Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 1-4

UNANG AKLAT

Dalawang Uri ng Pamumuhay

Mapalad ang taong
    hindi lumalakad sa payo ng masama,
ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan,
    ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya;
kundi nasa kautusan ng Panginoon ang kanyang kagalakan,
    at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan.
Siya ay(A) gaya ng isang punungkahoy
    na itinanim sa tabi ng agos ng tubig,
na nagbubunga sa kanyang kapanahunan,
    ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta,
sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya.

Ang masama ay hindi gayon;
    kundi parang ipang itinataboy ng hangin.
Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa hukuman,
    ni sa kapulungan ng matuwid ang makasalanan;
sapagkat ang lakad ng matuwid ang Panginoon ang nakakaalam,
    ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan.

Ang Haring Pinili ng Panginoon

Bakit(B) nagsasabwatan ang mga bansa,
    at sa walang kabuluhan ang mga bayan ay nagpaplano?
Inihanda ng mga hari sa lupa ang kanilang sarili,
    at ang mga pinuno ay nagsisangguni,
laban sa Panginoon at sa kanyang binuhusan ng langis, na nagsasabi,
“Ang kanilang panggapos ay ating lagutin,
    at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin.”

Siya na nakaupo sa kalangitan ay tumatawa;
    at ang Panginoon ay kumukutya sa kanila.
Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kanyang poot,
    at tatakutin sila sa kanyang matinding galit, na nagsasabi,
“Gayunma'y inilagay ko ang aking hari sa Zion, sa aking banal na burol.”

Aking(C) sasabihin ang tungkol sa utos ng Panginoon:
Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking anak,
    sa araw na ito kita ay ipinanganak.
Humingi ka sa akin at ang mga bansa ay gagawin kong mana mo,
    at ang mga dulo ng lupa ay magiging iyo.
Sila'y(D) iyong babaliin ng pamalong bakal,
    at dudurugin mo sila gaya ng banga.”

10 Kaya't ngayon, O mga hari, kayo'y magpakapantas;
    O mga pinuno ng lupa, kayo'y magsihanda.
11 Kayo'y maglingkod sa Panginoon na may takot,
    at magalak na may panginginig,
12 ang anak ay inyong hagkan,
baka magalit siya at kayo'y mapahamak sa daan;
    sapagkat ang kanyang poot ay madaling mag-alab.

Mapapalad ang lahat na nanganganlong sa kanya.

Awit(E) ni David nang Takasan Niya si Absalom

Panginoon, ang mga kaaway ko ay dumarami!
    Ang tumitindig laban sa akin ay marami;
marami ang nagsasabi tungkol sa aking kaluluwa,
    walang tulong mula sa Diyos para sa kanya. (Selah)

Ngunit ikaw, O Panginoon ay isang kalasag sa palibot ko,
    aking kaluwalhatian, at siyang tagapagtaas ng aking ulo.
Ako'y dumadaing nang malakas sa Panginoon,
    at sinasagot niya ako mula sa kanyang banal na burol. (Selah)

Ako'y nahiga at natulog;
    ako'y muling gumising sapagkat inaalalayan ako ng Panginoon.
Sa sampung libu-libong tao ako'y hindi natatakot,
    na naghanda ng kanilang mga sarili laban sa akin sa palibot.
Bumangon ka, O Panginoon!
    Iligtas mo ako, O aking Diyos!
Sapagkat iyong sinampal sa pisngi ang lahat ng aking mga kaaway,
    iyong binasag ang mga ngipin ng masama.

Ang pagliligtas ay sa Panginoon;
    sumaiyong bayan nawa ang iyong pagpapala. (Selah)

Panalangin ng Saklolo

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas. Awit ni David.

Sagutin mo ako kapag tumatawag ako,
O Diyos na tagapagtanggol ko!
    Binigyan mo ako ng silid nang ako'y nasa kagipitan.
    Maawa ka sa akin, at dalangin ko'y iyong pakinggan.

