Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ng Panginoon, na iniukol ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng lahat niyang mga kaaway, at mula sa kamay ni Saul. Sinabi niya:
18 Iniibig kita, O Panginoon, aking kalakasan.
2 Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
3 Ako'y tumatawag sa Panginoon na marapat purihin,
at naligtas ako sa aking mga kaaway.
4 Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan
inaalon ako ng mga baha ng kasamaan.
5 Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko,
hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan.
6 Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong.
Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig.
At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig.
7 Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig
at nauga, sapagkat siya'y galit.
8 Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong,
at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon,
at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy.
9 Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba;
ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad,
siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang panakip ang kadiliman,
ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit.
12 Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya
ay lumabas ang kanyang mga ulap,
ang mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon ay kumulog din sa mga langit,
at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
14 At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila,
nagpakidlat siya at ginapi sila.
15 Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan,
at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran,
sa iyong pagsaway, O Panginoon,
sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.
16 Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako;
mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
at sa mga napopoot sa akin,
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan,
ngunit ang Panginoon ang aking gabay.
19 Inilabas niya ako sa maluwag na dako;
iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.
20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.
25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
ang salita ng Panginoon ay subok na;
siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.
31 Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
at ginagawang ligtas ang aking daan.
33 Kanyang(A) ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya.
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma,
anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso.
35 Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo,
at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako,
at pinadakila ako ng kahinahunan mo.
36 Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko,
at hindi nadulas ang mga paa ko.
37 Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila,
at hindi bumalik hanggang sa malipol sila.
38 Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo;
sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban;
pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay.
40 Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko,
at yaong napopoot sa akin ay winasak ko.
41 Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas,
sila'y dumaing sa Panginoon, subalit sila'y hindi niya tinugon.
42 Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin;
inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan.
43 Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo;
at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno,
ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao.
44 Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako;
ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko.
45 Nanlulupaypay ang mga dayuhan,
sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan.
46 Buháy ang Panginoon; at purihin ang aking malaking bato;
at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko.
47 Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti
at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko,
48 inililigtas niya ako sa mga kaaway ko.
Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako,
inililigtas mo ako sa mararahas na tao.
49 Dahil(B) dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo.
50 Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay
at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis,
kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.
Ang Unang Pagsasalita ni Bildad
8 Pagkatapos ay sumagot si Bildad na Suhita, at sinabi,
2 “Hanggang kailan mo sasabihin ang mga bagay na ito,
at ang mga salita ng iyong bibig na gaya ng malakas na hangin?
3 Binabaluktot ba ng Diyos ang katarungan?
O nililiko ba ng Makapangyarihan sa lahat ang matuwid?
4 Kung ang iyong mga anak ay nagkasala laban sa kanya,
sa kapangyarihan ng kanilang pagsalangsang ay kanyang ibinigay sila.
5 Kung hahanapin mo ang Diyos,
at dadaing ka sa Makapangyarihan sa lahat;
6 kung ikaw ay dalisay at matuwid;
tiyak na gigising siya dahil sa iyo,
at ibabalik ka sa iyong matuwid na tirahan.
7 At bagaman maliit ang iyong pasimula,
ang iyong huling wakas ay magiging napakadakila.
8 “Sapagkat magsiyasat ka sa mga nagdaang panahon, hinihiling ko sa iyo,
at isaalang-alang mo ang natuklasan ng mga ninuno;
9 sapagkat tayo'y sa kahapon lamang, at walang nalalaman,
sapagkat ang ating mga araw sa lupa ay isang anino.
10 Hindi ka ba nila tuturuan, at sasabihin sa iyo,
at bibigkas ng mga salita mula sa kanilang pang-unawa?
20 “Tingnan mo, hindi itatakuwil ng Diyos ang taong walang kapintasan,
ni aalalayan man ang kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.
21 Kanya namang pupunuin ng pagtawa ang iyong bibig,
at ang iyong mga labi ng pagsigaw.
22 Silang napopoot sa iyo ay mabibihisan ng kahihiyan,
at ang tolda ng masama ay mapaparam.”
17 Samantalang naguguluhan si Pedro sa kanyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kanyang nakita, biglang dumating ang mga taong sinugo ni Cornelio. Nang maipagtanong ang bahay ni Simon, tumayo sila sa harapan ng pintuan.
18 Tumawag sila upang magtanong kung si Simon, na tinatawag na Pedro, ay nanunuluyan doon.
19 Samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, sinabi sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong taong naghahanap sa iyo.
20 Tumindig ka, bumaba ka at sumama sa kanila na walang pag-aatubili sapagkat sila'y aking sinugo.”
21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo; ano ang dahilan ng inyong pagparito?”
22 Sinabi nila, “Si Cornelio na isang senturion, isang taong matuwid at may takot sa Diyos, at may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio, ay pinagbilinan ng isang banal na anghel na ikaw ay ipatawag sa kanyang bahay upang marinig ang iyong mga salita.”
