa Capernaum.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001