Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
40 Matiyaga akong naghintay sa Panginoon;
kumiling siya sa akin at pinakinggan ang aking daing.
2 Iniahon niya ako sa hukay ng pagkawasak,
mula sa putikang lusak,
at itinuntong niya ang mga paa ko sa isang malaking bato,
at pinatatag ang aking mga hakbang.
3 Nilagyan niya ng bagong awit ang aking bibig,
isang awit ng pagpupuri sa ating Diyos.
Marami ang makakakita at matatakot,
at magtitiwala sa Panginoon.
4 Mapalad ang tao na kaniyang ginawang tiwala ang Panginoon,
na hindi bumabaling sa mga mapagmataas,
pati sa mga naligaw sa kamalian.
5 Pinarami mo, O Panginoon kong Diyos,
ang iyong mga kagila-gilalas na gawa at ang iyong mga pag-aalala sa amin;
walang maaaring sa iyo'y ihambing!
Kung aking ipahahayag ang mga iyon at isasaysay,
ang mga iyon ay higit kaysa mabibilang.
6 Hain(A) at handog ay hindi mo ibig,
ngunit binigyan mo ako ng bukas na pandinig.
Handog na sinusunog at handog pangkasalanan
ay hindi mo kinailangan.
7 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Narito, ako'y dumarating;
sa balumbon ng aklat ay nakasulat ang tungkol sa akin;
8 kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko;
ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.”
9 Ako'y nagpahayag ng masayang balita ng kaligtasan
sa dakilang kapulungan;
narito, ang aking mga labi ay hindi ko pipigilan,
O Panginoon, iyong nalalaman.
10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso;
ibinalita ko ang iyong katapatan at ang pagliligtas mo;
hindi ko inilihim ang iyong tapat na pag-ibig at ang iyong katapatan
sa dakilang kapulungan.
11 Huwag mong ipagkait sa akin, O Panginoon,
ang iyong kahabagan,
lagi nawa akong ingatan
ng iyong tapat na pag-ibig at ng iyong katapatan!
12 Sapagkat pinaligiran ako ng kasamaang di mabilang,
inabutan ako ng aking mga kasamaan,
hanggang sa ako'y hindi makakita;
sila'y higit pa kaysa mga buhok ng aking ulo,
nanghihina ang aking puso.
13 Kalugdan[a] mo nawa, O Panginoon, na ako'y iligtas mo!
O Panginoon, ikaw ay magmadaling tulungan ako!
14 Sila nawa'y mapahiya at hamaking sama-sama
silang nagsisikap na agawin ang aking buhay;
sila nawa'y mapaurong at madala sa kahihiyan,
silang nagnanais ng aking kapahamakan.
15 Matakot nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan
na nagsasabi sa akin, “Aha! Aha!”
16 Ngunit magalak at matuwa nawa sa iyo
ang lahat ng sa iyo'y nagsisihanap;
yaong umiibig sa iyong pagliligtas
ay patuloy nawang magsabi, “Dakilain ang Panginoon!”
17 Dahil sa ako'y nahihirapan at nangangailangan,
alalahanin nawa ako ng Panginoon.
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
huwag kang magtagal, O aking Diyos.
Sa(A) Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David, nang ang mga Zifeo ay tumungo at sabihin kay Saul, “Si David ay nagtatago sa gitna namin.”
54 Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan,
at pawalang-sala mo ako sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan.
2 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
pakinggan mo ang mga salita ng bibig ko.
3 Sapagkat ang mga banyaga ay naghimagsik laban sa akin,
at mararahas na tao ang umuusig sa buhay ko;
hindi nila inilagay ang Diyos sa harapan nila. (Selah)
4 Ang Diyos ay aking katulong;
ang Panginoon ang umaalalay sa aking kaluluwa.
5 Kanyang gagantihan ng masama ang mga kaaway ko;
tapusin mo sila sa katapatan mo.
6 Ako'y mag-aalay sa iyo ng kusang-loob na handog;
ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, O Panginoon, sapagkat ito'y mabuti.
7 Sapagkat iniligtas niya ako sa bawat kabagabagan;
at ang aking mata ay tuminging may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, nang si Natan na propeta ay dumating sa kanya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Batseba.
