Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 20-21

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kaguluhan!
    Ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang magtataas sa iyo!
Nawa'y saklolohan ka niya mula sa santuwaryo,
    at alalayan ka mula sa Zion!
Maalala nawa niya ang lahat mong mga handog,
    at tanggapin niya ang iyong mga handog na sinusunog! (Selah)

Nawa'y ang nais ng iyong puso ay ipagkaloob niya sa iyo,
    at tuparin ang lahat ng mga panukala mo!
Kami'y magagalak sa iyong pagliligtas,
    at sa pangalan ng aming Diyos ay aming itataas ang aming mga watawat!
Ganapin nawa ng Panginoon ang kahilingan mong lahat!

Ngayo'y nalalaman ko na tutulungan ng Panginoon ang kanyang pinahiran ng langis;
    sasagutin niya siya mula sa kanyang banal na langit
    na may makapangyarihang pagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay.
Ipinagmamalaki ng ilan ang mga karwahe, at ang iba ay ang mga kabayo;
    ngunit ipinagmamalaki namin ang pangalan ng Panginoon naming Diyos.
Sila'y mabubuwal at guguho,
    ngunit kami ay titindig at matuwid na tatayo.

Bigyan ng tagumpay ang hari, O Panginoon,
    sagutin nawa kami kapag kami ay tumatawag.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

21 Ang hari ay nagagalak, O Panginoon, sa iyong kalakasan,
    at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob,
    at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala,
    pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay,
    haba ng mga araw magpakailanman.
Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian,
    ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman;
    iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa Panginoon,
    at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;
    ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay.
Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon
    kapag ikaw ay lumitaw.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kanyang kagalitan;
    at sa apoy sila'y malulusaw.
10 Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo,
    at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao.
11 Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan,
    kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay.
12 Sapagkat iyong patatalikurin sila,
    iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana.

13 Mataas ka, O Panginoon, sa iyong kalakasan!
    Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.

Mga Awit 110

Awit ni David.

110 Sinabi(A) ng Panginoon sa aking panginoon:
    “Umupo ka sa aking kanan,
hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway.”

Iuunat ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion.
    Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo!
Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan
    sa araw ng iyong kapangyarihan
    sa kagandahan ng kabanalan.
Mula sa bukang-liwayway ng umaga,
    ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya.
Sumumpa(B) ang Panginoon, at hindi magbabago ang kanyang isipan,
    “Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay;
    dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot.
Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa,
    kanyang pupunuin sila ng mga bangkay;
wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa.
Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan;
    kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas.

Mga Awit 116-117

116 Minamahal ko ang Panginoon, sapagkat kanyang dininig
    ang aking tinig at aking mga hiling.
Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin,
    kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay.
Ang bitag ng kamatayan ay pumalibot sa akin,
    ang mga hapdi ng Sheol ay nagsihawak sa akin:
    ako'y nagdanas ng pagkabahala at pagkadalamhati.
Nang magkagayo'y sa pangalan ng Panginoon ay tumawag ako:
    “O Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang buhay ko!”

Mapagbiyaya at matuwid ang Panginoon,
    oo, ang Diyos namin ay maawain.
Iniingatan ng Panginoon ang mga taong karaniwan;
    ako'y naibaba at iniligtas niya ako.
Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko;
    sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng Panginoon.
Sapagkat iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan,
    ang mga mata ko sa mga luha,
    ang mga paa ko sa pagkatisod;
Ako'y lalakad sa harapan ng Panginoon
    sa lupain ng mga buháy.
10 Ako'y(A) naniwala nang aking sinabi,
    “Lubhang nahihirapan ako;”
11 sinabi ko sa aking pangingilabot,
    “Lahat ng tao ay sinungaling.”

12 Ano ang aking isusukli sa Panginoon
    sa lahat niyang kabutihan sa akin?
13 Aking itataas ang saro ng kaligtasan,
    at tatawag sa pangalan ng Panginoon,
14 tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
    sa harapan ng lahat ng kanyang bayan.
15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon
    ang kamatayan ng kanyang mga banal.
16 O Panginoon, ako'y iyong lingkod;
    ako'y iyong lingkod, anak ng iyong lingkod na babae;
    iyong kinalag ang aking mga gapos.
17 Ako'y mag-aalay sa iyo ng handog ng pasasalamat,
    at tatawag sa pangalan ng Panginoon.
18 Tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
    sa harapan ng lahat ng kanyang bayan;
19 sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon,
    sa gitna mo, O Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!

Bilang Pagpupuri sa Panginoon

117 Purihin(B) ang Panginoon, kayong lahat na mga bansa!
    Dakilain ninyo siya, kayong lahat na mga bayan!
Sapagkat dakila ang kanyang tapat na pag-ibig sa atin;
    at ang katapatan ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!

