Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
“Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.
19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”
15 Pagkatapos nito'y umuwi na si Natan.
Namatay ang Anak ni David
Tulad ng sinabi ni Yahweh, ang anak ni David sa asawa ni Urias ay nagkasakit nang malubha. 16 Nanalangin si David sa Diyos para gumaling ang bata. Nagdamit siya ng panluksa at nag-ayuno, at sa lupa nahiga nang gabing iyon. 17 Lumapit sa kanya ang matatandang pinuno sa palasyo at hinimok siyang bumangon, ngunit tumanggi siya. Ayaw rin niyang kumain. 18 Pagkalipas ng anim na araw, namatay ang bata. Hindi nila ito masabi kay David, sapagkat iniisip nilang lalo silang hindi papakinggan nito at sa halip ay gumawa ng marahas na hakbang. 19 Nakita ni David na nagbubulungan ang mga alipin, kaya't naghinala siyang patay na ang bata. “Patay na ba ang bata?” tanong niya.
“Patay na nga po kamahalan,” sagot naman nila.
20 Pagkarinig nito, bumangon si David, naligo at nagbihis. Pumasok siya sa bahay ni Yahweh, nagpatirapa at nanalangin. Pagkatapos, umuwi siya at humingi ng pagkain. 21 Tinanong siya ng kanyang mga tauhan, “Hindi po namin kayo maintindihan. Noong buháy pa ang bata, nag-ayuno kayo at tumangis dahil sa kanya; ngayong patay na, bumangon kayo at kumain!”
Sumagot si David, 22 “Noong buháy pa ang bata, ako'y nag-ayuno at tumangis sa pag-asa kong kahahabagan ako ni Yahweh at pagagalingin ang aking anak. 23 Ngayong patay na siya, bakit pa ako mag-aayuno; maibabalik ko pa ba ang kanyang buhay? Balang araw, susunod ako sa kanya ngunit hindi na siya makakabalik sa akin.”
Ipinanganak si Solomon
24 Inaliw ni David si Batsheba at sinipingan muli. Muli itong nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. Solomon ang ipinangalan ni David sa bata. 25 Palibhasa'y mahal ni Yahweh ang bata, isinugo niya si propeta Natan upang sabihing Jedidia[a] ang itawag sa bata na ang ibig sabihi'y, “Mahal ni Yahweh.”
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Sa pangalan ng Panginoon, binabalaan ko kayo: huwag na kayong mamuhay tulad ng mga hindi sumasampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, 18 at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. 19 Sila'y naging alipin ng kahalayan at wala na silang kahihiyan. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan.
20 Hindi ganyan ang natutunan ninyo tungkol kay Cristo. 21 Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutunan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. 22 Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa. 23 Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at(A) ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.