Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
10 Namatay si Haring David at inilibing sa Lunsod ni David. 11 Apatnapung(A) taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem.
Si Solomon ay Naging Hari
12 Kaya't(B) nang maupo na si Solomon sa trono ni David bilang bagong hari, matatag na ang kanyang kaharian.
3 Mahal ni Solomon si Yahweh, at sinusunod niya ang mga tagubilin ng kanyang amang si David. Subalit nag-aalay din siya ng handog at nagsusunog ng insenso sa mga altar sa burol.
4 Minsan,(A) pumunta si Solomon sa Gibeon upang maghandog, sapagkat iyon ang pinakatanyag na sagradong burol. Nakapag-alay na siya roon ng daan-daang handog na sinusunog. 5 Kinagabihan, samantalang siya'y naroon pa sa Gibeon, nagpakita sa kanya si Yahweh sa isang panaginip at tinanong siya, “Ano ang gusto mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo!” wika sa kanya.
6 Sumagot si Solomon, “Kinahabagan ninyo at tunay na minahal ang aking amang si David dahil naging tapat at matuwid siya sa inyo at naging malinis ang kanyang puso. At ipinagpatuloy ninyo ang inyong tapat na pagmamahal sa kanya nang bigyan ninyo siya ng isang anak na ngayo'y nakaupo sa kanyang trono. 7 Yahweh, aking Diyos, ginawa mo akong hari bilang kahalili ng aking amang si David, kahit ako'y bata pa't walang karanasan. 8 Ngayo'y nasa kalagitnaan ako ng iyong bayang pinili, bayang hindi na mabilang sa dami. 9 Bigyan po ninyo ako ng karunungang kailangan ko sa pamamahala at kakayahang kumilala ng mabuti sa masama. Sapagkat sino po ba ang may kakayahang maghari sa napakalaking bayang ito?”
10 Dahil ito ang hiniling ni Solomon, nalugod sa kanya si Yahweh 11 at sinabi sa kanya, “Dahil hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo'y karunungang kumilala ng mabuti sa masama, 12 ibibigay ko sa iyo ang hiniling mo. Bibigyan kita ng karunungan na walang kapantay, maging sa mga nauna o sa mga susunod pa sa iyo. 13 Ibibigay ko rin sa iyo ang mga bagay na hindi mo hiningi: kayamanan at karangalang hindi mapapantayan ng sinumang hari sa buong buhay mo. 14 At kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban, kung susundin mo ang aking mga batas at mga utos, tulad ng ginawa ng iyong amang si David, pagkakalooban pa kita ng mahabang buhay.”
Awit ng Pagpupuri sa Kadakilaan ni Yahweh
111 Purihin si Yahweh!
Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan kasama ng mga lingkod na hinirang.
2 Ang mga gawa ni Yahweh, tunay napakadakila,
mga nalulugod sa kanya, lagi itong inaalala;
3 lahat niyang gawa'y dakila at wagas,
katuwiran niya'y hindi magwawakas.
4 Hindi maaalis sa ating gunita,
si Yahweh ay mabuti't mahabaging lubha.
5 Ang sa kanya'y gumagalang pagkain ay sagana;
pangako ni Yahweh ay di nasisira.
6 Ipinadama niya sa mga hinirang, ang kapangyarihan niyang tinataglay,
nang ibigay niya lupa ng dayuhan.
7 Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
at maaasahan lahat niyang batas.
8 Ito ay lalagi at di magwawakas,
pagkat ang saliga'y totoo't matapat.
9 Kaligtasa'y dulot sa mga hinirang,
may ipinangakong walang hanggang tipan;
Banal at dakila ang kanyang pangalan!
10 Ang(A) pagsunod at paggalang kay Yahweh'y simula ng karunungan.
Taong masunurin, pupurihing lubos.
Purihin ang Diyos magpakailanman!
15 Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. 16 Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
18 Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. 19 Sa(A) inyong pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
51 Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman.”
52 Dahil dito'y nagtalu-talo ang mga Judio, “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?”
53 Sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. 55 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. 57 Isinugo ako ng buháy na Ama at ako'y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumabâ mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.