Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 11

Pagtitiwala kay Yahweh

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
    kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
    sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
    upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
    kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”

Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
    doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
    walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
    sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
    at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
    sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.

1 Mga Hari 6:15-38

Ang Loob ng Templo(A)

15 Binalot niya ng tabla ang loob niyon. Tablang sedar ang inilapat sa pader buhat sa sahig hanggang sa kisame[a] at tablang sipres naman ang inilatag na sahig. 16 Diningdingan(B) niya ang siyam na metro mula sa silid sa kaloob-looban ng Templo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Ang lugar na ito'y nilapatan ng tablang sedar mula sa sahig hanggang sa kisame. 17 Ang labingwalong metrong natira matapos dingdingan ang Dakong Kabanal-banalan ay tinawag namang Dakong Banal. 18 May ukit na mga nakabukang bulaklak at mga tapayan ang tablang sedar na ibinalot sa pader ng Templo. 19 Ang Dakong Kabanal-banalan na siyang kaloob-looban ng Templo ay inihanda niya upang paglagyan ng Kaban ng Tipan. 20 Siyam na metro ang haba, ang luwang, at ang taas ng Dakong Kabanal-banalan, at ito'y binalot niya ng lantay na ginto. 21 Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, nagtayo siya ng isang altar na yari sa tablang sedar at ito'y binalot din niya ng lantay na ginto. 22 Binalot(C) din ni Solomon ng lantay na ginto ang buong loob ng Templo, pati ang altar sa Dakong Kabanal-banalan.

23 Sa(D) loob ng Dakong Kabanal-banalan, nagpalagay siya ng dalawang kerubin, imaheng nililok sa kahoy na olibo. Apat at kalahating metro ang taas ng bawat isa. 24 Kulang na dalawa't kalahating metro ang haba ng bawat pakpak, kaya't apat at kalahating metro ang sukat ng mga pakpak buhat sa magkabilang dulo. 25 Apat at kalahating metro rin ang sukat ng pangalawang kerubin, iisa ang sukat at hugis ng dalawa. 26 Apat at kalahating metro rin ang taas ng bawat kerubin. 27 Inilagay niya ang mga kerubin sa gitna ng Dakong Kabanal-banalan. Nakabuka ang kanilang mga pakpak, at sa gawing labas ay abot sa dingding ng silid ang tig-isa nilang pakpak. Sa gawing loob naman, ang mga dulo ng tig-isa nilang pakpak ay nagtagpo sa gitna ng silid. 28 Balot din ng gintong lantay ang dalawang kerubin.

29 Ang buong dingding ng Templo, maging sa Dakong Kabanal-banalan at sa Dakong Banal ay may ukit na mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. 30 Ang sahig ng Templo buhat sa Dakong Kabanal-banalan hanggang sa Dakong Banal ay may balot na gintong lantay.

31 May limang sulok ang pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at kahoy na olibo ang mga hamba niyon. 32 Tablang olibo rin ang dalawang pangsara, at may ukit itong imahen ng mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. Ang mga pangsara'y may kalupkop na gintong kapit na kapit sa mga nakaukit na larawan.

33 Parihaba naman ang pintuan ng Dakong Banal. Kahoy na olibo ang mga hamba ng pintong iyon, 34 at tablang sipres naman ang mga pinto. Bawat pinto ay may tigalawang panig na natitiklop. 35 May ukit ding mga kerubin, punong palma at mga bulaklak ang mga pinto, at may kalupkop na gintong lapat na lapat sa mga ukit.

36 Ang bulwagang panloob sa harap ng Templo ay binakuran ni Solomon ng pader na may tatlong hanay ng batong tinabas, at isang hanay na bigang sedar.

37 Ikalawang buwan, ng ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, nang ilagay ang mga pundasyong bato ng Templo. 38 Ikawalong buwan ng taon nang matapos naman ang Templo. Noo'y ikalabing isang taon ng paghahari ni Solomon. Sa loob ng pitong taon, natapos ang buong Templo ayon sa plano.

Juan 15:16-25

16 Hindi kayo ang pumili sa akin, ako ang pumili sa inyo. Hinirang ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ay ibibigay sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”

Ang Pagkapoot ng Sanlibutan

18 “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nito bago kayo. 19 Kung kayo'y taga-sanlibutan, kayo'y mamahalin nito bilang kanya. Ngunit hindi kayo taga-sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. 20 Alalahanin(A) ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin. 21 Subalit ang lahat ng ito'y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako naparito at nagsalita sa kanila, hindi sana mapapatunayang nagkasala sila. Ngunit ngayo'y wala na silang maidadahilan sa kanilang kasalanan. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. 24 Kung hindi ko sana ginawa sa kanilang kalagitnaan ang mga gawaing hindi pa nagawa ninuman, wala sana silang kasalanan. Ngunit nakita na nila ang aking mga gawa subalit sa kabila nito'y kinapootan pa rin nila ako at ang aking Ama. 25 Subalit(B) nangyari ito upang matupad ang sinasabi sa kanilang Kautusan, ‘Napoot sila sa akin nang walang dahilan.’

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.