Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:49-72

ZAIN.

49 Alalahanin mo ang iyong salita sa lingkod mo,
    na doo'y pinaasa mo ako.
50 Ito'y aking kaaliwan sa aking kapighatian,
    na ang iyong pangako ang nagbibigay sa akin ng buhay.
51 Ganap akong pinagtatawanan ng mapagmataas na tao,
    gayunma'y hindi ako humihiwalay sa kautusan mo.
52 Aking inalaala ang mga batas mo nang una,
    O Panginoon, at ako'y naaaliw.
53 Maalab na galit ang humawak sa akin,
    dahil sa masasama na tumalikod sa iyong kautusan.
54 Ang iyong mga tuntunin ay naging aking mga awit
    sa bahay ng aking paglalakbay.
55 O Panginoon, aking naalala sa gabi ang iyong pangalan,
    at sinunod ko ang iyong kautusan.
56 Ito ang tinamo ko,
    sapagkat aking iningatan ang mga tuntunin mo.

CHETH.

57 Ang Panginoon ay aking bahagi;
    aking ipinangangako na tutuparin ang iyong mga salita.
58 Aking hinihiling ang iyong biyaya nang buong puso ko;
    mahabag ka sa akin ayon sa iyong pangako.
59 Inisip ko ang mga lakad ko,
    at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
60 Ako'y nagmamadali at hindi naaantala
    na sundin ang iyong mga utos.
61 Pinuluputan ako ng mga panali ng masama;
    hindi ko nalimutan ang iyong kautusan.
62 Sa hatinggabi ay babangon ako upang ikaw ay purihin,
    dahil sa iyong mga matuwid na tuntunin.
63 Ako'y kasama ng lahat na natatakot sa iyo,
    at ng mga tumutupad ng mga tuntunin mo.
64 O Panginoon, ang lupa ay punô ng tapat na pag-ibig mo,
    ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!

TETH.

65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod,
    O Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting pagpapasiya at kaalaman;
    sapagkat ako'y sumampalataya sa iyong kautusan.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako;
    ngunit ngayo'y tinutupad ko ang salita mo.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.
69 Ang mayabang ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin,
    ngunit aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo;
    ngunit ako'y natutuwa sa kautusan mo.
71 Mabuti sa akin na pinapagpakumbaba ako;
    upang aking matutunan ang mga tuntunin mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin
    kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak.

Mga Awit 49

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

49 Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan!
    Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig,
maging mababa at mataas,
    mayaman at dukha na magkakasama!
Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan;
    ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa.
Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan,
    ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan.

Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan,
    kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan,
mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan,
    at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan?
Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid,
    ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay.
Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal,
    at dapat siyang huminto magpakailanman,
na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman,
    na siya'y huwag makakita ng kabulukan.

10 Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay,
    ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay
    at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan.
11 Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman,
    kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi;
    tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12 Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan,
    siya'y gaya ng mga hayop na namamatay.

13 Ito ang daan noong mga hangal,
    at noong mga iba na pagkatapos nila ay sumasang-ayon sa kanilang salita. (Selah)

14 Gaya ng mga tupa ay para sa Sheol sila nakatalaga,
    ang kamatayan ay magiging pastol nila,
at ang kanilang kagandahan ay mapapasa sa Sheol upang matunaw,
    at ang kanilang anyo ay maaagnas;
    ang Sheol ang kanilang magiging tahanan.
15 Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol,
    sapagkat ako'y tatanggapin niya. (Selah)

16 Huwag kang matakot kapag may yumaman,
    kapag ang kaluwalhatian ng kanyang bahay ay lumalago.
17 Sapagkat kapag siya'y namatay ay wala siyang madadala,
    ang kanyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasunod niya.
18 Bagaman habang siya'y nabubuhay ay binabati niya ang kanyang sarili,
    at bagaman ang tao'y tumatanggap ng papuri kapag siya'y gumawa ng mabuti para sa sarili,
19 siya'y paroroon sa salinlahi ng kanyang mga magulang;
    na hindi sila makakakita ng liwanag kailanman.
20 Taong nasa karangalan, subalit hindi nakakaunawa,
    ay gaya ng mga hayop na namamatay.

Mga Awit 53

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath. Isang Maskil ni David.

53 “Walang(A) Diyos,” sinasabi ng pusong hangal.
Sila'y masasama at gumagawa ng kasamaang karumaldumal,
    wala isa mang gumagawa ng mabuti.

