Book of Common Prayer
Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
2 Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
3 O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!
4 Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
5 Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
6 Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
8 O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
9 O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.
11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(C) tao ang nagnanasa ng buhay,
at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.
15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.
19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(D) nitong mga buto ay iniingatan niya,
sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.
Awit ng Papuri.
33 Magalak kayo sa Panginoon, O kayong matutuwid.
Ang pagpupuri ay nababagay sa matuwid.
2 Purihin ninyo ang Panginoon sa pamamagitan ng lira,
gumawa kayo ng himig sa kanya sa may sampung kuwerdas na alpa!
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit;
tumugtog na may kahusayan sa mga kuwerdas, na may sigaw na malalakas.
4 Sapagkat ang salita ng Panginoon ay makatuwiran,
at lahat niyang mga gawa ay ginawa sa katapatan.
5 Ang katuwiran at katarungan ay kanyang iniibig,
punô ng tapat na pag-ibig ng Panginoon ang daigdig.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay ginawa ang mga langit;
at lahat ng mga hukbo nila sa pamamagitan ng hinga ng kanyang bibig.
7 Kanyang tinipon ang mga tubig ng dagat na gaya sa isang bunton;
inilagay niya ang mga kalaliman sa mga imbakan.
8 Matakot nawa sa Panginoon ang sandaigdigan,
magsitayo nawang may paggalang sa kanya ang lahat ng naninirahan sa sanlibutan!
9 Sapagkat siya'y nagsalita at iyon ay naganap,
siya'y nag-utos, at iyon ay tumayong matatag.
10 Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa;
kanyang binibigo ang mga panukala ng mga bayan.
11 Ang payo ng Panginoon kailanman ay nananatili,
ang mga iniisip ng kanyang puso sa lahat ng salinlahi.
12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon;
ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana!
13 Mula sa langit ang Panginoon ay nakatanaw,
lahat ng anak ng mga tao ay kanyang minamasdan.
14 Mula sa kanyang dakong tahanan ay nakatingin siya
sa lahat ng naninirahan sa lupa,
15 siya na sa mga puso nilang lahat ay humuhugis,
at sa lahat nilang mga gawa ay nagmamasid.
16 Ang isang hari ay hindi inililigtas ng kanyang napakaraming kawal;
ang isang mandirigma ay hindi inililigtas ng kanyang makapangyarihang lakas.
17 Ang kabayong pandigma ay walang kabuluhang pag-asa para sa tagumpay,
at hindi ito makapagliligtas sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang lakas.
18 Tunay na ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na natatakot sa kanya,
sa kanila na umaasa sa tapat na pag-ibig niya,
19 upang kanyang mailigtas ang kaluluwa nila mula sa kamatayan,
at sa taggutom ay panatilihin silang buháy.
20 Naghihintay sa Panginoon ang aming kaluluwa;
siya ang aming saklolo at panangga.
21 Oo, ang aming puso ay nagagalak sa kanya,
sapagkat kami ay nagtitiwala sa banal na pangalan niya.
22 Sumaamin nawa ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon,
kung paanong kami ay umaasa sa iyo.
Ang Pagtawag ng Diyos kay Abraham
12 Sinabi(A) ng Panginoon kay Abram, “Umalis ka sa iyong lupain, sa iyong mga kamag-anak, sa bahay ng iyong ama, at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.
2 Gagawin kitang isang malaking bansa, ikaw ay aking pagpapalain, gagawin kong dakila ang iyong pangalan, at ikaw ay magiging isang pagpapala.
3 Pagpapalain(B) ko ang magbibigay ng pagpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo; at sa pamamagitan mo ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain.”
4 Kaya't umalis si Abram ayon sa sinabi sa kanya ng Panginoon, at si Lot ay sumama sa kanya. Si Abram ay may pitumpu't limang taong gulang nang umalis siya sa Haran.
5 Isinama ni Abram si Sarai na kanyang asawa, at si Lot na anak ng kanyang kapatid, at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga taong kanilang nakuha sa Haran; at umalis sila upang pumunta sa lupain ng Canaan at nakarating sila roon.
6 Dumaan sa lupain si Abram hanggang sa lugar ng Shekem, sa punong ensina ng More. Noon, ang mga Cananeo ay nasa lupaing iyon.
7 Nagpakita(C) ang Panginoon kay Abram, at sinabi, “Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong lahi.”[a] At siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon na nagpakita sa kanya.
Ang Pananampalataya
11 Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.
2 Tunay na sa pamamagitan nito ang mga tao noong una ay tumanggap ng patotoo.
3 Sa(A) pananampalataya ay nauunawaan natin na ang mga sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupa't ang mga bagay na nakikita ay nagmula sa mga bagay na hindi nakikita.
Ang Pananampalataya nina Abel, Enoc, at Noe
4 Sa(B) pananampalataya si Abel ay nag-alay sa Diyos ng higit na dakilang handog kaysa kay Cain. Sa pamamagitan nito siya'y pinuri bilang matuwid at ang Diyos ang nagpapatotoo sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang mga kaloob. Patay na siya, gayunma'y nagsasalita pa sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.
5 Sa(C) pananampalataya si Enoc ay dinalang paitaas anupa't hindi na niya naranasan ang kamatayan. “Hindi na siya natagpuan, sapagkat siya'y kinuha ng Diyos.” Sapagkat bago siya dinalang paitaas, pinatotohanan na ang Diyos ay nalugod sa kanya.
6 At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos,[a] sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya.
7 Sa(D) pananampalataya si Noe, nang mabigyan ng Diyos ng babala tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay pinakinggan ang babala at gumawa ng isang daong para sa kaligtasan ng kanyang sambahayan. Sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya'y naging tagapagmana ng katuwirang ayon sa pananampalataya.
Ang Pananampalataya ni Abraham
8 Sa(E) pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay sumunod upang pumunta sa isang lugar na kanyang tatanggapin bilang pamana; at siya'y pumunta na hindi nalalaman ang kanyang pupuntahan.
9 Sa(F) pananampalataya siya'y dumayo sa lupang pangako na tulad ng sa ibang lupain, at nanirahan sa mga tolda na kasama sina Isaac at Jacob, na kapwa mga tagapagmana ng gayunding pangako.
10 Sapagkat siya'y umaasa sa lunsod na may mga kinasasaligan, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.
11 Sa(G) pananampalataya, maging si Sarah na isang baog ay tumanggap ng kakayahang magkaanak, bagaman lipas na sa tamang gulang, palibhasa'y itinuring niyang tapat ang nangako.
12 Kaya't(H) mula naman sa isang lalaki na parang patay na, ay isinilang ang mga inapo na kasindami ng mga bituin sa langit, at gaya ng di mabilang na mga buhangin sa tabi ng dagat.
35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw.
36 Subalit sinabi ko sa inyo na nakita ninyo ako subalit hindi kayo sumasampalataya.
37 Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin; at ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy.
38 Sapagkat ako'y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw.
40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kanya'y sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.”
41 Kaya't ang mga Judio ay nagbulung-bulungan tungkol sa kanya sapagkat kanyang sinabi, “Ako ang tinapay na bumabang galing sa langit.”
42 Kanilang sinabi, “Hindi ba ito'y si Jesus, ang anak ni Jose, na kilala natin ang kanyang ama at ina? Paano niya nasasabi, ‘Ako'y bumabang galing sa langit?’”
48 Ako ang tinapay ng buhay.
49 Kumain ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno, at sila'y namatay.
50 Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang sinumang makakain nito ay hindi mamatay.
51 Ako ang tinapay na buháy na bumabang galing sa langit. Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailanman, at ang tinapay na aking ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001