Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 30

Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.

30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
    at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
    at ako ay pinagaling mo.
O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
    at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
    at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
    ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.

Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
    “Hindi ako matitinag kailanman.”
Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
    ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    at sa Panginoon ay nanawagan ako:
“Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
    kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
    Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
     Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”

11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
    hinubad mo ang aking damit-sako,
    at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
    O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.

Mga Awit 32

Awit ni David. Isang Maskil.

32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
    na ang kasalanan ay tinakpan.
Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
    at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.

Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
    sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
    ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)

Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
    at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
    at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)

Kaya't ang bawat isang banal
    ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
    siya'y hindi nila aabutan.
Ikaw ay aking dakong kublihan;
    iniingatan mo ako sa kaguluhan;
    pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)

Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
    Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
    na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
    na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.

10 Marami ang paghihirap ng masasama;
    ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
    at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!

Mga Awit 42-43

IKALAWANG AKLAT

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.

42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
    gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
    sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
    ang mukha ng Diyos?
Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
    “Nasaan ang iyong Diyos?”
Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
    habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
    at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
    napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.

O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
    kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
    mula sa Bundok ng Mizhar.
Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
    sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
    sa akin ay tumabon.
Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
    at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
    isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.

Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
    “Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
    dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
    ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
    “Nasaan ang Diyos mo?”

11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
    laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
    bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
    dahil sa kaaway kong malupit?

O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
    patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
    at sa iyong tirahan!
Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
    sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
    O Diyos, aking Diyos.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

Isaias 46

46 Si Bel ay nagpapatirapa, si Nebo ay yumuyukod;
    ang kanilang mga diyus-diyosan ay pasan ng mga baka at mga hayop;
ang mga bagay na ito na inyong dala-dala
    ay mabigat na pasan sa pagod.
Sila'y yumuyukod, sila'y nagpapatirapang magkakasama;
    hindi nila mailigtas ang pasan,
    kundi sila ma'y tutungo sa pagkabihag.

“Inyong dinggin ako, O sambahayan ni Jacob,
    at lahat na nalabi sa sambahayan ni Israel,
na kinalong ko mula sa iyong pagsilang,
    na dinala mula sa sinapupunan;
at hanggang sa katandaan mo ay ako siya,
    at hanggang sa magkauban ay dadalhin kita.
Ginawa kita at aking dadalhin ka.
    Aking dadalhin at ililigtas ka.

“Kanino ninyo ako itutulad,
    at ihahambing ako upang kami ay maging magkatulad?
Sila'y dumudukot ng maraming ginto sa supot,
    at nagtitimbang ng pilak sa timbangan,
na nagsisiupa ng panday-ginto, at kanyang ginagawang diyos;
    oo, sila'y nagpapatirapa, at nagsisisamba!
Ipinapasan nila iyon sa balikat, dinadala nila iyon,
    inilalagay nila iyon sa kanyang lugar, at iyon ay nakatayo roon;
    mula sa kanyang dako ay hindi siya makakilos.
Oo, may dadaing sa kanya, gayon ma'y hindi siya makasasagot,
    o makapagliligtas man sa kanya sa kanyang kabagabagan.

“Inyong alalahanin ito, at maging tiyak,
    isaisip ninyo uli, kayong mga masuwayin,
    inyong alalahanin ang mga dating bagay nang una,
sapagkat ako'y Diyos, at walang iba;
    ako'y Diyos, at walang gaya ko,
10 na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula,
    at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari;
na nagsasabi, ‘Ang layunin ko ay maitatatag,
    at gagawin ko ang lahat ng aking kaligayahan,’
11 na tumatawag ng ibong mandaragit mula sa silangan,
    ng taong gumagawa ng aking layunin mula sa malayong lupain;
oo, aking sinabi, oo, aking papangyayarihin,
    aking pinanukala, at akin itong gagawin.

12 “Makinig kayo sa akin, kayong matitigas ang puso,
    kayo na malayo sa katuwiran:
13 Aking inilalapit ang aking katuwiran, hindi ito malayo,
    at ang aking pagliligtas ay hindi magtatagal;
at aking ilalagay ang kaligtasan sa Zion,
    para sa Israel na aking kaluwalhatian.”

Efeso 6:10-24

Ang Buong Kasuotang Pandigma

10 Sa kahuli-hulihan, patuloy kayong magpakalakas sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang lakas.

11 Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang kayo'y makatagal laban sa mga pakana ng diyablo.

12 Sapagkat ang ating pakikipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espirituwal ng kasamaan sa kalangitan.

13 Kaya't kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa araw na masama, at kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag.

