Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pangako ng Hari
Isang Awit na katha ni David.
101 Ang aking awitin ay ang katapatan at ang katarungan;
ako'y umaawit patungkol sa iyo, O Yahweh kong mahal;
2 ang aking susunding lagi ay ugaling walang kapintasan,
kailan ka kaya darating sa aki't ako'y lalapitan?
Malinis ang budhing mamumuhay ako sa aking tahanan,
3 sa buhay kong ito ang gawang masama'y di ko tutulutan.
Ang sinumang taong gawai'y masama, di ko sasamahan,
di ko papansinin kung sinuman siyang ang Diyos ay kalaban.
4 Aking sisikapin na ang masunod ko'y ang gawaing tapat;
maging sa isipan di ko iisipin ang gawang di tumpak.
5 Siyang naninira ng kanyang kapwa'y aking wawasakin;
di ko papayagan ang mapagmalaking hambog kung tumingin.
6 Ang lahat ng taong nagtatapat sa Diyos, ako ay kaisa,
sa aking palasyo ay papayagan ko na doon tumira,
kung tunay na tapat ay tutulutan ko na maglingkod sila.
7 Sa aking palasyo yaong sinungaling di ko papayagan,
sa aking presensya ang mapagkunwari'y di ko tutulutan.
8 Lahat ng masama, araw-araw sila'y aking wawasakin;
lahat ng masama sa lunsod ni Yahweh ay palalayasin!
Ang Palasyo ni Solomon
7 Labingtatlong taon naman ang ginugol ni Solomon sa pagpapagawa ng kanyang palasyo. 2 Ang gusaling tinatawag na Gubat ng Lebanon ay may apatnapu't limang metro ang haba, dalawampu't dalawa't kalahating metro ang luwang at labingtatlo't kalahating metro ang taas. Ang gusaling ito ay may apat na hanay ng haliging sedar, na siyang kinapapatungan ng mga bigang sedar. 3 Sedar din ang bubong ng mga silid na nakapatong sa apatnapu't limang haligi. 4 Tatlong hanay ang mga bintana, at ang mga ito'y magkakatapat. 5 Parihaba ang mga hamba ng mga pinto at bintana, at pawang magkakatapat.
6 Nagpagawa rin siya ng Bulwagan ng mga Haligi na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang haba at labingtatlo't kalahating metro naman ang luwang. Sa pagpasok nito ay may isang pasilyong may bubong.
7 Ang silid na kinalalagyan ng trono na tinatawag ding Bulwagan ng Katarungan at kung saan nagbibigay ng hatol si Solomon, ay may dingding, sahig at kisame na tablang sedar.
8 Sa(A) likod naman ng bulwagang iyon ay nagpagawa siya ng kanyang tirahan, at ang yari nito'y tulad ng silid Hukuman. Ang kanyang reyna, ang anak ng Faraon, ay ipinagtayo rin niya ng tirahan, at ito'y katulad ng sa kanya.
9 Ang lahat ng gusali ay yari sa naglalakihang bato na tinabas ng lagari sa likod at harap. 10 May tatlo't kalahating metro ang sukat ng mga batong ginamit sa pundasyon, at mayroon ding apat at kalahating metro. 11 Sa paitaas naman, mamahaling batong tinabas at mga trosong sedar ang ginamit. 12 Gaya ng portiko at patyo ng Templo, ang patyo ng palasyo ay naliligid ng tatlong hanay na batong tinabas at isang hanay na trosong sedar.
9 “Ang(A) mga ninuno nating ito ay nainggit kay Jose, kaya't siya'y ipinagbili nila upang maging alipin sa Egipto. Ngunit kasama niya ang Diyos, 10 at(B) hinango siya ng Diyos sa lahat ng kanyang kahirapan. Pinagpala siya ng Diyos at pinagkalooban ng karunungan nang humarap siya sa Faraon, ang hari ng Egipto. Siya'y ginawa nitong gobernador ng Egipto at tagapamahala ng buong sambahayan ng hari.
11 “Nagkaroon(C) ng taggutom at matinding paghihirap sa buong Egipto at Canaan. Maging ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya't nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Egipto, pinapunta niya roon ang ating mga ninuno sa unang pagkakataon. 13 Sa(D) ikalawang pagpunta nila, nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid, at nalaman naman ng Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Dahil(E) dito'y ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob at ang buong pamilya nito, pitumpu't limang katao silang lahat. 15 Pumunta(F) nga si Jacob sa Egipto at doon siya namatay, gayundin ang ating mga ninuno. 16 Ang(G) kanilang mga labî ay dinala sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.