Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
“Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.
19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”
Si Amnon at si Tamar
13 Si Absalom, isang anak na lalaki ni David, ay may magandang kapatid na babae, si Tamar. Si Amnon, isa ring anak na lalaki ni David sa ibang babae, ay umibig kay Tamar. 2 Dahil sa labis na pag-ibig sa kapatid niyang ito, siya ay nagkasakit. Hindi niya malaman ang gagawin at kung paano makukuha si Tamar sapagkat ito'y isang birhen. 3 Ngunit may napakatusong kaibigan si Amnon na ang pangala'y Jonadab. Pamangkin ito ni David sa kanyang kapatid na si Simea. 4 Sinabi ni Jonadab kay Amnon, “Ikaw ay isang anak ng hari ngunit tuwing umaga'y napapansin kong matamlay ka, bakit ba?” Ipinagtapat ni Amnon na umiibig siya kay Tamar. 5 Kaya't sinabi ni Jonadab, “Ganito ang gawin mo. Mahiga ka sa kama at magkunwari kang may sakit. Pagdalaw ng iyong ama, sabihin mong papuntahin si Tamar upang magluto ng pagkain mo. Gusto mong makita siyang nagluluto at siya na rin ang magpakain sa iyo.” 6 Kaya't nahiga nga si Amnon at nagsakit-sakitan. Pagdating ng hari, sinabi niya, “Sabihin naman ninyo kay Tamar na pumarito, at ipagluto ako ng tinapay. Gusto ko pong makitang siya ang nagluluto, at siya na rin ang magpakain sa akin.”
7 Ipinagbilin nga ni David na magpunta si Tamar sa tirahan ni Amnon upang ipaghanda ito ng pagkain. 8 Nagpunta naman si Tamar at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng minasang harina at nagluto ng ilang tinapay habang pinagmamasdan siya ni Amnon. 9 Kinuha niya ito sa kawali at inihain kay Amnon, ngunit ayaw nitong kumain. Inutusan niyang lumabas ang lahat maliban kay Tamar. 10 Pagkatapos, sinabi niya, “Tamar, dalhin mo rito sa silid ang pagkain at subuan mo ako.” Dinala nga niya sa silid ang pagkain ni Amnon. 11 Nang ibibigay na ito sa kanya, biglang hinawakan ni Amnon ang kamay ni Tamar at sinabi, “Sumiping ka sa akin, kapatid ko.”
12 “Huwag, kapatid ko!” sabi ng dalaga. “Huwag mo akong halayin. Hindi iyan pinahihintulutan sa bayang Israel. Huwag mong gawin ang kahalayang ito. 13 Lalabas akong kahiya-hiya sa buong Israel. At ikaw, ano pa ang mukhang ihaharap mo sa mga tao? Bakit hindi ka na lang magsabi sa hari? Palagay ko'y hindi siya tututol na pakasalan mo ako.” 14 Ngunit hindi nakinig si Amnon at dahil mas malakas siya, nagawa niyang pagsamantalahan si Tamar.
15 Matapos siyang pagsamantalahan, si Amnon ay namuhi sa kanya ng pagkamuhing higit pa kaysa hibang na pag-ibig na dating iniukol niya rito. “Umalis ka na!” sabi niya kay Tamar.
16 “Hindi ako aalis!” sagot ng babae. “Ang pagtataboy mong ito ay masahol pa sa kalapastanganang ginawa mo sa akin!”
Ngunit hindi siya pinansin ni Amnon. 17 Sa halip, inutusan nito ang isang katulong niya, “Palayasin mo ang babaing iyan at ikandado mo ang pinto pagkatapos!” 18 Pinalabas nga siya ng katulong, at ikinandado ang pinto. Suot noon ni Tamar ang damit na may mahabang manggas, ang damit na karaniwang isinusuot noon ng mga birheng anak ng hari. 19 Pinunit niya ito at nilagyan ng abo ang kanyang ulo. Pagkatapos, tinakpan ng kanyang mga kamay ang mukha, at umalis na umiiyak nang malakas.
27 Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito. 28 Naglagay(A) ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba't ibang mga wika. 29 Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito. 31 Ngunit buong sikap ninyong hangarín ang mga kaloob na mas dakila.
At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang landas na pinakamabuti sa lahat.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.