14 Kaya't(A) tumindig kayo, na ang inyong mga baywang ay nabibigkisan ng katotohanan na suot ang baluti ng katuwiran,

15 at(B) nakasuot sa inyong mga paa ang pagiging handa para sa ebanghelyo ng kapayapaan.

16 Kasama ng lahat ng mga ito, taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na sa pamamagitan nito ay inyong masusugpo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama.

17 At(C) taglayin ninyo ang helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Diyos.

18 Manalangin kayo sa Espiritu sa lahat ng panahon sa bawat panalangin at pagsamo. At sa bagay na ito ay maging handa na may buong pagtitiyaga at pagsusumamo para sa lahat ng mga banal.

19 Idalangin din ninyo ako upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubukas ng aking bibig, upang ipahayag na may katapangan ang hiwaga ng ebanghelyo,

20 na dahil dito ako'y isang sugong may tanikala; upang ito'y aking maipahayag na may katapangan gaya ng nararapat na aking sabihin.

Pangwakas na Pagbati

21 At(D) (E) upang malaman din ninyo ang mga bagay tungkol sa akin at ang aking kalagayan, si Tiquico ang siyang magsasalaysay sa inyo ng lahat ng mga bagay. Siya na aking minamahal na kapatid at tapat na lingkod sa Panginoon.

22 Isinusugo ko siya sa inyo para sa bagay na ito, upang malaman ninyo ang mga bagay tungkol sa amin, at upang kanyang pasiglahin ang inyong mga puso.

23 Kapayapaan nawa sa mga kapatid, at pag-ibig na may pananampalataya mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

24 Ang biyaya nawa'y sumakanilang lahat na mayroong pag-ibig na di-kumukupas sa ating Panginoong Jesu-Cristo.[a]

Marcos 5:1-20

Pinagaling ni Jesus ang Inaalihan ng Masamang Espiritu(A)

Dumating sila sa kabilang ibayo ng dagat, sa lupain ng mga Geraseno.[a]

Nang bumaba siya sa bangka, isang lalaki na may masamang espiritu ang agad na sumalubong sa kanya mula sa mga libingan.

Siya'y naninirahan sa mga libingan at wala nang makapigil sa kanya kahit na may tanikala.

Sapagkat madalas na siya'y ginagapos ng mga kadena at mga tanikala ngunit nilalagot niya ang mga tanikala, at pinagpuputul-putol ang mga kadena. Walang taong may lakas na makasupil sa kanya.

Sa gabi't araw ay palagi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato.

Nang matanaw niya si Jesus sa malayo, tumakbo siya at si Jesus[b] ay kanyang sinamba.

Siya'y sumigaw ng may malakas na tinig, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Ipinapakiusap ko sa iyo, alang-alang sa Diyos, na huwag mo akong pahirapan.”

Sapagkat sinabi niya sa kanya, “Lumabas ka sa taong iyan, ikaw na masamang espiritu.”

At tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sumagot siya, “Lehiyon[c] ang pangalan ko sapagkat marami kami.”

10 Nagmakaawa siya sa kanya na huwag silang palayasin sa lupain.

11 Noon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa libis ng bundok.

12 Nakiusap sila sa kanya, “Papuntahin mo kami sa mga baboy upang kami ay makapasok sa kanila.”

13 At sila'y kanyang pinahintulutan. Ang mga masamang espiritu ay lumabas at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may bilang na mga dalawang libo ay bumulusok sa matarik na bangin patungong dagat at nalunod sila sa dagat.

14 Ang mga nagpapakain sa kanila ay tumakas at ibinalita sa lunsod at sa mga nayon. Kaya't nagdatingan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari.

15 Lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang inalihan ng mga demonyo na nakaupo roon na may damit at matino ang pag-iisip, ang taong nagkaroon ng isang lehiyon, at sila'y natakot.

16 At sinabi sa kanila ng mga nakakita rito kung anong nangyari sa inalihan ng mga demonyo at sa mga baboy.

17 Sila'y nagpasimulang makiusap kay Jesus[d] na lisanin ang pook nila.

18 Nang sumasakay na siya sa bangka, ang lalaking inalihan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y isama niya.

19 Ngunit tumanggi siya at sinabi sa kanya, “Umuwi ka sa iyong mga kaibigan at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paanong kinaawaan ka niya.”

20 At ang lalaki[e] ay lumisan at nagpasimulang ipahayag sa Decapolis ang lahat ng ginawa ni Jesus para sa kanya; at namangha ang lahat.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001