Book of Common Prayer
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
2 Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
3 Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
at tinatalian ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
5 Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
hindi masukat ang kanyang unawa.
6 Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.
7 Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
8 Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
9 Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.
12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!
111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
2 Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
3 Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
5 Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
6 Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
8 ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(A) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!
Ang Kaligayahan ng Isang Mabuting Tao
112 Purihin ang Panginoon!
Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!
2 Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad.
3 Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan;
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid,
ang Panginoon ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid.
5 Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram,
pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan.
6 Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman;
ang matuwid ay maaalala magpakailanman.
7 Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita;
ang kanyang puso ay matatag, na sa Panginoon ay nagtitiwala.
8 Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot,
hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya.
9 Siya'y(B) nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha;
ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman;
ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan.
10 Makikita ito ng masama at magagalit;
pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw
ang nasa ng masama ay mapapahamak.
Bilang Pagpupuri sa Kabutihan ng Panginoon
113 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo, O mga lingkod ng Panginoon,
purihin ang pangalan ng Panginoon!
2 Purihin ang pangalan ng Panginoon
mula sa panahong ito at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito,
ang pangalan ng Panginoon ay dapat purihin!
4 Ang Panginoon ay higit na mataas sa lahat ng mga bansa,
at ang kanyang kaluwalhatian sa itaas ng kalangitan.
5 Sino ang gaya ng Panginoon nating Diyos,
na nakaupo sa itaas,
6 na nagpapakababang tumitingin
sa kalangitan at sa lupa?
7 Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok,
at itinataas ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
8 upang kasama ng mga pinuno ay paupuin sila,
mga pinuno ng kanyang bayan ang kanilang kasama.
9 Ginagawa niyang manatili sa bahay ang baog na babae,
isang masayang ina ng mga anak.
Purihin ang Panginoon!
Ang Unang Pagsasalita ni Elifaz: Pinatunayan Niya ang Katarungan ng Diyos
4 Pagkatapos ay sumagot si Elifaz na Temanita, na sinasabi,
2 “Kung may isang mangahas magsalita sa iyo, magdaramdam ka ba?
Ngunit sinong makakapigil ng pagsasalita?
3 Tingnan mo, marami kang tinuruan,
at pinalakas mo ang mahihinang kamay.
4 Ang mga salita mo ay umalalay sa mga natitisod,
at pinalakas mo ang mahihinang tuhod.
5 Subalit ngayo'y inabutan ka nito, at ikaw ay naiinip;
ito'y nakarating sa iyo, at ikaw ay balisa.
6 Hindi ba ang iyong takot sa Diyos ay ang iyong tiwala,
at ang katapatan ng iyong mga lakad ang iyong pag-asa?
Ang Kawalang Kabuluhan ng Tao sa Harapan ng Diyos
12 “Ngayo'y may salitang dinala sa akin nang lihim,
at tinanggap ng aking tainga ang bulong niyon.
13 Sa(A) gitna ng mga pag-iisip mula sa mga panggabing pangitain,
kapag ang mahimbing na tulog sa mga tao ay dumarating;
14 ang takot ay dumating sa akin, at ang pangingilabot,
na nagpanginig sa lahat ng aking mga buto.
15 At dumaan ang isang espiritu sa harap ng aking mukha;
ang balahibo ng aking balat ay nagtindigan.
16 Tumayo iyon,
ngunit hindi ko mawari ang anyo niyon.
Isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata;
nagkaroon ng katahimikan, at ako'y nakarinig ng isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang taong may kamatayan sa harapan ng Diyos?
Maaari bang maging malinis ang tao sa harapan ng kanyang Lumikha?
18 Maging sa kanyang mga lingkod ay hindi siya nagtitiwala,
at ang kanyang mga anghel ay pinaparatangan niya ng kamalian;
19 gaano pa kaya silang tumatahan sa mga bahay na putik,
na ang pundasyon ay nasa alabok,
na napipisang gaya ng gamu-gamo.
20 Sa pagitan ng umaga at gabi, sila ay nawawasak;
sila'y namamatay magpakailanman na walang pumapansin.
21 Kung nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila,
hindi ba sila'y namamatay na walang karunungan?’
Pagsamba sa Langit
4 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang isang pintong bukas sa langit! At ang unang tinig na aking narinig na nagsasalita sa akin, na gaya ng sa trumpeta, ay nagsabi, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo ang mga bagay na kailangang mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito.”
2 Ako'y(A) biglang nasa Espiritu, at doon sa langit ay may isang tronong nakalagay at sa trono ay may isang nakaupo.
3 At ang nakaupo doon ay may anyong katulad ng batong jaspe at sardio, at naliligid ang trono ng isang bahaghari na tulad ng esmeralda.
4 At sa palibot ng trono ay may dalawampu't apat na trono, at ang nakaupo sa mga trono ay dalawampu't apat na matatanda, na nakasuot ng mapuputing damit; at sa kanilang mga ulo ay may mga koronang ginto.
5 At(B) mula sa trono ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga dagundong ng kulog, at may pitong nagniningas na sulo ng apoy sa harapan ng trono, na siyang pitong Espiritu ng Diyos;
6 at(C) (D) sa harapan ng trono, ay may parang isang dagat na salamin na katulad ng kristal. At sa gitna ng trono, at sa palibot ng trono ay may apat na nilalang na buháy na punô ng mga mata sa harapan at sa likuran.
7 Ang unang nilalang ay tulad ng isang leon, ang ikalawang nilalang ay tulad ng isang baka, ang ikatlong nilalang ay may mukha ng isang tao, at ang ikaapat na nilalang ay tulad ng isang agilang lumilipad.
8 At(E) ang apat na nilalang na buháy, na may anim na pakpak ang bawat isa sa kanila, ay punô ng mga mata sa palibot at sa loob; at sila'y walang humpay na nagsasabi araw at gabi,
“Banal, banal, banal,
ang Panginoong Diyos, ang Makapangyarihan sa lahat,
ang noon at ang ngayon at ang darating!”
9 At kapag ang mga nilalang na buháy ay nagbibigay ng kaluwalhatian, karangalan, at pasasalamat sa nakaupo sa trono, doon sa nabubuhay magpakailanpaman,
10 ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpapatirapa sa harapan ng nakaupo sa trono, at sumasamba doon sa nabubuhay magpakailanpaman; at inihahagis nila ang kanilang mga korona sa harapan ng trono, na nagsasabi,
11 “Karapat-dapat ka, O Panginoon at Diyos namin,
na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan,
sapagkat nilikha mo ang lahat ng mga bagay
at dahil sa iyong kalooban ay nabuhay sila at nalikha.
Hindi Kinilala si Jesus sa Nazaret(A)
6 Umalis siya roon at pumunta sa kanyang sariling bayan at sumunod sa kanya ang kanyang mga alagad.
2 Nang sumapit ang Sabbath, nagpasimula siyang magturo sa sinagoga at marami sa mga nakinig sa kanya ay namangha na sinasabi, “Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng ito? Anong karunungan ito na ibinigay sa kanya? Anong mga makapangyarihang gawa ang ginagawa ng kanyang mga kamay!
3 Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Hindi ba naritong kasama natin ang kanyang mga kapatid na babae?” At sila'y natisod sa kanya.
4 Kaya't(B) sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang propeta ay hindi nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan, sa kanyang sariling mga kamag-anak, at sa kanyang sariling bahay.”
5 Hindi siya nakagawa roon ng anumang makapangyarihang gawa, maliban sa ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa ilang mga maysakit at pinagaling sila.
6 Nanggilalas siya sa kanilang hindi pagsampalataya. Siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligid.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001