23 Kaya't sila'y pinatuloy niya at naging kanyang panauhin. Nang sumunod na araw, bumangon siya at umalis na kasama nila, at siya'y sinamahan ng ilang kapatid mula sa Joppa.
24 Nang sumunod na araw ay dumating sila sa Cesarea. Sila'y hinihintay ni Cornelio, at tinipon ang kanyang mga kamag-anak at ang kanyang malalapit na kaibigan.
25 Pagpasok ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba.
26 Ngunit pinatayo siya ni Pedro, na sinasabi, “Tumayo ka, ako man ay tao rin.”
27 At habang nakikipag-usap sa kanya, pumasok siya at kanyang naratnan ang maraming taong nagkakatipon.
28 Sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ninyo na hindi ipinahihintulot sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang banyaga; ngunit ipinakita sa akin ng Diyos, na huwag kong tawagin ang isang tao na marumi o karumaldumal.
29 Kaya't nang ipasundo ako, sumama ako nang walang pagtutol. Ngayon, itinatanong ko kung bakit mo ako ipinasundo.”
30 Sinabi ni Cornelio, “Apat na araw na ang nakakaraan, mga ganitong oras, nang ikasiyam na oras,[a] ako'y nananalangin sa aking bahay nang biglang tumindig sa harapan ko ang isang lalaki na may nagniningning na damit.
31 Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ang dalangin mo, at ang iyong mga limos ay inalala sa harapan ng Diyos.
32 Magsugo ka sa Joppa, at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro. Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagluto ng balat sa tabi ng dagat.’
33 Kaya't agad kitang ipinasundo, at mabuti ang ginawa mo na naparito ka. Ngayon kaming lahat ay naririto sa harapan ng Diyos, upang pakinggan ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos sa iyo ng Panginoon.”
14 Nang ang kapistahan ay nasa kalagitnaan na ay pumunta si Jesus sa templo at nagturo.
15 Namangha ang mga Judio, na nagsasabi, “Paanong nagkaroon ang taong ito ng karunungan, gayong hindi naman nag-aral kailanman?”
16 Sinagot sila ni Jesus, “Ang turo ko ay hindi akin, kundi sa kanya na nagsugo sa akin.
17 Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos[a] ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos, o kung ako'y nagsasalita mula sa aking sarili.
18 Ang nagsasalita nang mula sa kanyang sarili ay humahanap ng kanyang sariling kaluwalhatian; subalit ang humahanap ng kaluwalhatian ng nagsugo sa kanya ay siyang totoo, at sa kanya'y walang kasinungalingan.
19 Hindi ba ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan? Subalit wala sa inyong tumutupad ng kautusan. Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin?”
20 Sumagot ang maraming tao, “Mayroon kang demonyo! Sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin?”
21 Sumagot si Jesus sa kanila, “Isang bagay ang aking ginawa at pinagtatakhan ninyong lahat ito.
22 Ibinigay(A) sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, kundi mula sa mga patriyarka); at tinutuli ninyo sa Sabbath ang isang lalaki.
23 Kung(B) ang isang lalaki ay tumatanggap ng pagtutuli sa Sabbath, upang huwag malabag ang kautusan ni Moises, nagagalit ba kayo sa akin dahil sa pinagaling ko ang buong katawan ng isang tao sa Sabbath?
24 Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo nang matuwid na paghatol.”
Siya ba ang Cristo?
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong kanilang pinagsisikapang patayin?
26 At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at sila'y walang anumang sinasabi sa kanya. Tunay kayang nakikilala ng mga pinuno na ito ang Cristo?
27 Subalit nalalaman natin kung saan nagmula ang taong ito, subalit ang Cristo, pagdating niya ay walang makakaalam kung saan siya magmumula.”
28 Sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa templo, “Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din ninyo kung taga-saan ako. Hindi ako pumarito sa aking sariling awtoridad,[b] subalit ang nagsugo sa akin ay siyang totoo, na hindi ninyo nakikilala.
29 Nakikilala ko siya sapagkat ako'y mula sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.”
30 Kaya't sinikap nilang siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras.
31 Gayunma'y marami sa mga tao ang sumampalataya sa kanya at kanilang sinabi, “Pagdating ng Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming tanda kaysa mga ginawa ng taong ito?”
Nagpadala ng mga Kawal upang Dakpin si Jesus
32 Narinig ng mga Fariseo ang bulung-bulungan ng mga tao tungkol kay Jesus.[c] Nagsugo ang mga punong pari at ang mga Fariseo ng mga kawal upang siya'y hulihin.
33 Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako ng kaunting panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.
34 Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon ay hindi kayo makakapunta roon.”
35 Kaya't sinabi ng mga Judio sa isa't isa, “Saan pupunta ang taong ito na hindi natin siya matatagpuan? Pupunta kaya siya sa mga lupain kung saan nagkalat[d] ang ating mga kababayan sa lupain ng mga Griyego at magtuturo sa mga Griyego?
36 Ano ang salitang ito na kanyang sinabi, ‘Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makakapunta roon’!”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001