51 Maawa(A) ka sa akin, O Diyos,
ayon sa iyong tapat na pag-ibig;
ayon sa iyong saganang kaawaan
ay pawiin mo ang aking mga paglabag.
2 Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,
at linisin mo ako sa aking kasalanan.
3 Sapagkat aking nalalaman ang mga pagsuway ko,
at ang aking kasalanan ay laging nasa harapan ko.
4 Laban(B) sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,
at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin,
upang ikaw ay maging ganap sa iyong pagsasalita
at walang dungis sa iyong paghatol.
5 Narito, ako'y ipinanganak sa kasamaan;
at ipinaglihi ako ng aking ina sa kasalanan.
6 Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa panloob na pagkatao,
at sa tagong bahagi ay iyong ipapakilala sa akin ang karunungan.
7 Linisin mo ako ng isopo, at ako'y magiging malinis;
hugasan mo ako at ako'y magiging higit na maputi kaysa niyebe.
8 Gawin mong marinig ko ang kagalakan at kasayahan;
hayaan mong ang mga buto na iyong binali ay magalak.
9 Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,
at pawiin mo ang lahat kong mga kasamaan.
10 Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos;
at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Sa iyong harapan ay huwag mo akong paalisin,
at ang iyong banal na Espiritu sa akin ay huwag mong bawiin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas,
at alalayan ako na may espiritung nagnanais.
13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga sumusuway ang mga lakad mo;
at ang mga makasalanan ay manunumbalik sa iyo.
14 Iligtas mo ako, O Diyos, mula sa salang pagdanak ng dugo,
ikaw na Diyos ng aking kaligtasan;
at ang aking dila ay aawit nang malakas tungkol sa iyong katuwiran.
15 O Panginoon, buksan mo ang mga labi ko,
at ang aking bibig ay magpapahayag ng papuri sa iyo.
16 Sapagkat sa alay ay hindi ka nalulugod; kung hindi ay bibigyan kita,
hindi ka nalulugod sa handog na sinusunog.
17 Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa,
isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.
18 Gawan mo ng mabuti ang Zion sa iyong mabuting kaluguran,
itayo mo ang mga pader ng Jerusalem,
19 kung gayo'y malulugod ka sa matutuwid na alay,
sa mga handog na sinusunog at sa buong handog na sinusunog;
kung gayo'y ihahandog ang mga toro sa iyong dambana.
50 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Nasaan ang sulat ng pagkakahiwalay ng iyong ina,
na aking ipinaghiwalay sa kanya?
O kanino sa mga nagpapautang sa akin ipinagbili kita?
Narito, dahil sa inyong mga kasamaan ay ipinagbili kayo,
at dahil sa inyong mga pagsuway ay inilayo ang ina ninyo.
2 Bakit nang ako'y pumarito ay walang tao?
Nang ako'y tumawag, bakit walang sumagot?
Naging maikli na ba ang aking kamay, anupa't hindi makatubos?
O wala akong kapangyarihang makapagligtas?
Narito, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat,
aking ginawang ilang ang mga ilog.
Ang kanilang isda ay bumabaho sapagkat walang tubig,
at namamatay dahil sa uhaw.
3 Aking binibihisan ng kaitiman ang langit,
at aking ginagawang damit-sako ang kanyang panakip.”
Ang Pagsunod ng Lingkod ng Diyos
4 Binigyan ako ng Panginoong Diyos
ng dila ng mga naturuan,
upang aking malaman kung paanong aalalayan
ng mga salita ang nanlulupaypay.
Siya'y nagigising tuwing umaga,
ginigising niya ang aking pandinig
upang makinig na gaya ng mga naturuan.
5 Binuksan ng Panginoong Diyos ang aking pandinig,
at ako'y hindi naging mapaghimagsik,
o tumalikod man.
6 Iniharap(A) ko ang aking likod sa mga tagahampas,
at ang aking mga pisngi sa mga bumunot ng balbas;
hindi ko ikinubli ang aking mukha
sa kahihiyan at sa paglura.
