Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 51:1-12

Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran

Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.

51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
    sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
    ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan,
    at patawarin mo'ng aking kasalanan!

Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
    di ko malilimutan, laging alaala.
Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
    at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
    marapat na ako'y iyong parusahan.
Ako'y masama na buhat nang isilang,
    makasalanan na nang ako'y iluwal.

Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
    puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
    at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
    butong nanghihina'y muling palakasin.
Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
    lahat kong nagawang masama'y pawiin.

10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
    bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
    iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
    ibalik at ako po'y gawin mong tapat.

Josue 23

Ang Pamamaalam ni Josue

23 Marami nang taon ang lumipas buhat nang bigyan ni Yahweh ang bayang Israel ng kapayapaan. Hindi na sila ginagambala ng mga kaaway na nasa palibot nila. At matandang-matanda na si Josue, kaya tinipon niya ang buong Israel: ang matatanda, ang mga pinuno ng mga angkan, mga hukom at ang mga tagapangasiwa sa bayan. Sinabi niya, “Ako'y matanda na. Nasaksihan ninyo ang ginawa ni Yahweh sa lahat ng bansang ito dahil sa inyo. Si Yahweh na inyong Diyos ang nakipaglaban sa inyong mga kaaway. Kaya, makinig kayo! Ibinibigay ko sa inyong lahat bilang bahagi ng inyong mga lipi ang buong lupaing nasa pagitan ng Ilog Jordan sa gawing silangan, at ng Dagat Mediteraneo sa kanluran: ang lupain ng mga bansang nasakop ko na, gayundin ang mga lupaing hindi pa nasasakop. Si Yahweh na inyong Diyos ang siyang magpapalayas sa mga bansang iyon pagdating ninyo roon. Sila'y palalayasin niya sa kanilang mga lupain upang kayo ang manirahan doon, gaya ng ipinangako sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Magpakatatag kayo at sundin ninyo ang lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan ni Moises. Huwag kayong lilihis sa anumang ipinag-uutos nito. Huwag kayong makikisalamuha sa mga bansang natitira pa sa lupain ninyo. Huwag kayong mananalangin sa kanilang mga diyus-diyosan; huwag kayong manunumpa sa pangalan ng mga ito, at huwag din kayong sasamba o maglilingkod sa kanila. Sa halip ay manatili kayong tapat kay Yahweh na inyong Diyos, gaya ng ginagawa ninyo hanggang ngayon. Dahil diyan, pinalayas niya ang maraming malalaki at makapangyarihang bansa pagdating ninyo, at wala pang nakakatalo sa inyo hanggang ngayon. 10 Ang(A) isa sa inyo'y kayang patakbuhin ang sanlibong kaaway sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ang siyang nakikipaglaban para sa inyo, tulad ng kanyang ipinangako. 11 Kaya palagi ninyong ibigin si Yahweh na inyong Diyos. 12 Kapag tinalikuran ninyo siya, at nakipagkaibigan kayo sa mga bansang natitira pa sa lupain ninyo, kapag nag-asawa kayo o nakisalamuha sa kanila, 13 tandaan ninyo ito: hindi na palalayasin ni Yahweh ang mga bansang ito. Sa halip, sila'y magiging parang bitag para sa inyo, malupit na latigo sa inyong gulugod, tinik na tutusok sa inyong mga mata, hanggang sa maubos ang lahi ninyo sa lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Yahweh.

14 “Malapit na akong pumanaw sa daigdig na ito. Alam ninyo sa inyong puso't kaluluwa na tinupad ng Diyos ninyong si Yahweh ang bawat mabuting bagay na ipinangako niya sa inyo. Wala siyang hindi tinupad. 15-16 Ngunit tulad ng lahat ng magagandang bagay na ipinangako sa inyo ay tinupad ni Yahweh, maaari rin niyang gawin sa inyo ang lahat ng mga masasamang bagay hanggang sa kayo'y malipol sa masaganang lupaing ito na ibinigay ni Yahweh na inyong Diyos. Kapag hindi kayo tumupad sa kasunduang ibinigay niya sa inyo, at kayo'y sumamba at naglingkod sa mga diyus-diyosan, paparusahan niya kayo.”

1 Corinto 11:27-34

27 Kaya, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Kaya't dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang kahalagahan ng katawan ng Panginoon ay kumakain at umiinom ng kahatulan laban sa kanyang sarili. 30 Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at sakitin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na.[a] 31 Kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. 32 Ngunit hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid niya tayo, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan.

33 Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung may nagugutom, kumain na muna siya sa bahay upang hindi humantong sa hatol na kaparusahan ang inyong pagtitipon. Tungkol naman sa ibang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.