Isaias 43:1-13

Ang Panginoon Lamang ang Makapagliligtas

43 Ngunit ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon,
    siya na lumalang sa iyo, O Jacob,
    siya na nag-anyo sa iyo, O Israel:
“Huwag kang matakot, sapagkat ikaw ay tinubos ko;
    tinawag kita sa pangalan mo, ikaw ay akin.
Kapag ikaw ay dumaraan sa tubig, ako'y makakasama mo;
    at sa pagtawid sa mga ilog ay hindi ka nila aapawan,
kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog;
    at hindi ka tutupukin ng apoy.
Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos,
    ang Banal ng Israel, ang iyong Tagapagligtas.
Aking ibinigay ang Ehipto bilang pantubos sa iyo,
    ang Etiopia at ang Seba bilang kapalit mo.
Sapagkat ikaw ay mahalaga sa aking paningin,
    at kagalang-galang, at minamahal kita,
nagbibigay ako ng mga tao na pamalit sa iyo,
    at mga bayan na kapalit ng buhay mo.
Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo;
    aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silangan,
    at titipunin kita mula sa kanluran.
Aking sasabihin sa hilaga, Hayaan mo,
    at sa timog, Huwag mong pigilin;
dalhin mo rito ang aking mga anak na lalaki na sa malayo nagmula,
    at ang aking mga anak na babae na mula sa mga dulo ng lupa,
bawat tinatawag sa aking pangalan,
    sila na aking nilikha ay para sa aking kaluwalhatian,
    oo, yaong aking inanyuan, oo, yaong aking ginawa.”

Ang Israel ang Saksi ng Panginoon

Iyong ilabas ang mga taong bulag, gayunma'y may mga mata,
    na mga bingi, gayunma'y may mga tainga!
Hayaang sama-samang magtipon ang lahat na bansa,
    at magpulong ang mga bayan.
Sino sa kanila ang makapagpapahayag nito,
    at makapagsasabi sa amin ng mga dating bagay?
Dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila'y mapawalang-sala,
    at dinggin nila, at sabihin, Katotohanan nga.
10 “Kayo'y aking mga saksi,” sabi ng Panginoon,
    “at aking lingkod na aking pinili,
upang inyong malaman at manampalataya kayo sa akin,
    at inyong maunawaan na Ako nga.
Walang diyos na inanyuan na una sa akin,
    o magkakaroon man pagkatapos ko.
11 Ako, ako ang Panginoon,
    at liban sa akin ay walang tagapagligtas.
12 Ako'y nagpahayag, ako'y nagligtas, at ako'y nagpakilala,
    nang walang ibang diyos sa gitna ninyo;
    at kayo ang aking mga saksi,” sabi ng Panginoon.
13 “Ako ang Diyos, at mula sa walang hanggan ay ako nga;
    walang sinumang makapagliligtas mula sa aking kamay;
    ako'y gumagawa at sinong pipigil?”

Efeso 3:14-21

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,[a]

15 na sa kanya'y ipinangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa,

16 upang sa inyo'y ipagkaloob niya ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa pagkataong-loob;

17 upang si Cristo ay manirahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya, kung paanong kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig.

18 Aking idinadalangin na magkaroon kayo ng kapangyarihang matarok, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim,

19 at upang makilala ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman upang kayo'y mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.

20 Ngayon, sa kanya na makakagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,

21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi, magpakailanpaman. Amen.

Marcos 2:23-3:6

Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(A)

23 Nang(B) isang Sabbath, nagdaraan siya sa mga bukirin ng trigo, at samantalang sila'y nagdaraan ang kanyang mga alagad ay nagsimulang pumitas ng mga uhay.

24 Sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Tingnan mo, bakit nila ginagawa ang hindi ipinahihintulot sa araw ng Sabbath?”

25 At sinabi niya sa kanila, “Kailanman ba'y hindi ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom at nangailangan ng pagkain?

26 Kung(C) (D) paanong pumasok siya sa bahay ng Diyos, noong si Abiatar ang pinakapunong pari at kumain siya ng tinapay ng paghahandog, na hindi ipinahihintulot kainin maliban ng mga pari lamang at binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan?”

27 At sinabi niya sa kanila, “Ang Sabbath ay ginawa para sa tao, at hindi ang tao para sa Sabbath.

28 Kaya't ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(E)

Muli siyang pumasok sa sinagoga at doo'y may isang lalaking paralisado[a] ang isang kamay.

Kanilang minamatyagan si Jesus[b] kung kanyang pagagalingin ang lalaki[c] sa araw ng Sabbath upang siya'y maparatangan nila.

Sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Lumapit ka.”

At sinabi niya sa kanila, “Ipinahihintulot ba na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath, o ang gumawa ng masama, magligtas ng buhay, o pumuksa nito?” Ngunit sila'y tahimik.

Sila'y tiningnan niya ng may galit. Nalulungkot siya sa katigasan ng kanilang puso at sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat niya ito at nanumbalik sa dati ang kanyang kamay.

Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsanggunian sa mga Herodiano laban sa kanya kung paanong siya'y mapupuksa nila.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001