Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ng Panginoon, na iniukol ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng lahat niyang mga kaaway, at mula sa kamay ni Saul. Sinabi niya:
18 Iniibig kita, O Panginoon, aking kalakasan.
2 Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
3 Ako'y tumatawag sa Panginoon na marapat purihin,
at naligtas ako sa aking mga kaaway.
4 Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan
inaalon ako ng mga baha ng kasamaan.
5 Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko,
hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan.
6 Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong.
Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig.
At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig.
7 Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig
at nauga, sapagkat siya'y galit.
8 Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong,
at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon,
at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy.
9 Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba;
ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad,
siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang panakip ang kadiliman,
ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit.
12 Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya
ay lumabas ang kanyang mga ulap,
ang mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon ay kumulog din sa mga langit,
at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
14 At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila,
nagpakidlat siya at ginapi sila.
15 Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan,
at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran,
sa iyong pagsaway, O Panginoon,
sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.
16 Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako;
mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
at sa mga napopoot sa akin,
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan,
ngunit ang Panginoon ang aking gabay.
19 Inilabas niya ako sa maluwag na dako;
iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.
20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.
25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
ang salita ng Panginoon ay subok na;
siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.
31 Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
at ginagawang ligtas ang aking daan.
33 Kanyang(A) ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya.
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma,
anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso.
35 Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo,
at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako,
at pinadakila ako ng kahinahunan mo.
36 Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko,
at hindi nadulas ang mga paa ko.
37 Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila,
at hindi bumalik hanggang sa malipol sila.
38 Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo;
sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban;
pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay.
40 Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko,
at yaong napopoot sa akin ay winasak ko.
41 Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas,
sila'y dumaing sa Panginoon, subalit sila'y hindi niya tinugon.
42 Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin;
inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan.
43 Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo;
at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno,
ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao.
44 Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako;
ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko.
45 Nanlulupaypay ang mga dayuhan,
sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan.
46 Buháy ang Panginoon; at purihin ang aking malaking bato;
at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko.
47 Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti
at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko,
48 inililigtas niya ako sa mga kaaway ko.
Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako,
inililigtas mo ako sa mararahas na tao.
49 Dahil(B) dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo.
50 Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay
at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis,
kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.
17 Kapag ang dukha at nangangailangan ay humahanap ng tubig,
at wala,
at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw,
akong Panginoon ay sasagot sa kanila,
akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.
18 Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga lantad na kaitaasan,
at ng mga bukal sa gitna ng mga libis;
aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig,
at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.
19 Aking itatanim sa ilang ang sedro,
ang puno ng akasya, at ang arayan, at ang olibo;
aking ilalagay na magkakasama sa ilang ang sipres na puno,
ang alerses at pino;
20 upang makita at malaman ng mga tao,
isaalang-alang at sama-samang unawain,
na ginawa ito ng kamay ng Panginoon,
at nilikha ito ng Banal ng Israel.
Ang Hamon ng Diyos sa mga Huwad na Diyos
21 Iharap ninyo ang inyong usapin, sabi ng Panginoon;
dalhin ninyo ang inyong mga matibay na dahilan, sabi ng Hari ni Jacob.
22 Hayaang dalhin nila, at ipahayag sa amin
kung anong mangyayari.
Sabihin sa amin ang mga dating bagay, kung ano ang mga iyon,
upang aming malaman ang kalalabasan nila;
o ipahayag ninyo sa amin ang mga bagay na darating.
23 Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos,
upang aming malaman na kayo'y mga diyos;
oo, kayo'y gumawa ng mabuti, o gumawa ng kasamaan,
upang kami ay mawalan ng loob at mamasdan naming sama-sama.
24 Narito, kayo'y bale-wala,
at walang kabuluhan ang inyong gawa;
kasuklamsuklam siya na pumipili sa inyo.
25 May ibinangon ako mula sa hilaga, at siya'y dumating;
mula sa sikatan ng araw ay tatawag siya sa aking pangalan;
siya'y paroroon sa mga pinuno na parang pambayo,
gaya ng magpapalayok na tumatapak sa luwad.
26 Sinong nagpahayag noon mula nang pasimula upang aming malaman?
At nang una, upang aming masabi, “Siya'y matuwid”?
Oo, walang nagpahayag, oo, walang nagsalita,
oo, walang nakinig ng inyong mga salita.
27 Ako'y unang magsasabi sa Zion,
narito, narito sila;
at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.
28 Ngunit nang ako'y tumingin ay walang tao,
sa gitna nila ay walang tagapayo
na makapagbibigay ng sagot, kapag nagtatanong ako.
29 Narito, silang lahat ay masama;
ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan,
ang kanilang mga larawang inanyuan ay hangin at walang laman.
Iisa kay Cristo
11 Kaya nga, alalahanin ninyo na noong una, kayo'y mga Hentil sa laman, tinatawag na di-tuli ng mga tinatawag na tuli sa laman, na ginawa ng mga kamay ng tao,
12 na nang panahong iyon, kayo ay walang Cristo, hiwalay sa pagiging mamamayan ng Israel, at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.
13 Subalit ngayon ay na kay Cristo Jesus, kayo na noong una ay malayo, ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.
14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan, na kanyang pinag-isa ang dalawa, at sa pamamagitan ng kanyang laman ay giniba ang gitnang pader ng alitang humahati.
15 Kanyang(A) pinawalang-bisa ang kautusang mga batas sa mga alituntunin upang siya ay lumalang sa kanyang sarili ng isang bagong tao, kapalit ng dalawa, sa gayo'y gumagawa ng kapayapaan,
16 at(B) kanyang papagkasunduin ang dalawa sa isang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na sa pamamagitan niyon ay pinatay ang alitan.
17 At(C) siya'y dumating at ipinangaral ang kapayapaan sa inyo na malalayo, at kapayapaan sa mga malalapit.
18 Sapagkat sa pamamagitan niya, kapwa tayong makakalapit sa isang Espiritu patungo sa Ama.
19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at banyaga, kundi kayo'y mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos,
20 na itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok.
21 Sa kanya ang buong gusali ay nakalapat na mabuti at lumalaki tungo sa pagiging isang banal na templo sa Panginoon;
22 na sa kanya kayo rin ay magkasamang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa Espiritu.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Lumpo(A)
2 Nang siya'y magbalik sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balita na siya'y nasa bahay.
2 Maraming nagtipon, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. At kanyang ipinangaral sa kanila ang salita.
3 May mga taong[a] dumating na may dala sa kanya na isang lalaking lumpo na buhat ng apat.
4 Nang hindi nila ito mailapit sa kanya dahil sa karamihan ng tao, kanilang tinanggal ang bubungan sa tapat ng kanyang kinaroroonan. Nang kanilang mabutas iyon, ibinaba nila ang higaang kinahihigan ng lumpo.
5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
6 May ilan sa mga eskriba na nakaupo roon na nagtatanong sa kanilang mga puso,
7 “Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Siya'y lumalapastangan! Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?”
8 Pagkabatid ni Jesus sa kanyang espiritu na nagtatanong sila ng gayon sa kanilang mga sarili, agad niyang sinabi sa kanila, “Bakit nagtatanong kayo ng ganito sa inyong mga puso?
9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa lumpo, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’
10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa lumpo—
11 “Sinasabi ko sa iyo, tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.”
12 Tumayo nga siya, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Anupa't namangha silang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na nagsasabi, “Kailanma'y hindi pa tayo nakakita ng ganito!”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001