Book of Common Prayer
33 Kanyang ginawang ilang ang mga ilog,
at tigang na lupa ang mga bukal ng tubig,
34 maalat na ilang ang mabungang lupain,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Kanyang ginawang mga lawa ng tubig ang ilang,
at mga bukal ang tuyong lupain.
36 At kanyang pinatitira roon ang gutom,
upang sila'y makapagtatag ng bayang matatahanan;
37 at sila'y maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan,
at magtamo ng mga saganang ani.
38 Sila din ay pinagpapala niya at sila'y mas dumarami;
at hindi niya hinayaang ang kanilang kawan ay mabawasan.
39 Nang sila'y nawalan at napahiya
sa pamamagitan ng pagmamalupit, kaguluhan, at kapighatian,
40 kanyang binuhusan ng paghamak ang mga pinuno,
at pinagala sila sa ilang na walang lansangan.
41 Gayunma'y iniupo niya sa mataas ang nangangailangan mula sa kahirapan,
at ang kanilang mga angkan ay ginawang parang kawan.
42 Nakikita ito ng matuwid at natutuwa;
at tumikom ang bibig ng lahat ng masama.
43 Kung sinuman ang pantas ay unawain niya ang mga bagay na ito,
at isaalang-alang niya ang tapat na pag-ibig ng Panginoon.
Awit ni David.
108 Ang aking puso ay tapat, O Diyos;
ako'y aawit, oo, ako'y aawit
ng mga pagpuri ng aking kaluwalhatian!
2 Kayo'y gumising, alpa at lira!
Aking gigisingin ang madaling-araw!
3 Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan;
ako'y aawit ng mga papuri sa iyo sa gitna ng mga bansa.
4 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila sa itaas ng mga langit,
ang iyong katotohanan ay umaabot sa mga ulap.
5 Dakilain ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit!
Ang iyo nawang kaluwalhatian ay maging sa ibabaw ng buong lupa!
6 Upang mailigtas ang minamahal mo,
tulungan mo ng iyong kanang kamay, at sagutin mo ako!
7 Ang Diyos ay nagsalita sa kanyang santuwaryo:
“Ang Shekem ay hahatiin ko,
at ang Libis ng Sucot ay susukatin ko.
8 Ang Gilead ay akin; ang Manases ay akin;
ang Efraim ay helmet ng ulo ko;
ang Juda'y aking setro.
9 Ang Moab ay aking hugasan;
sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
sa ibabaw ng Filistia ay sisigaw ako ng malakas.”
10 Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
Sinong maghahatid sa akin sa Edom?
11 Hindi ba't itinakuwil mo na kami, O Diyos?
At hindi ka ba hahayong kasama ng aming mga hukbo, O Diyos?
12 Ng tulong laban sa kaaway kami ay pagkalooban mo,
sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao.
13 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
siya ang yayapak sa aming mga kalaban.
Awit ng Papuri.
33 Magalak kayo sa Panginoon, O kayong matutuwid.
Ang pagpupuri ay nababagay sa matuwid.
2 Purihin ninyo ang Panginoon sa pamamagitan ng lira,
gumawa kayo ng himig sa kanya sa may sampung kuwerdas na alpa!
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit;
tumugtog na may kahusayan sa mga kuwerdas, na may sigaw na malalakas.
4 Sapagkat ang salita ng Panginoon ay makatuwiran,
at lahat niyang mga gawa ay ginawa sa katapatan.
5 Ang katuwiran at katarungan ay kanyang iniibig,
punô ng tapat na pag-ibig ng Panginoon ang daigdig.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay ginawa ang mga langit;
at lahat ng mga hukbo nila sa pamamagitan ng hinga ng kanyang bibig.
7 Kanyang tinipon ang mga tubig ng dagat na gaya sa isang bunton;
inilagay niya ang mga kalaliman sa mga imbakan.
8 Matakot nawa sa Panginoon ang sandaigdigan,
magsitayo nawang may paggalang sa kanya ang lahat ng naninirahan sa sanlibutan!
9 Sapagkat siya'y nagsalita at iyon ay naganap,
siya'y nag-utos, at iyon ay tumayong matatag.
10 Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa;
kanyang binibigo ang mga panukala ng mga bayan.
11 Ang payo ng Panginoon kailanman ay nananatili,
ang mga iniisip ng kanyang puso sa lahat ng salinlahi.
12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon;
ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana!
