Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:1-24

ALEPH.

119 Mapalad silang sakdal ang landas,
    na sa kautusan ng Panginoon ay lumalakad!
Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo,
    na hinahanap siya ng buong puso,
na hindi rin gumagawa ng kasamaan,
    kundi lumalakad sa kanyang mga daan.
Iniutos mo ang iyong mga tuntunin,
    upang masikap naming sundin.
O maging matatag nawa ang pamamaraan ko
    sa pag-iingat ng mga tuntunin mo!
Kung gayo'y hindi ako mapapahiya,
    yamang itinuon ko sa lahat ng iyong mga utos ang aking mga mata.
Pupurihin kita ng may matuwid na puso,
    kapag aking natutunan ang matutuwid mong mga batas.
Aking tutuparin ang mga tuntunin mo;
    O huwag mong ganap na talikuran ako!

BETH.

Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
    Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita nang buong puso ko;
    O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
    upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Purihin ka, O Panginoon;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13 Ipinahahayag ng mga labi ko
    ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14 Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
    gaya ng lahat ng kayamanan.
15 Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
    at igagalang ang mga daan mo.
16 Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
    hindi ko kalilimutan ang iyong salita.

GIMEL.

17 Gawan ng mabuti ang iyong lingkod,
    upang mabuhay ako, at sundin ang salita mo.
18 Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko,
    ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo.
19 Ako'y isang dayuhan sa lupain,
    huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
20 Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik
    sa lahat ng panahon sa mga batas mo.
21 Iyong sinasaway ang mga walang galang,
    ang mga sinumpa na lumalayo sa iyong mga utos.
22 Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo,
    sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23 Bagaman ang mga pinuno ay umuupong nagsasabwatan laban sa akin;
    ang lingkod mo'y magbubulay-bulay sa iyong mga tuntunin.
24 Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo,
    ang mga iyon ay aking mga tagapayo.

Mga Awit 12-14

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Sheminith. Awit ni David.

12 Panginoon, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo,
    sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa,
    sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya.
Nawa'y putulin ng Panginoon ang lahat ng mapanuyang mga labi,
    ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki,
ang mga nagsasabi, “Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami,
    ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?”
“Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan,
    titindig na ako ngayon,” sabi ng Panginoon;
    “Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi.”
Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita,
    gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
    na pitong ulit na dinalisay.

O Panginoon, sila ay iyong iingatan,
    iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman.
Gumagala ang masasama sa bawat dako,
    kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

13 O Panginoon, hanggang kailan? Kalilimutan mo ba ako magpakailanman?
    Hanggang kailan mo ikukubli ang iyong mukha sa akin?
Hanggang kailan ako kukuha ng payo sa aking kaluluwa,
    at magkaroon ng kalungkutan sa aking puso buong araw?
Hanggang kailan magtatagumpay ang aking kaaway laban sa akin?

O Panginoon kong Diyos, bigyang-pansin at sagutin mo ako,
    ang aking mga mata'y paliwanagin mo, baka sa kamatayan matulog ako;
baka sabihin ng aking kaaway, “Laban sa kanya, ako'y nagtagumpay;”
    sapagkat ako'y nayayanig; baka magalak ang aking kaaway.
Ngunit ako'y nagtiwala sa tapat mong paglingap,
    sa iyong pagliligtas, puso ko'y magagalak.
Ako'y aawit sa Panginoon,
    sapagkat ako'y pinakitunguhan niya na may kasaganaan.

Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.

14 Sinasabi(A) ng hangal sa kanyang puso, “Walang Diyos.”
    Sila'y masasama, sila'y gumagawa ng kasuklamsuklam na mga gawa;
    walang gumagawa ng mabuti.

Ang Panginoon ay nakadungaw mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
    upang tingnan kung may sinumang kumikilos na may talino,
    na hinahanap ang Diyos.

Silang lahat ay naligaw, sila ay pare-parehong naging masasama;
    walang sinumang gumagawa ng mabuti,
    wala kahit isa.

Hindi ba alam ng lahat ng gumagawa ng kasamaan,
    na siyang kumakain sa aking bayan gaya ng kanilang pagkain ng tinapay,
    at hindi tumatawag sa Panginoon?

Sa malaking pagkasindak sila'y malalagay,
    sapagkat ang Diyos ay kasama ng salinlahi ng mga banal.
Ang panukala ng dukha sa kahihiyan ay ilalagay mo,
    ngunit ang Panginoon ang kanyang saklolo.
Ang pagliligtas para sa Israel ay manggaling nawa mula sa Zion!
    Kapag ang kayamanan ng kanyang bayan ay ibinalik ng Panginoon,
    magagalak si Jacob, at matutuwa ang Israel.

Isaias 41:1-16

Ang Pangako ng Diyos sa Israel

41 Tahimik kayong makinig sa akin, O mga lupain sa baybayin;
    hayaang magpanibagong lakas ang mga bayan;
hayaang lumapit sila, at hayaang magsalita sila;
    tayo'y sama-samang lumapit para sa kahatulan.

Sinong nagbangon ng matuwid sa silangan,
    na kaniyang tinawag sa kanyang paanan?
Siya'y nagbibigay ng mga bansa sa harap niya,
    pinasusuko niya ang mga hari;
kanyang ginagawa silang parang alabok sa kanyang tabak,
    na parang pinaspas na dayami ng kanyang busog.
Kanyang hinahabol sila at lumalampas na payapa
    sa mga daang hindi dinaanan ng kanyang mga paa.
Sinong nagbalak at nagsagawa nito,
    na tumawag ng mga salinlahi mula nang pasimula?
Akong Panginoon, ang una,
    at kasama ng huli, Ako nga.
Nakita ng mga pulo, at natakot,
    ang mga dulo ng lupa ay nanginig;
    sila'y lumapit, at pumarito.
Bawat tao'y tumutulong sa kanyang kapwa,
    at sinasabi sa kanyang kapatid, “Ikaw ay magpakatapang!”
Pinasisigla ng karpintero ang platero,
    at pinasisigla ng gumagamit ng pamukpok ang pumupukpok ng palihan,
na sinasabi tungkol sa paghinang, “Mabuti”;
    at kanyang inilalapat ng mga pako, upang huwag makilos.

