Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Mang-aawit na si Jeduthun.
77 Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,
ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
2 Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag,
hindi ako napagod, dumalangin na magdamag,
ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.
11 Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
12 Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay,
magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.
13 Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
14 Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga,
iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha.
15 Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos,
ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah)[a]
16 Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig,
pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig.
17 Magmula sa mga ulap mga ulan
ay bumuhos,
at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog
na katulad ay palasong sumisibat sa palibot.
18 Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot,
ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob;
pati mundo ay nayanig na para bang natatakot.
19 Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan,
ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan;
ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan.
20 Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay!
Napatay si Ahab sa Ramot-gilead(A)
29 Pumunta nga sa Ramot-gilead si Ahab na hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda. 30 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako papunta sa labanan. Ngunit ikaw ay maaaring magpatuloy na nakadamit-hari.” At nagbalatkayo nga ang hari ng Israel patungo sa labanan.
31 Iniutos ng hari ng Siria sa mga pinuno ng mga kawal na sakay sa karwahe, “Huwag ninyong pag-abalahan ang kung sinu-sino lamang! Ang hari ng Israel ang inyong harapin.” 32 Kaya't nang makita nila si Jehoshafat, inakala nilang ito ang hari ng Israel at siyang hinabol. Ngunit pagsigaw niya ng kanyang sigaw pandigma, 33 nakilala ng mga pinuno ng Siria na hindi siya ang hari ng Israel. At hindi na nila itinuloy ang paghabol. 34 Subalit may isang kawal na basta na lamang pumana at natamaan ang hari ng Israel. Tumusok ang palaso sa pagitan ng pinagdugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't iniutos niya sa kawal na nagpapatakbo ng karwahe, “Ibuwelta mo ang karwahe! May tama ako. Umalis na tayo rito.”
35 Mahigpit ang labanan nang araw na iyon at ang hari'y nanatiling nakatayo sa kanyang karwahe sa tapat ng mga Cireo hanggang sa siya'y mamatay nang lumulubog na ang araw. Dumanak ang dugo niya sa sahig ng karwahe. 36 Paglubog ng araw, narinig ng buong hukbo ng Israel ang sigaw, “Tumakas na kayo. Magsiuwi na kayong lahat!”
37 Namatay nga ang hari at dinala nila ang bangkay sa Samaria upang doon ilibing. 38 Nang hugasan ang karwahe ng hari sa Batis ng Samaria, hinimod ng mga aso ang kanyang dugo. Samantala, may mga babaing nagbebenta ng aliw na naliligo sa batis, at naipaligo nila ang tubig na iyon. Sa ganoong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh.
39 Ang iba pang mga ginawa ni Ahab, pati ang tungkol sa ipinagawa niyang palasyo na napapalamutian ng garing, at ang mga lunsod na kanyang itinayo ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 40 Pagkamatay ni Ahab, humalili sa kanya bilang hari ang kanyang anak na si Ahazias.
Paghahari ni Ahazias sa Israel
51 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, naghari naman sa Israel si Ahazias na anak ni Ahab. Dalawang taon siyang naghari. 52 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang ama't ina, at ni Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang Israel sa pagkakasala. 53 Naglingkod siya at sumamba kay Baal. Ginalit niya si Yahweh, ang Diyos ng Israel, tulad ng ginawa ng kanyang ama noong una.
5 Subukin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya. Suriin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nalalamang nasa inyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga bigo sa pagsubok. 6 Umaasa akong makikita rin ninyo na hindi kami bigo. 7 Idinadalangin namin sa Diyos na sana'y huwag kayong gumawa ng masama, hindi upang palabasing kami'y tama, kundi upang magawa ninyo ang mabuti, kahit lumitaw na kami'y nabigo. 8 Sapagkat para sa katotohanan lamang ang maaari naming gawin at hindi laban sa katotohanan. 9 Kami'y nagagalak kapag kami ay mahina at kayo naman ay malakas. Kaya't idinadalangin naming kayo'y maging ganap. 10 Isinusulat ko ang mga bagay na ito habang ako'y wala pa riyan upang sa aking pagdating, hindi na kailangan pang magpakita ako ng bagsik sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng Panginoon. Ang kapangyarihang ito'y ibinigay sa akin upang kayo'y tumibay at hindi upang kayo'y masira.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.