13 Mula sa langit ang Panginoon ay nakatanaw,
lahat ng anak ng mga tao ay kanyang minamasdan.
14 Mula sa kanyang dakong tahanan ay nakatingin siya
sa lahat ng naninirahan sa lupa,
15 siya na sa mga puso nilang lahat ay humuhugis,
at sa lahat nilang mga gawa ay nagmamasid.
16 Ang isang hari ay hindi inililigtas ng kanyang napakaraming kawal;
ang isang mandirigma ay hindi inililigtas ng kanyang makapangyarihang lakas.
17 Ang kabayong pandigma ay walang kabuluhang pag-asa para sa tagumpay,
at hindi ito makapagliligtas sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang lakas.
18 Tunay na ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na natatakot sa kanya,
sa kanila na umaasa sa tapat na pag-ibig niya,
19 upang kanyang mailigtas ang kaluluwa nila mula sa kamatayan,
at sa taggutom ay panatilihin silang buháy.
20 Naghihintay sa Panginoon ang aming kaluluwa;
siya ang aming saklolo at panangga.
21 Oo, ang aming puso ay nagagalak sa kanya,
sapagkat kami ay nagtitiwala sa banal na pangalan niya.
22 Sumaamin nawa ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon,
kung paanong kami ay umaasa sa iyo.
Dinaya ni Delila si Samson
16 Minsan ay pumunta si Samson sa Gaza at nakakita siya roon ng isang bayarang babae[a] at ito'y kanyang sinipingan.
2 Ibinalita sa mga taga-Gaza, “Si Samson ay dumating dito.” Kanilang pinalibutan, at inabangan siya nang buong gabi sa pintuang-lunsod. Nanatili silang tahimik buong gabi, na sinasabi, “Maghintay tayo hanggang magbukang-liwayway, saka natin siya patayin.”
3 Ngunit si Samson ay humiga hanggang hatinggabi, at nang hatinggabi na ay bumangon. Hinawakan niya ang pinto ng pintuang-lunsod, at kapwa binunot, pati ang bakal. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.
4 Pagkaraan ng ilang panahon, siya'y umibig sa isang babaing taga-libis ng Sorec, na ang pangala'y Delila.
5 Pinuntahan ng mga pinuno ng mga Filisteo ang babae, at sinabi sa kanya, “Akitin mo siya. Alamin mo kung bakit napakalakas niya, at sa anong paraan kami magtatagumpay laban sa kanya upang aming matalian at matalo siya. Bibigyan ka ng bawat isa sa amin ng isang libo't isang daang pirasong pilak.”
6 Sinabi ni Delila kay Samson, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin, kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas, at kung paanong matatalian ka upang ikaw ay matalo.”
7 Sinabi ni Samson sa kanya, “Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na hindi natuyo ay hihina ako, at ako'y magiging gaya ng sinumang tao.”
8 Nang magkagayo'y nagdala sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo ng pitong sariwang yantok na hindi pa natutuyo, at ipinangtali nila sa kanya.
9 Noon ay may mga nakaabang na sa silid sa loob. At sinabi niya sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Kanyang pinutol ang mga yantok na tulad sa taling sinulid na napuputol kapag nadidikitan ng apoy. Sa gayo'y hindi nalaman ang lihim ng kanyang lakas.
10 Sinabi ni Delila kay Samson, “Tingnan mo, pinaglaruan mo ako, at nagsinungaling ka sa akin. Ipinapakiusap ko ngayon sa iyo na sabihin mo sa akin kung paano ka matatalian.”
11 Sumagot si Samson, “Kung tatalian lamang nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit ay hihina ako at magiging gaya ng sinumang tao.”
12 Sa gayo'y kumuha si Delila ng mga bagong lubid at itinali sa kanya, at sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Noon, ang mga nakaabang ay nasa silid sa loob na ng silid. Ngunit pawang pinutol niya ang mga lubid sa kanyang mga bisig na parang sinulid.
13 At sinabi ni Delila kay Samson, “Hanggang ngayon ay pinaglalaruan mo ako at nagsisinungaling ka sa akin. Sabihin mo sa akin kung paanong matatalian ka.” At sinabi niya sa kanya, “Kung iyong hahabihin ang pitong tirintas sa aking ulo ng hinabing kayo at higpitan mo ng pang-ipit, manghihina ako at magiging tulad ng sinumang tao.”
14 Kaya't habang siya'y natutulog, hinawakan ni Delila ang pitong tirintas ng kanyang ulo at hinabi. At sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at binunot ang pang-ipit ng panghabi at ang hinabi.
