Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 121-123

Awit ng Pag-akyat.

121 Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin,
    ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?
Ang saklolo sa akin ay buhat sa Panginoon,
    na siyang gumawa ng langit at lupa.

Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas;
    siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog.
Siyang nag-iingat ng Israel
    ay hindi iidlip ni matutulog man.

Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat;
    ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw,
    ni ng buwan man kapag gabi.

Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
    kanyang iingatan ang iyong kaluluwa.
Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan,
    mula sa panahong ito at magpakailanpaman.

Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.

122 Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin,
    “Tayo na sa bahay ng Panginoon!”
Ang mga paa natin ay nakatayo
    sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem;

Jerusalem, na natayo
    na parang lunsod na siksikan;
na inaahon ng mga lipi,
    ng mga lipi ng Panginoon,
gaya ng iniutos para sa Israel,
    upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol,
    ang mga trono ng sambahayan ni David.

Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan!
    “Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal!
Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan,
    at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!”
Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan,
    aking sasabihin, “Sumainyo ang kapayapaan.”
Alang-alang sa bahay ng Panginoon nating Diyos,
    hahanapin ko ang iyong ikabubuti.

Awit ng Pag-akyat.

123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,
    O ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono!
Gaya ng mga mata ng mga alipin
    na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon,
gaya ng mga mata ng alilang babae
    na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae,
gayon tumitingin ang aming mga mata sa Panginoon naming Diyos,
    hanggang sa siya'y maawa sa amin.

Maawa ka sa amin, O Panginoon, maawa ka sa amin,
    sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin.
Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno
    ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan,
    ng paghamak ng palalo.

Mga Awit 131-132

Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.

131 Panginoon, hindi hambog ang aking puso,
    ni mayabang man ang mata ko;
ni nagpapaka-abala sa mga bagay na lubhang napakadakila,
    o sa mga bagay na para sa akin ay lubhang kamangha-mangha.
Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa;
    gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina,
    gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko.

O Israel, umasa ka sa Panginoon
    mula ngayon at sa walang hanggang panahon.

Awit ng Pag-akyat.

132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
    ang lahat ng kanyang kahirapan,
kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
    at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
“Hindi ako papasok sa aking bahay,
    ni hihiga sa aking higaan,
Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
    ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
    isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
Narinig(A) namin ito sa Efrata,
    natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
“Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
    sumamba tayo sa kanyang paanan!”

Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
    ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
    at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
    mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.

11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
    na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
    ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
    at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
    magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”

13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
    kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
    sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
    aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
    at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
    aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
    ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”

Isaias 63:1-5

Ang Tagumpay ng Panginoon

63 Sino(A) ito na nanggagaling sa Edom,
    na may mga kasuotang matingkad na pula mula sa Bosra?
Siya na maluwalhati sa kanyang suot,
    na lumalakad sa kadakilaan ng kanyang lakas?

“Ako iyon na nagsasalita ng katuwiran,
    makapangyarihang magligtas.”

Bakit pula ang iyong kasuotan,
    at ang iyong damit ay gaya niyong yumayapak sa pisaan ng alak?
“Aking(B) niyapakan ang pisaan ng alak na mag-isa,
    at mula sa mga bayan ay wala akong kasama;
sa aking galit ay akin silang niyapakan,
    at sa aking poot ay akin silang niyurakan;
at ang kanilang dugo ay tumilamsik sa mga suot ko,
    at namantsahan ang lahat ng suot ko.
Sapagkat ang araw ng paghihiganti ay nasa aking puso,
    at ang aking taon ng pagtubos ay dumating.
Ako'y(C) tumingin, ngunit walang sinumang tutulong,
    ako'y namangha ngunit walang umalalay;
kaya't iniligtas ako ng aking sariling kamay,
    at ang aking poot sa akin ay umalalay.

Apocalipsis 2:18-29

Ang Mensahe sa Tiatira

18 “At sa anghel ng iglesya sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Diyos, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kanyang mga paa ay gaya ng tansong pinakintab.

19 “Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong pag-ibig, pananampalataya, paglilingkod at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kaysa mga una.

20 Ngunit(A) ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na tinatawag ang kanyang sarili na propeta at kanyang tinuturuan at nililinlang ang aking mga lingkod[a] upang makiapid at kumain ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan.

21 Binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi; ngunit ayaw niyang magsisi sa kanyang pakikiapid.

22 Akin siyang iniraratay sa higaan at ang mga nakikiapid sa kanya ay ihahagis ko sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y magsisi sa kanyang mga gawa.

23 Papatayin(B) ko ng salot ang kanyang mga anak. At malalaman ng lahat ng mga iglesya na ako ang sumisiyasat ng mga pag-iisip at ng mga puso, at bibigyan ko ang bawat isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa.

24 Subalit sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa mga hindi nagtataglay ng aral na ito, sa mga hindi natuto ng gaya ng sinasabi ng iba ‘na mga malalalim na bagay ni Satanas,’ hindi ako naglalagay sa inyo ng ibang pabigat.

25 Gayunma'y ang nasa inyo'y panghawakan ninyong matibay hanggang sa ako'y dumating.

26 Sa(C) bawat nagtatagumpay at tumutupad ng aking mga gawa hanggang sa wakas,

ay bibigyan ko ng pamamahala sa mga bansa;
27 at sila'y pangungunahan niya sa pamamagitan ng isang pamalong bakal,
    gaya ng pagkadurog ng mga palayok,

28 kung paanong tumanggap din ako ng kapangyarihan mula sa aking Ama; ay ibibigay ko sa kanya ang tala sa umaga.

29 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Juan 5:1-15

Pinagaling ang Isang Lumpo

Pagkaraan nito ay nagkaroon ng pista ang mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.

Sa Jerusalem nga'y may isang tipunan ng tubig sa tabi ng Pintuan ng mga Tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bet-zatha[a] na may limang portiko.

Sa mga ito ay nakahiga ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga lumpo.[b]

[Sapagkat lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tipunan ng tubig at kinakalawkaw ang tubig; at ang unang manaog sa tipunan ng tubig, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na dinaramdam.]

Naroon ang isang lalaki na may tatlumpu't walong taon nang maysakit.

Nang makita ni Jesus na siya'y nakahiga at nalamang siya'y matagal nang may sakit, ay sinabi niya sa kanya, “Ibig mo bang gumaling?”

Sumagot sa kanya ang lalaking may sakit, “Ginoo, walang taong maglusong sa akin sa tipunan ng tubig kapag kinakalawkaw ang tubig; at samantalang ako'y lumalapit ay nakalusong na muna ang iba bago ako.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”

At kaagad gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng Sabbath.

10 Kaya't(A) sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling, “Ngayo'y araw ng Sabbath, at hindi ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan.”

11 Ngunit sila'y sinagot niya, “Ang nagpagaling sa akin ang siyang nagsabi sa akin, ‘Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.’”

12 Siya'y kanilang tinanong, “Sino ang taong nagsabi sa iyo, ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?’”

13 Ngunit hindi nakilala ng taong pinagaling kung sino iyon, sapagkat si Jesus ay umalis na sa maraming tao na naroroon.

14 Pagkatapos ay natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ikaw ay gumaling na; huwag ka nang magkasala, baka may mangyari pa sa iyo na lalong masama.”

15 Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001