Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David.
55 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
at huwag kang magtago sa daing ko!
2 Pansinin mo ako, at sagutin mo ako;
ako'y natatalo ng aking pagdaramdam.
Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing,
3 dahil sa tinig ng kaaway,
dahil sa pagmamalupit ng masama.
Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan,
at sa galit ay inuusig nila ako.
4 Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko,
ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
5 Takot at panginginig ay dumating sa akin,
at nadaig ako ng pagkatakot.
6 At aking sinabi, “O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati!
Lilipad ako at magpapahinga.
7 Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo,
sa ilang ay maninirahan ako. (Selah)
8 Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko,
mula sa malakas na hangin at bagyo.”
9 O Panginoon, guluhin mo, ang kanilang wika ay lituhin mo,
sapagkat ang karahasan at pag-aaway sa lunsod ay nakikita ko.
10 Sa araw at gabi ay lumiligid sila
sa mga pader niyon;
ang kasamaan at kahirapan ay nasa loob niyon.
11 Ang pagkawasak ay nasa gitna niyon;
ang kalupitan at pandaraya
ay hindi humihiwalay sa kanyang mga lansangan.
12 Hindi isang kaaway ang tumutuya sa akin—
mapagtitiisan ko iyon,
hindi rin isang namumuhi sa akin ang nagmamalaki laban sa akin,
sa gayo'y maitatago ang aking sarili sa kanya.
13 Kundi ikaw, lalaki na kapantay ko,
kaibigang matalik at kasama ko.
14 Tayo ay dating magkasamang nag-uusap nang matamis;
tayo'y lumalakad na magkasama sa loob ng bahay ng Diyos.
15 Dumating nawang mapandaya ang kamatayan sa kanila,
ibaba nawa silang buháy sa Sheol;
sapagkat ang kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.
16 Tungkol sa akin ay tatawag ako sa Diyos;
at ililigtas ako ng Panginoon.
17 Sa hapon at umaga, at sa katanghaliang-tapat,
ako'y dadaing at tataghoy,
at diringgin niya ang aking tinig.
18 Kanyang tutubusin ang aking kaluluwa sa kapayapaan,
mula sa pakikibaka laban sa akin,
sapagkat marami ang nagtitipon upang ako ay labanan.
19 Papakinggan ng Diyos at sasagutin sila,
siya na nakaupo sa trono mula pa noong una. (Selah)
Sa kanya na walang pagbabago,
at hindi natatakot sa Diyos.
20 Kanyang iniunat ang kanyang mga kamay laban sa mga taong nasa kapayapaan sa kanya,
kanyang nilabag ang kanyang tipan.
21 Higit na pino kaysa mantekilya ang kanyang pananalita,
ngunit ang kanyang puso ay pakikidigma;
higit na malambot kaysa langis ang kanyang mga salita,
gayunman ang mga iyon ay nakaumang na mga tabak.
22 Iatang mo ang iyong pasan sa Panginoon,
at kanyang aalalayan ka;
hindi niya pinahihintulutang
makilos kailanman ang matuwid.
23 Ngunit ikaw, O Diyos, ihahagis mo sila
sa hukay ng kapahamakan;
ang mga taong mababagsik at mandaraya
ay hindi mabubuhay sa kalahati ng kanilang mga araw.
Ngunit magtitiwala ako sa iyo.
Awit ni David.
138 Ako'y nagpapasalamat sa iyo, O Panginoon, ng aking buong puso;
sa harapan ng mga diyos ay aawit ako ng mga papuri sa iyo.
2 Ako'y yuyukod paharap sa iyong banal na templo,
at magpapasalamat sa iyong pangalan dahil sa iyong tapat na pag-ibig at katapatan,
sapagkat iyong pinadakila ang iyong salita sa iyong buong pangalan.
3 Nang araw na ako'y tumawag ay sinagot mo ako,
iyong pinatapang ako ng kalakasan sa aking kaluluwa.
4 Lahat ng mga hari sa lupa ay magpupuri sa iyo, O Panginoon,
sapagkat kanilang narinig ang mga salita ng iyong bibig;
5 at sila'y magsisiawit tungkol sa mga pamamaraan ng Panginoon;
sapagkat dakila ang kaluwalhatian ng Panginoon.
6 Bagaman ang Panginoon ay mataas, kanyang pinapahalagahan ang mababa;
ngunit ang palalo ay nakikilala niya mula sa malayo.
7 Bagaman ako'y lumalakad sa gitna ng kaguluhan,
ako'y iyong muling bubuhayin,
iyong iniuunat ang iyong kamay laban sa poot ng aking mga kaaway,
at ililigtas ako ng iyong kanang kamay.
8 Tutuparin ng Panginoon ang kanyang layunin para sa akin;
ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay magpakailanman.
Huwag mong pabayaan ang mga gawa ng iyong mga kamay.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
139 O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
2 Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
3 Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
4 Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
5 Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
6 Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.
7 Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu?
O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
8 Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon!
Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon!
9 Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga,
at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira,
10 doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay,
at hahawakan ako ng iyong kanang kamay.
11 Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim,
at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,”
12 kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo,
at ang gabi ay kasinliwanag ng araw;
ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.
13 Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi,
at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi.
14 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha.
Ang iyong mga gawa ay kahangahanga;
at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo,
nang ako'y lihim na ginagawa,
mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa.
16 Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap;
at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat,
ang mga araw na sa akin ay itinakda,
nang wala pang anuman sa kanila.
17 Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos!
Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon!
18 Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin.
Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin.
