Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
2 Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
3 Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
4 Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.
5 Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
6 Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.
7 Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
8 Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Naghimagsik si Absalom kay David
15 Nang makabalik na si Absalom, naghanda siya ng sariling karwahe, mga kabayo at limampung tauhan. 2 Maaga siyang bumabangon tuwing umaga at tumatayo sa tabi ng daang papasok sa lunsod. Ang bawat pumupunta roon na may dalang usapin para isangguni sa hari ay tinatanong niya kung tagasaan. Kapag sinabi ng tinanong ang kanyang liping pinagmulan, 3 sinasabi agad ni Absalom, “May katuwiran ka sa usapin mo, kaya lang, walang inilagay ang hari na mag-aasikaso sa iyo.” 4 Idinaragdag pa niya ang ganito: “Kung ako sana'y isang hukom ng bansa, tatanggapin ko ang bawat kasong dadalhin sa akin ng sinuman, at bibigyan ko siya ng katarungan.” 5 Ang bawat lumapit upang magbigay-galang sa kanya ay agad niyang hinahawakan at hinahagkan. 6 Ganito ang laging ginagawa ni Absalom sa mga Israelitang humihingi ng katarungan sa hari, kaya't nakuha niya ang loob ng mga ito.
7 Lumipas ang apat[a] na taon at sinabi ni Absalom sa hari, “Pahintulutan ninyong magpunta ako sa Hebron upang tuparin ko ang aking panata kay Yahweh. 8 Nang nakatira pa ako sa Gesur ng Aram ay nangako ako nang ganito: ‘Kung loloobin ni Yahweh na ako'y makabalik sa Jerusalem, pupunta ako[b] at sasamba sa kanya.’” 9 Pinayagan naman siya ng hari. Kaya't naghanda agad si Absalom at nagpunta sa Hebron. 10 Ngunit bago lumakad, siya'y lihim na nagpasugo sa lahat ng angkan ng Israel, at ito ang ipinasabi: “Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, isigaw ninyo: ‘Mabuhay si Absalom ang hari ng Hebron!’” 11 Buhat sa Jerusalem, nagsama siya ng dalawandaang lalaki ngunit ang mga ito'y walang nalalaman tungkol sa balak niya. 12 Habang nag-aalay si Absalom ng kanyang mga handog, ipinasundo niya si Ahitofel na taga-Gilo at isang tagapayo ni David. Dumami ang mga kasabwat at naging tagasunod ni Absalom.
Iniwasan ni David si Absalom
13 Dumating kay David ang balitang si Absalom na ang kinikilalang hari ng Israel.
Humingi, Humanap, Kumatok(A)
7 “Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 8 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 9 Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay? 10 Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kapag siya'y humihingi ng isda? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa kanya!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.