O tao, hanggang kailan magdaranas ng kahihiyan ang aking karangalan?
    Gaano katagal mo iibigin ang mga salitang walang kabuluhan, at hahanapin ang kabulaanan? (Selah)

Ngunit alamin ninyo na ibinukod ng Panginoon para sa kanyang sarili ang banal;
    ang Panginoon ay nakikinig kapag sa kanya ako'y nagdarasal.

Magalit(F) ka, subalit huwag kang magkakasala;
    magbulay-bulay ka ng iyong puso sa iyong higaan, at tumahimik ka. (Selah)
Maghandog kayo ng matuwid na mga alay,
    at ang inyong pagtitiwala sa Panginoon ilagay.
Marami ang nagsasabi, “Sana'y makakita kami ng ilang kabutihan!
    O Panginoon, ang liwanag ng iyong mukha sa amin ay isilay!”
Ikaw ay naglagay ng kagalakan sa aking puso,
    kaysa nang ang kanilang butil at alak ay sagana.

Payapa akong hihiga at gayundin ay matutulog;
    sapagkat ikaw lamang, O Panginoon, ang gumagawa upang mamuhay ako sa katiwasayan.

Mga Awit 7

Sigaion ni David na kanyang inawit sa Panginoon tungkol kay Cus na Benjaminita.

O Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa iyo,
    iligtas mo ako sa lahat ng humahabol sa akin, at iligtas mo ako,
baka gaya ng leon ay lurayin nila ako,
    na kinakaladkad akong papalayo, at walang sumaklolo.

O Panginoon kong Diyos, kung ginawa ko ito,
    kung may pagkakamali sa mga kamay ko,
kung ako'y gumanti ng kasamaan sa aking kaibigan
    o nilooban ang aking kaaway na walang dahilan,
hayaang habulin ako ng aking kaaway at abutan ako,
    at tapakan niya sa lupa ang buhay ko,
    at ilagay sa alabok ang kaluwalhatian ko. (Selah)

Ikaw ay bumangon, O Panginoon, sa iyong galit,
    itaas mo ang iyong sarili laban sa poot ng aking mga kagalit,
    at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagtakda ng pagsusulit.
Hayaang ang kapulungan ng mga tao ay pumaligid sa iyo;
    at bumalik ka sa itaas sa ibabaw nito.
Ang Panginoon ay humahatol sa mga bayan;
    hatulan mo ako, O Panginoon, ayon sa aking katuwiran,
    at ayon sa taglay kong katapatan.

O(A) nawa'y magwakas na ang kasamaan ng masama,
    ngunit itatag mo ang matuwid;
sapagkat sinusubok ng matuwid na Diyos
    ang mga puso at mga pag-iisip.[a]
10 Ang Diyos ay aking kalasag,
    na nagliligtas ng pusong tapat.
11 Ang Diyos ay hukom na matuwid,
    at isang Diyos na araw-araw ay may galit.

12 Kung hindi magsisi ang tao, ihahasa ng Diyos ang tabak nito;
    kanyang inihanda at iniumang ang kanyang palaso;
13 nakakamatay na mga sandata ang kanyang inihanda,
    kanyang pinapagniningas ang kanyang mga pana.
14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan;
    at siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.
15 Siya'y gumawa ng hukay at pinalalim pang kusa,
    at nahulog sa butas na siya ang may gawa.
16 Bumabalik sa sarili niyang ulo ang gawa niyang masama,
    at ang kanyang karahasan sa sarili niyang bumbunan ay bumababa.
17 Ibibigay ko sa Panginoon ang pasasalamat na nararapat sa kanyang katuwiran,
    at ako'y aawit ng papuri sa pangalan ng Panginoon, ang Kataas-taasan.