19 Sana'y patayin mo, O Diyos, ang masama,
kaya't layuan ninyo ako, mga taong nagpapadanak ng dugo.
20 Sapagkat sila'y nagsasalita laban sa iyo ng kasamaan,
at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Hindi ba kinapopootan ko silang napopoot sa iyo, O Panginoon?
At hindi ba kinasusuklaman ko silang laban sa iyo'y bumabangon?
22 Kinapopootan ko sila ng lubos na pagkapoot;
itinuturing ko sila na aking mga kaaway.
23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso;
subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko!
Salitang Pang-aliw sa Zion
51 Kayo'y makinig sa akin, kayong sumusunod sa katuwiran
kayong naghahanap sa Panginoon;
tumingin kayo sa malaking bato na inyong pinagtapyasan,
at sa tibagan na pinaghukayan sa inyo.
2 Tingnan ninyo si Abraham na ama ninyo,
at si Sara na nagsilang sa inyo;
sapagkat nang siya'y iisa ay tinawag ko siya,
at pinagpala ko at pinarami siya.
3 Sapagkat aaliwin ng Panginoon ang Zion;
kanyang aaliwin ang lahat niyang sirang dako,
at gagawin niyang parang Eden ang kanyang ilang,
ang kanyang disyerto na parang halamanan ng Panginoon;
kagalakan at kasayahan ay matatagpuan doon,
pagpapasalamat at tinig ng awit.
4 “Makinig ka sa akin, bayan ko;
at pakinggan mo ako, bansa ko.
Sapagkat magmumula sa akin ang isang kautusan,
at ang aking katarungan bilang liwanag sa mga bayan.
5 Ang aking katuwiran ay malapit na,
ang aking kaligtasan ay humayo na,
at ang aking mga bisig ay hahatol sa mga bayan;
ang mga pulo ay naghihintay sa akin,
at sa aking bisig ay umaasa sila.
6 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit,
at tingnan ninyo ang lupa sa ibaba;
sapagkat ang langit ay mapapawing parang usok,
at ang lupa ay malulumang parang bihisan;
at silang naninirahan doon ay mamamatay sa gayunding paraan.
Ngunit ang pagliligtas ko ay magpakailanman,
at hindi magwawakas ang aking katuwiran.
7 “Makinig kayo sa akin, kayong nakakaalam ng katuwiran,
ang bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan.
Huwag ninyong katakutan ang pagkutya ng mga tao,
at huwag kayong mabalisa sa kanilang mga paglait.
8 Sapagkat sila'y lalamunin ng bukbok na parang bihisan,
at kakainin sila ng uod na parang balahibo ng tupa;
ngunit ang aking katuwiran ay magiging magpakailanman,
at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng salinlahi.”
23 Ngunit bago dumating ang pananampalataya, nabibilanggo tayo at binabantayan sa ilalim ng kautusan, hanggang sa ang pananampalataya ay ipahayag.
24 Kaya't ang kautusan ay naging ating tagasupil hanggang sa dumating si Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya.
25 Subalit ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo ay wala na sa ilalim ng tagasupil.
26 Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.
27 Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.
28 Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.
29 At(A) kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.
Ang mga Tradisyon(A)
7 Nang sama-samang lumapit sa kanya ang mga Fariseo at ang ilan sa mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem,
2 kanilang nakita ang ilan sa kanyang alagad na kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay, samakatuwid ay hindi hinugasan.
3 (Sapagkat ang mga Fariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makapaghugas na mabuti ng mga kamay, na sinusunod ang tradisyon ng matatanda.
4 Kapag nanggaling sila sa palengke, hindi sila kumakain malibang nalinis nila ang kanilang mga sarili. At marami pang ibang bagay ang kanilang sinusunod gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.)[a]
5 Kaya't siya'y tinanong ng mga Fariseo at mga eskriba, “Bakit ang iyong mga alagad ay hindi lumalakad ayon sa tradisyon ng matatanda, kundi kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay?”
6 At(B) sinabi niya sa kanila, “Tama ang pahayag ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagkunwari, ayon sa nasusulat,
‘Iginagalang ako ng bayang ito ng kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
7 At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo bilang aral ang mga utos ng mga tao!’
8 Iniwan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghahawakan ang tradisyon ng mga tao.”
9 Sinabi pa niya sa kanila, “Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon.
10 Sapagkat(C) sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat patayin!’
11 Ngunit sinasabi ninyo na kung sabihin ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang tulong na mapapakinabang ninyo sa akin ay Corban, na nangangahulugang handog,’
12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya pinahihintulutang gumawa ng anuman para sa kanyang ama o ina,
13 kaya't pinawawalang kabuluhan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng tradisyon na inyong ipinamana at marami pa kayong ginagawang mga bagay na katulad nito.
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
14 Muli niyang pinalapit ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain.
15 Walang anumang nasa labas ng tao na pagpasok sa kanya ay nakapagpaparumi sa kanya kundi ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.”
16 [Kung ang sinuman ay may pandinig na ipandirinig ay makinig.]
17 Nang iwan niya ang maraming tao at pumasok siya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga.
18 Sinabi niya sa kanila, “Kayo rin ba ay hindi nakakaunawa? Hindi ba ninyo nalalaman, na anumang nasa labas na pumapasok sa tao ay hindi nakapagpaparumi sa kanya,
19 sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at ito'y inilalabas sa tapunan ng dumi? Sa ganito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.”
20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.
21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpaslang,
22 ang pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan.
23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagmumula at nakapagpaparumi sa tao.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001