Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 45:1-2

Awit sa Maharlikang Kasalan

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit; isang awit ng pag-ibig.

45 Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan,
    habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal;
ang katulad ng dila ko ay panulat ng maalam,
    panulat ng dalubhasang sumulat ng kasaysayan.

Sa lahat nga ng nilikha, makisig kang hindi hamak,
    kapag nagtatalumpati'y pambihira kung mangusap;
    ikaw nga ay pinagpala ng Diyos sa tuwi-t’wina.

Mga Awit 45:6-9

Iyang(A) tronong tinanggap mo na kaloob ng Diyos,[a]
    isang tronong magtatagal at hindi na matatapos;
matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop.
Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
    higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.
Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango,
    mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako;
    inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo.
O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga,
    samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna,
    palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya.

Awit ni Solomon 2:1-7

Isa lamang akong rosas na sa Saron ay naligaw
    sa libis nitong bundok, isang ligaw na halaman.

Mangingibig:

Katulad mo'y isang liryo sa gitna ng kasukalan,
    namumukod ka sa lahat, bukod-tangi, aking hirang.

Babae:

Sa gitna ng kagubatan katulad niya ay mansanas,
    sa lahat ng mga tao, siya'y walang makatulad;
ako'y laging nananabik sa lilim niya'y manatili,
    ang tamis ng bunga niya kung kanin ko'y anong sarap.
Nang ako ay kanyang dalhin sa sagana niyang hapag,
    sa piling niya'y nadama ko ang pag-ibig niyang tapat.
Ako'y kanyang pinakain ng sariwang mga ubas,
    at magiliw na binusog ng matamis na mansanas;
    dahil aking puso'y uhaw sa pagsinta mong wagas.
Ang kaliwa niyang bisig ang siya kong inuunan,
    habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay.
Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem,
    sa ngalan ng mga usa't mga hayop na matutulin,
    ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.

Santiago 1:9-16

Ang Mahirap at ang Mayaman

Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos, 10 at(A) gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo. 11 Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan.

Ang Pagsubok at ang Pagtukso

12 Pinagpala ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos niyang malampasan ang pagsubok, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[a] sa mga umiibig sa kanya. 13 Huwag(B) sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. 14 Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. 15 At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan.

16 Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.