Isaias 40:12-23

12 Sino ang tumakal ng tubig sa palad ng kanyang kamay,
    at sumukat sa langit ng sa pamamagitan ng dangkal,
at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang takal,
    at tumimbang ng mga bundok sa mga timbangan,
    at ng mga burol sa timbangan?
13 Sinong(A) pumatnubay sa Espiritu ng Panginoon,
    o bilang kanyang tagapayo ay nagturo sa kanya?
14 Kanino siya humingi ng payo upang maliwanagan,
    at nagturo sa kanya sa landas ng katarungan,
at nagturo sa kanya ng kaalaman,
    at nagpakilala sa kanya ng daan ng pagkaunawa?
15 Masdan mo, ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba,
    itinuturing na parang alabok sa timbangan;
    masdan mo, kanyang itinataas ang mga pulo na parang pinong alabok.
16 Ang Lebanon ay hindi sapat upang maging panggatong,
    ni ang mga hayop niyon ay sapat na handog na sinusunog.
17 Lahat ng mga bansa ay parang walang anuman sa harap niya;
    kanyang itinuring ang mga ito na mas kulang pa sa wala at walang laman.

18 Kanino(B) nga ninyo itutulad ang Diyos?
    O anong wangis ang ihahambing ninyo sa kanya?
19 Sa larawang inanyuan! Hinulma ito ng manggagawa,
    at binabalot ito ng ginto ng platero,
    at hinulmahan ito ng mga pilak na kuwintas.
20 Siyang napakadukha ay pumipili bilang handog
    ng kahoy na hindi mabubulok;
siya'y humahanap ng isang bihasang manlililok
    upang gumawa ng larawang inanyuan na hindi makakakilos.

21 Hindi ba ninyo nalaman? Hindi ba ninyo narinig?
    Hindi ba sinabi sa inyo mula nang una?
    Hindi ba ninyo naunawaan bago pa inilagay ang mga pundasyon ng lupa?
22 Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa,
    at ang mga naninirahan doon ay parang mga balang;
siyang naglaladlad ng langit na parang tabing,
    at inilaladlad ang mga iyon na parang tolda upang tirahan;
23 na dinadala sa wala ang mga pinuno,
    at ginagawang walang kabuluhan ang mga hukom ng lupa.

Efeso 1:1-14

Pagbati

Si(A) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, sa mga banal [na nasa Efeso], at sa mga mananampalataya kay Cristo Jesus:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Pagpapalang Espirituwal kay Cristo

Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpapala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan,

ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo'y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig.

Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban,

para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal.

Sa(B) kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya,

na pinasagana niya sa atin sa lahat ng karunungan at pagkaunawa,

na ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo,

10 bilang katiwala ng kaganapan ng panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa;

11 sa kanya ay tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban;

12 upang tayo na unang umasa kay Cristo ay mabuhay upang purihin ang kanyang kaluwalhatian.

13 Sa kanya'y kayo rin naman, na nakarinig ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at kayo na sumampalataya sa kanya, ay tinatakan ng ipinangakong Espiritu Santo.

14 Siya ang katibayan ng ating mana, hanggang sa ikatutubos ng pag-aari, sa ikapupuri ng kanyang kaluwalhatian.

Marcos 1:1-13

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Ang pasimula ng ebanghelyo[a] ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos.

Ayon(B) sa nasusulat sa Isaias na propeta,

“Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan,[b]
    na maghahanda ng iyong daan;
ang(C) tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
    Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas,’”

si Juan na Tagapagbautismo ay dumating sa ilang at ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

Pumupunta sa kanya ang mga tao mula sa buong lupain ng Judea at ang lahat ng mga taga-Jerusalem; at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan, na nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.

Si(D) Juan ay nakadamit ng balahibo ng kamelyo, may sinturong balat sa kanyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan.

At siya'y nangangaral, na nagsasabi, “Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin; hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas.

Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo.”

Ang Pagbabautismo at Pagtukso kay Jesus(E)

Nang mga araw na iyon ay nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Jordan.

10 Pagkaahon niya sa tubig, nakita niyang biglang nabuksan ang kalangitan, at ang Espiritu na bumababa sa kanya na tulad sa isang kalapati.

11 At(F) may isang tinig na nagmula sa langit, “Ikaw ang minamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.”

12 At agad siyang dinala ng Espiritu sa ilang.

13 Siya'y nasa ilang ng apatnapung araw, at tinukso siya ni Satanas. Kasama siya ng mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001