Ang Israel ay Tiniyak na Tutulungan ng Panginoon

Ngunit(A) ikaw, Israel, lingkod ko,
    Jacob, na siyang aking pinili,
    na binhi ni Abraham na aking kaibigan;
ikaw na aking kinuha mula sa mga dulo ng lupa,
    at tinawag kita mula sa mga pinakamalayong sulok niyon,
na sinasabi sa iyo, “Ikaw ay aking lingkod,
    aking pinili ka at hindi kita itinakuwil”;
10 huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo,
    huwag kang mabalisa, sapagkat ako'y Diyos mo;
aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan;
    oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran.

11 Narito, silang lahat na nagagalit sa iyo
    ay mapapahiya at malilito:
silang nakikipaglaban sa iyo
    ay mawawalan ng kabuluhan at mapapahamak.
12 Iyong hahanapin sila na nakikipaglaban sa iyo,
    ngunit hindi mo sila matatagpuan;
silang nakikipagdigma laban sa iyo
    ay matutulad sa wala.
13 Sapagkat ako, ang Panginoon mong Diyos,
    ang humahawak ng iyong kanang kamay;
ako na nagsasabi sa iyo, “Huwag kang matakot,
    ikaw ay aking tutulungan.”

14 Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob,
    at kayong mga lalaki ng Israel!
aking tutulungan ka, sabi ng Panginoon,
    ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel.
15 Narito, ginawa kitang bagong matalas na kasangkapang panggiik,
    na may mga ngipin;
iyong gigiikin ang mga bundok, at dudurugin ang mga iyon,
    at iyong gagawing parang ipa ang mga burol.
16 Iyong tatahipan sila, at tatangayin ng hangin,
    at pangangalatin ng ipu-ipo.
At ikaw ay magagalak sa Panginoon,
    at iyong luluwalhatiin ang Banal ng Israel.

Efeso 2:1-10

Mga Patay na Binuhay

Kayo(A) noo'y mga patay sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan,

na dati ninyong nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.

Tayong lahat ay dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo'y katutubong mga anak ng kapootan, gaya naman ng mga iba.

Ngunit ang Diyos, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa atin,

maging noong tayo'y mga patay sa pamamagitan ng ating mga pagsuway, binuhay niya tayo kay Cristo—sa pamamagitan ng biyaya kayo'y naligtas,

at tayo'y muling binuhay na kasama niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus,

upang kanyang maipakita sa mga panahong darating ang di-masukat na kayamanan ng kanyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Sapagkat sa biyaya kayo'y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos;

hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki.

10 Sapagkat tayo'y kanyang pinakamahusay na gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na inihanda ng Diyos nang una pa upang siya nating lakaran.

Marcos 1:29-45

Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Maraming Tao(A)

29 Pagkalabas sa sinagoga, pumasok sila sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan.

30 At ang biyenang babae ni Simon ay nakahiga na nilalagnat at agad nilang sinabi kay Jesus[a] ang tungkol sa kanya.

31 Lumapit siya at hinawakan ang babae[b] sa kamay at siya'y ibinangon. Nawala ang kanyang lagnat at siya'y naglingkod sa kanila.

32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng mga demonyo.

33 Ang buong lunsod ay nagkatipon sa may pintuan.

34 At nagpagaling siya ng maraming iba't ibang may karamdaman at nagpalayas siya ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat siya'y kilala nila.

Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(B)

35 Nang madaling-araw, habang madilim pa, pagbangon ni Jesus[c] ay lumabas siya at nagtungo sa isang ilang na lugar, at doon ay nanalangin.

36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan niya.

37 Siya'y natagpuan nila, at sinabi sa kanya, “Hinahanap ka ng lahat.”

38 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta tayo sa iba pang mga karatig-bayan upang ako'y makapangaral din naman doon, sapagkat dahil dito ako'y naparito.”

39 At(C) nagpunta siya sa buong Galilea na nangangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.

Pinagaling ang Isang Ketongin(D)

40 Lumapit sa kanya ang isang ketongin na nakikiusap at nakaluhod na nagsasabi, “Kung gusto mo, maaari mo akong linisin.”

41 Dahil sa awa, iniunat ni Jesus[d] ang kanyang kamay, hinipo ang ketongin at sinabi sa kanya, “Gusto ko, maging malinis ka.”

42 At kaagad na nawala ang kanyang ketong at siya'y naging malinis.

43 Pagkatapos na mahigpit siyang binalaan, kaagad niya itong pinaalis.

44 Sinabi(E) niya sa kanya, “Tiyakin mong wala kang sasabihin kaninuman kundi pumunta ka at magpakita sa pari at maghandog ka para sa pagkalinis sa iyo ayon sa ipinag-utos ni Moises bilang isang patotoo sa kanila.”

45 Ngunit siya'y umalis at nagsimulang magsalita nang malaya tungkol dito at ikinalat ang balita, kaya't hindi na hayagang makapasok si Jesus sa bayan, kundi nanatili siya sa mga ilang na lugar at pinuntahan siya ng mga tao mula sa lahat ng panig.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001