Book of Common Prayer
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit ni David.
103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
at lahat ng nasa loob ko,
purihin ang kanyang banal na pangalan!
2 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
3 na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
4 na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
5 na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.
6 Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
at katarungan sa lahat ng naaapi.
7 Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
8 Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
9 Hindi siya laging makikipaglaban,
ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
14 Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman,
naaalala niya na tayo'y alabok.
15 Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo,
siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang;
16 ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho,
at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman.
17 Ngunit ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan
para sa mga natatakot sa kanya,
at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak,
18 sa mga nag-iingat ng tipan niya,
at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya.
19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan,
at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya;
kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita,
na nakikinig sa tinig ng kanyang salita!
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng hukbo niya;
kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban!
22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.
114 Nang(A) lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,
ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,
2 ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,
ang Israel ay kanyang sakop.
3 Ang(B) dagat ay tumingin at tumakas,
ang Jordan ay umatras.
4 Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,
ang mga burol na parang mga batang tupa.
5 Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?
O Jordan, upang umurong ka?
6 O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?
O mga burol, na parang mga batang tupa?
7 Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon,
sa harapan ng Diyos ni Jacob;
8 na(C) ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,
na bukal ng tubig ang hasaang bato.
Ang Isang Tunay na Diyos
115 Huwag sa amin, O Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan,
dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan!
2 Bakit sasabihin ng mga bansa,
“Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?”
3 Ang aming Diyos ay nasa mga langit,
kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan.
4 Ang(D) kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto,
gawa ng mga kamay ng mga tao.
5 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita;
may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita.
6 Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy.
7 Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama,
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan.
8 Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila;
gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.
9 O Israel, sa Panginoon ay magtiwala ka!
Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya.
10 O sambahayan ni Aaron, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
11 Kayong natatakot sa Panginoon, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
12 Inalaala tayo ng Panginoon; tayo'y kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain;
13 pagpapalain(E) niya ang mga natatakot sa Panginoon,
ang mababa kasama ang dakila.
14 Paramihin nawa kayo ng Panginoon,
kayo at ang inyong mga anak!
15 Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,
siya na gumawa ng langit at lupa!
16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon,
ni sinumang bumababa sa katahimikan.
18 Ngunit aming pupurihin ang Panginoon
mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ang Panginoon!
3 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: “Kayo'y ipinagbili sa wala, at kayo'y tutubusin na walang salapi.
4 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Ehipto upang makipamayan doon, at inapi sila ng mga taga-Asiria ng walang kadahilanan.
5 Ngayon(A) anong ginagawa ko rito, sabi ng Panginoon. Yamang ang aking bayan ay dinala nang walang dahilan? Ang mga namumuno sa kanila ay umuungal, sabi ng Panginoon, at ang aking pangalan ay laging hinahamak sa buong araw.
6 Kaya't makikilala ng aking bayan ang aking pangalan. Malalaman nila sa araw na iyon, na ako ang nagsasalita. Narito ako.”
Ang Mensahe sa Efeso
2 “Sa anghel ng iglesya sa Efeso ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay, na lumalakad sa gitna ng pitong gintong ilawan.
2 “Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong paggawa at pagtitiyaga, at hindi mo mapagtiisan ang masasamang tao, at sinubok mo ang mga nagsasabing sila'y mga apostol, ngunit sila'y hindi gayon, at natuklasan mo silang pawang mga sinungaling.
3 Alam ko ring ikaw ay may pagtitiis at nagsikap ka dahil sa aking pangalan, at hindi ka napagod.
4 Ngunit ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: iniwan mo ang iyong unang pag-ibig.
5 Kaya't alalahanin mo kung saan ka nahulog, magsisi ka at gawin mo ang mga bagay na ginawa mo noong una. Kung hindi, darating ako sa iyo at aalisin ko ang iyong ilawan mula sa kinalalagyan nito, malibang magsisi ka.
6 Ngunit ito ang mabuti na nasa iyo: kinapopootan mo ang mga gawa ng mga Nicolaita na kinapopootan ko rin.
7 Ang(A) may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay siya kong pakakainin sa punungkahoy ng buhay na nasa paraiso ng Diyos.
Ang Kasalan sa Cana
2 Nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus.
2 Inanyayahan din si Jesus at ang kanyang mga alagad sa kasalan.
3 Nang magkulang ng alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala silang alak.”
4 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, anong kinalaman niyon sa akin at sa iyo? Ang aking oras ay hindi pa dumating.”
5 Sinabi ng kanyang ina sa mga lingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”
6 Doon ay mayroong anim na tapayang bato para sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio na naglalaman ang bawat isa ng dalawa o tatlong bangang tubig.
7 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” Kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi.
8 Sinabi niya sa kanila, “Kumuha kayo ngayon, at inyong dalhin sa pinuno ng handaan.” At kanila ngang dinala.
9 Nang matikman ng pinuno ng handaan ang tubig na naging alak, at hindi niya alam kung saan ito nanggaling (subalit nalalaman ng mga lingkod na kumuha ng tubig), tinawag ng pinuno ng handaan ang lalaking bagong kasal.
10 At sinabi sa kanya, “Ang bawat tao ay unang naghahain ng mataas na uring alak, pagkatapos ay ang mababang uring alak kapag ang mga panauhin ay nakainom na. Subalit hanggang ngayon ay itinabi mo ang mabuting alak.”
11 Ginawa ito ni Jesus, ang una sa kanyang mga tanda, sa Cana ng Galilea, at ipinahayag ang kanyang kaluwalhatian; at sumampalataya sa kanya ang kanyang mga alagad.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001