Ang Diyos ay tumutunghay mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
    upang tingnan kung may sinumang matalino,
    na naghahanap sa Diyos.

Silang lahat ay tumalikod; sila'y pawang masasama,
    walang sinumang gumagawa ng mabuti,
    wala, wala kahit isa.

Wala bang kaalaman ang mga gumagawa ng kasamaan?
    Sila na kumakain ng aking bayan na tila sila'y kumakain ng tinapay,
    at hindi tumatawag sa Diyos?

Doon sila'y nasa matinding takot,
    na kung saan ay walang dapat ikatakot.
Sapagkat ikinalat ng Diyos ang mga buto nilang kumukubkob laban sa iyo,
sila'y inilagay mo sa kahihiyan, sapagkat itinakuwil sila ng Diyos.

O, nawa'y ang pagliligtas para sa Israel ay dumating mula sa Zion!
    Kapag ibinalik ng Diyos ang kapalaran ng kanyang bayan,
    magagalak ang Jacob at matutuwa ang Israel.

Isaias 49:1-12

Ang Israel ang Tanglaw ng mga Bansa

49 Kayo'y(A) makinig sa akin, O mga pulo;
    at inyong pakinggan, kayong mga bayan sa malayo.
Tinawagan ako ng Panginoon mula sa sinapupunan,
    mula sa katawan ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan.
Ang(B) aking bibig ay ginawa niyang parang matalas na tabak,
    sa lilim ng kanyang kamay ay ikinubli niya ako;
ginawa niya akong makinang na palaso,
    sa kanyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako.
At sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking lingkod;
    Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.”
Ngunit aking sinabi, “Ako'y gumawang walang kabuluhan,
    ginugol ko ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan;
gayunma'y ang aking katarungan ay nasa Panginoon,
    at ang aking gantimpala ay nasa aking Diyos.”

At ngayo'y sinabi ng Panginoon,
    na nag-anyo sa akin mula sa sinapupunan upang maging kanyang lingkod,
upang ibalik uli ang Jacob sa kanya,
    at ang Israel ay matipon sa kanya;
sapagkat sa mga mata ng Panginoon ako'y pinarangalan,
    at ang aking Diyos ay aking kalakasan—
oo, kanyang(C) sinasabi:
“Napakagaan bang bagay na ikaw ay naging aking lingkod
upang ibangon ang mga lipi ni Jacob,
    at panumbalikin ang iningatan ng Israel;
ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga bansa
    upang ang aking kaligtasan ay makarating hanggang sa dulo ng lupa.”

Ganito ang sabi ng Panginoon,
    ng Manunubos ng Israel at ng kanyang Banal,
sa lubos na hinamak, sa kinasuklaman ng bansa,
    ang lingkod ng mga pinuno:
“Ang mga hari at ang mga pinuno,
    ay makakakita at babangon, at sila'y magsisisamba;
dahil sa Panginoon na tapat,
    sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.”

Ganito(D) ang sabi ng Panginoon:

“Sa kalugud-lugod na panahon ay sinagot kita,
    at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita;
aking iningatan ka, at ibinigay kita
    bilang isang tipan sa bayan,
upang itatag ang lupain,
    upang ipamahagi ang mga sirang mana;
na sinasabi sa mga bilanggo, ‘Kayo'y magsilabas;’
    sa mga nasa kadiliman, ‘Magpakita kayo.’
Sila'y magsisikain sa mga daan,
    at ang lahat ng bukas na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.
10 Sila'y(E) hindi magugutom, o mauuhaw man;
    at hindi rin sila mapapaso ng maiinit na hangin ni sasaktan man sila ng araw.
Sapagkat siyang may awa sa kanila ang sa kanila ay papatnubay,
    at aakayin sila sa tabi ng mga bukal ng tubig.
11 At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok,
    at ang aking mga lansangan ay patataasin.
12 Narito, ang mga ito'y manggagaling sa malayo,
    at, narito, ang mga ito ay mula sa hilaga, at mula sa kanluran,
    at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.”

Galacia 2:11-21

Sinaway ni Pablo si Pedro sa Antioquia

11 Ngunit nang dumating si Cefas[a] sa Antioquia, sumalungat ako sa kanya nang mukhaan, sapagkat siya'y nahatulang nagkasala.

12 Bago dumating ang ilan mula kay Santiago, dati siyang nakikisalo sa mga Hentil. Ngunit nang sila'y dumating, siya'y umurong at humiwalay dahil natatakot sa pangkat ng pagtutuli.

