Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 11

Pagtitiwala kay Yahweh

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
    kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
    sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
    upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
    kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”

Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
    doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
    walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
    sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
    at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
    sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.

1 Mga Hari 6:1-14

Itinayo ni Solomon ang Templo

Apatnaraan at walumpung taon makalipas na ang Israel ay umalis sa Egipto, nang ikalawang buwan, ng ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, sinimulan ni Solomon ang pagtatayo ng Templo. Ang templong ipinagawa ni Solomon para kay Yahweh ay dalawampu't pitong metro ang haba, siyam na metro ang luwang at labingtatlo't kalahating metro ang taas. Sa harapan ng Templo, pahalang sa takbo ng kabahayan, ay may pasilyo na apat at kalahating metro ang haba, at siyam na metro ang luwang. Ang mga bintana ng Templo'y may bastidor at mga rehas. Nagtayo rin ng isang gusaling may tatlong palapag sa mga gilid ng pader at sa likod ng templo. Dalawa't kalahating metro ang luwang ng unang palapag, tatlong metro ang pangalawa, at tatlo't kalahati ang pangatlo. Ganito ang nangyari sapagkat sa gawing labas, ang pader ng Templo ay pakapal nang pakapal ng isang siko sa bawat palapag, mula sa itaas hanggang pababa. Ang mga biga ng bawat palapag ay nakapatong sa pader at hindi iniukit dito.

Tinabas na sa lugar na pinagtibagan ang mga batong ginamit sa Templo, kaya't walang narinig na pukpok ng martilyo, palakol o anumang kasangkapang bakal habang ginagawa ang Templo.

Nasa kanang sulok ng Templo ang pintuang papasok sa unang palapag. Buhat naman dito'y may paikot na hagdang paakyat sa ikalawang palapag, at gayundin buhat sa ikalawa paakyat sa ikatlo. Nang maitayo na ni Solomon ang mga pader ng Templo, binubungan ito at nilagyan ng kisame na ipinako sa mga pahalang na posteng sedar. 10 Dalawa't kalahating metro ang taas ng bawat palapag ng gusaling karugtong ng gilid ng Templo. Bawat palapag ay nakakabit sa kabahayan sa pamamagitan ng mga bigang sedar.

11 Sinabi ni Yahweh kay Solomon, 12 “Kung susundin mo ang aking mga utos at tutuparin ang aking mga tagubilin, tutuparin ko ang aking pangako sa iyong amang si David. 13 Maninirahan akong kasama ng sambayanang Israel sa pamamagitan ng Templong ito na iyong itinatayo, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.”

14 At tinapos nga ni Solomon ang pagpapagawa sa Templo.

Efeso 6:21-24

Mga Pangwakas na Bati

21 Si(A)(B) Tiquico, na mahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat ng bagay tungkol sa aking kalagayan at ginagawa. 22 Kaya't isinusugo ko siya sa inyo upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang palakasin ang inyong loob.

23 Nawa'y ipagkaloob ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo sa lahat ng mga kapatid ang kapayapaan at ang pag-ibig na kalakip ng pananampalataya. 24 Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sumainyong lahat na umiibig nang walang maliw sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.