Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 111

Awit ng Pagpupuri sa Kadakilaan ni Yahweh

111 Purihin si Yahweh!

Buong puso siyang pasasalamatan,
    aking pupurihin sa gitna ng bayan kasama ng mga lingkod na hinirang.
Ang mga gawa ni Yahweh, tunay napakadakila,
    mga nalulugod sa kanya, lagi itong inaalala;
lahat niyang gawa'y dakila at wagas,
    katuwiran niya'y hindi magwawakas.

Hindi maaalis sa ating gunita,
    si Yahweh ay mabuti't mahabaging lubha.
Ang sa kanya'y gumagalang pagkain ay sagana;
    pangako ni Yahweh ay di nasisira.
Ipinadama niya sa mga hinirang, ang kapangyarihan niyang tinataglay,
    nang ibigay niya lupa ng dayuhan.

Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
    at maaasahan lahat niyang batas.
Ito ay lalagi at di magwawakas,
    pagkat ang saliga'y totoo't matapat.
Kaligtasa'y dulot sa mga hinirang,
    may ipinangakong walang hanggang tipan;
    Banal at dakila ang kanyang pangalan!
10 Ang(A) pagsunod at paggalang kay Yahweh'y simula ng karunungan.
    Taong masunurin, pupurihing lubos.
Purihin ang Diyos magpakailanman!

1 Mga Hari 2:1-11

Mga Huling Habilin ni Haring David

Nang malapit nang mamatay si David, pinagbilinan niya si Solomon ng ganito: “Malapit na akong mamatay. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Tuparin mo ang iyong tungkulin kay Yahweh na iyong Diyos, at mamuhay ka ayon sa kanyang kalooban. Sundin mo ang kanyang mga batas, utos, hatol at tuntunin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sa gayon, magtatagumpay ka sa lahat mong gawain, at tutuparin ni Yahweh ang pangako niya sa akin: ‘Kapag ang iyong mga anak at susunod na salinlahi ay nanatiling tapat sa akin at sumunod sa akin nang buong puso't kaluluwa, magpapatuloy ang iyong angkan sa trono ng Israel.’

“Alam(A) mo ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruias, nang patayin niya ang dalawang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng Israel na si Abner at si Amasa na anak ni Jeter. Sa pagpatay niya sa dalawang ito, ipinaghiganti sa panahon ng kapayapaan ang dugong dumanak sa panahon ng digmaan. Sa gayo'y dinungisan niya ang aking pangalan bilang marangal na mandirigma. Gawin mo sa kanya ang inaakala mong dapat gawin. Huwag mong hahayaang mamatay siya nang mapayapa.

“Ipagpatuloy(B) mo ang magandang pakikitungo sa angkan ni Barzilai na taga-Gilead. Paglaanan mo sila ng upuan sa iyong hapag-kainan, sapagkat tinulungan nila ako noong ako'y tumatakas sa kapatid mong si Absalom.

“Huwag(C) mo ring kalilimutan si Simei na taga-Bahurim, ang anak ni Gera na mula sa lipi ni Benjamin. Pinagmumura niya ako noong ako'y umalis patungo sa Mahanaim. Nang masalubong ko siya sa Jordan, ipinangako ko sa pangalan ni Yahweh na hindi ko siya papatayin. Ngunit tiyakin mong siya'y mapaparusahan. Matalino kang tao at alam mo ang dapat gawin. Iparanas mo sa kanya ang lupit ng kamatayan.”

10 Namatay si Haring David at inilibing sa Lunsod ni David. 11 Apatnapung(D) taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem.

Juan 4:7-26

May isang Samaritanang dumating upang umigib, at sinabi ni Jesus sa kanya, “Maaari bang makiinom?” Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila'y bumibili ng pagkain sa bayan.

Sinabi(A) sa kanya ng babae, “Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako. Bakit ka humihingi sa akin ng inumin?” Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano.[a]

10 Sumagot si Jesus, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka niya ng tubig na nagbibigay-buhay.”

11 Nagsalita ang babae, “Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang pansalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? 12 Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya?”

13 Sumagot si Jesus, “Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.”

15 Sinabi ng babae, “Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na iyan upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli.”

16 “Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa,” wika ni Jesus.

17 “Wala akong asawa,” sagot ng babae.

Sinabi ni Jesus, “Tama ang sinabi mong wala kang asawa 18 sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.”

19 Sinabi ng babae, “Ginoo, palagay ko ay isa kang propeta. 20 Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.”

21 Sinabi naman ni Jesus, “Maniwala ka sa akin, darating ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, ngunit kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. 23 Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang ninanais ng Ama. 24 Ang Diyos ay Espiritu at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.”

25 Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay.”

26 “Akong kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy,” sabi ni Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.