13 At ang ibang mga Judio ay nakisama sa kanya sa ganitong pagkukunwari, kaya't maging si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari.

14 Ngunit nang makita ko na hindi sila lumalakad nang matuwid sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Cefas[b] sa harapan nilang lahat, “Kung ikaw, na Judio, ay namumuhay gaya ng mga Hentil at di gaya ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Hentil na mamuhay na gaya ng mga Judio?”

Naliligtas ang mga Judio at Hentil sa Pamamagitan ng Pananampalataya

15 Tayo mismo ay ipinanganak na mga Judio, at hindi mga Hentil na makasalanan,

16 at(A) nalalaman natin na ang tao ay hindi inaaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at tayo ay sumasampalataya kay Cristo Jesus, upang ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, sapagkat sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay hindi aariing-ganap ang sinumang laman.

17 Ngunit kung sa ating pagsisikap na ariing-ganap kay Cristo, tayo mismo ay natagpuang mga makasalanan, si Cristo ba ay lingkod ng kasalanan? Huwag nawang mangyari!

18 Kung ang mga bagay na aking sinira ay aking muling itayo, pinatutunayan ko sa aking sarili na ako'y suwail.

19 Sapagkat ako sa pamamagitan ng kautusan ay namatay sa kautusan, upang ako'y mabuhay sa Diyos.

20 Ako'y ipinakong kasama ni Cristo at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin, at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak[c] ng Diyos na sa akin ay nagmahal, at nagbigay ng kanyang sarili dahil sa akin.

21 Hindi ko pinawawalang halaga ang biyaya ng Diyos, sapagkat kung ang pag-aaring-ganap ay sa pamamagitan ng kautusan, kung gayon, si Cristo ay namatay nang walang kabuluhan.

Marcos 6:13-29

13 Nagpalayas(A) sila ng maraming demonyo, pinahiran ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(B)

14 Nabalitaan(C) ito ni Haring Herodes, sapagkat ang pangalan ni Jesus ay naging tanyag. Sinasabi ng iba, “Si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay mula sa mga patay at dahil dito, gumagawa ang mga kapangyarihang ito sa kanya.”

15 Ngunit sinasabi ng iba, “Siya'y si Elias.” At sinasabi naman ng iba, “Siya'y propeta, na tulad ng isa sa mga propeta noong una.”

16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya, “Si Juan na aking pinugutan ng ulo ay muling nabuhay.”

17 Sapagkat(D) si Herodes mismo ang nagsugo sa mga kawal na dumakip kay Juan, at nagpagapos sa kanya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kanyang kapatid; sapagkat pinakasalan siya ni Herodes.

18 Sapagkat sinasabi ni Juan kay Herodes, “Hindi ipinahihintulot sa iyo na angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid.”

19 Kaya't si Herodias ay nagtanim ng galit sa kanya at hinangad siyang patayin ngunit hindi niya magawa,

20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Nalalaman niyang si Juan[a] ay isang lalaking matuwid at banal at siya'y ipinagtanggol niya. Nang kanyang mapakinggan siya, labis siyang nabagabag gayunma'y masaya siyang nakinig sa kanya.

21 Ngunit dumating ang isang pagkakataon na si Herodes sa kanyang kaarawan ay nagbigay ng isang salu-salo para sa kanyang mga mahistrado, mga pinuno ng hukbo at mga pangunahing tao sa Galilea.

22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias at sumayaw, siya'y nagustuhan ni Herodes at ng kanyang mga panauhin. Sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang maibigan mo at ibibigay ko sa iyo.”

23 At sumumpa siya sa kanya, “Ang anumang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.”

24 Lumabas siya at sinabi sa kanyang ina, “Ano ang aking hihingin?” At sinabi niya, “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.”

25 At nagmamadali siyang pumasok sa kinaroroonan ng hari at humiling na sinasabi, “Ibig kong ibigay mo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo na nasa isang pinggan.”

26 At lubhang nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangako at sa kanyang mga panauhin, ayaw niyang tumanggi sa kanya.

27 Agad na isinugo ng hari ang isang kawal na bantay at ipinag-utos na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan.[b] Umalis nga ang kawal[c] at pinugutan niya ng ulo si Juan sa bilangguan.

28 At dinala ang ulo ni Juan na nasa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina.

29 Nang mabalitaan ito ng kanyang mga alagad, pumaroon sila at kinuha ang kanyang bangkay at inilagay sa isang libingan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001