30 “Nang(A) lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punungkahoy.
31 Nang makita ito ni Moises, namangha siya sa tanawin; at sa kanyang paglapit upang tingnan ay dumating ang tinig ng Panginoon:
32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.’ Nanginig si Moises at hindi nangahas tumingin.
33 At sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang mga sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal.
34 Totoong nakita ko ang kaapihan ng aking bayang nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayo'y lumapit ka, susuguin kita sa Ehipto.’
35 “Ang(B) Moises na ito na kanilang itinakuwil, na sinasabi, ‘Sino ang sa iyo'y naglagay na pinuno at hukom?’ ang siyang sinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagligtas sa pamamagitan ng anghel na sa kanya'y nagpakita sa mababang punungkahoy.
36 Sila'y(C) pinangunahan ng taong ito nang siya'y gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa Ehipto, at sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.
37 Ito(D) ang Moises, na nagsabi sa mga anak ni Israel, ‘Pipili para sa inyo ang Diyos ng isang propeta mula sa inyong mga kapatid, gaya ng pagpili niya sa akin.’
38 Ito'y(E) yaong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga buháy na aral upang ibigay sa atin.
39 Ayaw sumunod sa kanya ng ating mga ninuno, kundi siya'y kanilang itinakuwil, at sa kanilang mga puso'y bumalik sila sa Ehipto,
40 na(F) sinasabi kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol dito kay Moises na naglabas sa amin sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin nalalaman kung ano ang nangyari sa kanya.’
41 Gumawa(G) sila nang mga araw na iyon ng isang guya, at naghandog ng alay sa diyus-diyosan at nagsaya sa mga gawa ng kanilang mga kamay.
42 Ngunit(H) iniwan sila ng Diyos, at sila'y pinabayaang sumamba sa hukbo ng langit, gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta:
‘Inalayan ba ninyo ako ng mga hayop na pinatay at mga handog,
na apatnapung taon sa ilang, O angkan ni Israel?
43 Dinala ninyo ang tabernakulo ni Moloc,
at ang bituin ng diyos ninyong si Refan,
ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin;
at itatapon ko kayo sa dako pa roon ng Babilonia.’
Pinagaling ang Isang Lumpo
5 Pagkaraan nito ay nagkaroon ng pista ang mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.
2 Sa Jerusalem nga'y may isang tipunan ng tubig sa tabi ng Pintuan ng mga Tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bet-zatha[a] na may limang portiko.
3 Sa mga ito ay nakahiga ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga lumpo.[b]
[4 Sapagkat lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tipunan ng tubig at kinakalawkaw ang tubig; at ang unang manaog sa tipunan ng tubig, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na dinaramdam.]
5 Naroon ang isang lalaki na may tatlumpu't walong taon nang maysakit.
6 Nang makita ni Jesus na siya'y nakahiga at nalamang siya'y matagal nang may sakit, ay sinabi niya sa kanya, “Ibig mo bang gumaling?”
7 Sumagot sa kanya ang lalaking may sakit, “Ginoo, walang taong maglusong sa akin sa tipunan ng tubig kapag kinakalawkaw ang tubig; at samantalang ako'y lumalapit ay nakalusong na muna ang iba bago ako.”
8 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”
9 At kaagad gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng Sabbath.
10 Kaya't(A) sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling, “Ngayo'y araw ng Sabbath, at hindi ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan.”
11 Ngunit sila'y sinagot niya, “Ang nagpagaling sa akin ang siyang nagsabi sa akin, ‘Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.’”
12 Siya'y kanilang tinanong, “Sino ang taong nagsabi sa iyo, ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?’”
13 Ngunit hindi nakilala ng taong pinagaling kung sino iyon, sapagkat si Jesus ay umalis na sa maraming tao na naroroon.
14 Pagkatapos ay natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ikaw ay gumaling na; huwag ka nang magkasala, baka may mangyari pa sa iyo na lalong masama.”
15 Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya.
16 Dahil dito'y inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabbath.
17 Subalit sinagot sila ni Jesus, “Hanggang ngayo'y patuloy sa paggawa ang aking Ama, at ako'y patuloy rin sa paggawa.”
18 Dahil dito ay lalong pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin sapagkat hindi lamang nilabag niya ang araw ng Sabbath, kundi tinatawag din na kanyang sariling Ama ang Diyos, at ginagawa ang sarili niya na kapantay ng Diyos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001