7 Sapagkat tinulungan ako ng Panginoong Diyos;
kaya't hindi ako napahiya;
kaya't inilagay ko ang aking mukha na parang batong kiskisan,
at alam ko na hindi ako mapapahiya.
8 Siya(B) na magpapawalang-sala sa akin ay malapit.
Sinong makikipaglaban sa akin?
Tayo'y tumayong magkakasama.
Sino ang aking kaaway?
Bayaang lumapit siya sa akin.
9 Narito, tinutulungan ako ng Panginoong Diyos;
sino ang magsasabi na ako ay nagkasala?
Tingnan mo, silang lahat ay malulumang parang bihisan;
lalamunin sila ng tanga.
10 Sino sa inyo ang natatakot sa Panginoon,
na sumusunod sa tinig ng kanyang lingkod,
na lumalakad sa kadiliman,
at walang liwanag?
Magtiwala siya sa pangalan ng Panginoon,
at umasa sa kanyang Diyos.
11 Narito, kayong lahat na nagpapaningas ng apoy,
na nagsisindi ng mga suló!
Lumakad kayo sa liyab ng inyong apoy,
at sa gitna ng mga suló na inyong sinindihan!
Ito ang makakamit ninyo sa aking kamay:
kayo'y hihiga sa pagpapahirap.
Ang Pangako kay Abraham
15 Mga kapatid, ako ay nagsasalita ayon sa tao, kapag napagtibay na ang tipan ng isang tao, walang makapagdaragdag o makapagpapawalang-bisa nito.
16 Ngayon, ang mga pangako ay ginawa kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi, “At sa mga binhi,” na tungkol sa marami; kundi tungkol sa iisa, “At sa iyong binhi,” na si Cristo.
17 Ito(A) ang ibig kong sabihin: “Ang kautusan, na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon, ay hindi nagpapawalang-bisa sa tipan na dati nang pinagtibay ng Diyos, upang pawalang-saysay ang pangako.
18 Sapagkat(B) kung ang mana ay sa pamamagitan ng kautusan, ito ay hindi na sa pamamagitan ng pangako, subalit ipinagkaloob ito ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng pangako.
Ang Layunin ng Kautusan
19 Bakit pa mayroong kautusan? Ito ay idinagdag dahil sa mga paglabag, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan; at ito'y ibinigay sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan.
20 Ngayon, ang tagapamagitan ay nangangahulugan na may higit sa iisang panig; subalit ang Diyos ay iisa.
21 Kung gayon, ang kautusan ba ay salungat sa mga pangako ng Diyos? Huwag nawang mangyari. Sapagkat kung ibinigay ang isang kautusan na makapagbibigay-buhay, samakatuwid, ang katuwiran ay sa pamamagitan ng kautusan.
22 Subalit ibinilanggo ng kasulatan ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kasalanan, upang ang ipinangako sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo ay maibigay sa mga sumasampalataya.
47 Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat at siya'y nag-iisa sa lupa.
48 Pagkakita sa kanila na sila'y nahihirapan sa pagsagwan, sapagkat salungat sa kanila ang hangin, nang malapit na ang madaling araw,[a] lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat. Balak niyang lampasan sila,
49 ngunit nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, inakala nilang iyon ay isang multo at sila'y sumigaw;
50 sapagkat siya ay nakita nilang lahat at sila'y nasindak. Ngunit agad siyang nagsalita sa kanila at sinabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito; huwag kayong matakot.”
51 Sumakay siya sa bangka kasama nila at tumigil ang hangin. At sila'y lubhang nanggilalas,
52 sapagkat hindi nila nauunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi tumigas ang kanilang mga puso.
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(A)
53 Nang makatawid na sila, narating nila ang lupain ng Genesaret at dumaong doon.
54 At nang bumaba sila sa bangka, agad siyang nakilala ng mga tao.
55 Tumakbo sila sa palibot ng buong lupaing iyon at pinasimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nasa kanilang higaan, saanman nila mabalitaan na naroon siya.
56 At saanman siya pumasok sa mga nayon, o sa mga lunsod o bukid inilalagay nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at pinapakiusapan siya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng humipo nito[b] ay pawang gumaling.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001