Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 5:1-8

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
    ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
    sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
    at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.

Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
    mga maling gawain, di mo pinapayagan.
Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
    mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
    galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.

Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
    makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
    luluhod ako tanda ng aking paggalang.
Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
    dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
    landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.

1 Mga Hari 20:35-43

35 Sa utos ni Yahweh, hiniling ng isang alagad ng mga propeta sa isa niyang kasamahan, “Sugatan mo ako.” Subalit tumanggi ito. 36 Kaya(A) sinabi niya, “Sapagkat hindi mo sinunod ang utos ni Yahweh, pag-alis mo rito'y papatayin ka ng leon.” Hindi pa nakakalayo ang sinabihan ay nakasalubong at napatay nga siya ng isang leon.

37 Nakakita ng ibang kasamahan ang alagad ng mga propeta at ito naman ang kanyang pinakiusapan. “Sugatan mo ako,” wika niya, at ginawa naman ng pinakiusapan ang hinihiling sa kanya. 38 Nagtuloy ang alagad ng mga propeta at saka naghintay sa daraanan ng hari matapos bendahan ang kanyang mga mata upang hindi siya makilala. 39 Sumigaw siya pagdaan ng hari at ganito ang sinabi: “Kamahalan, nang ako po'y nasa labanan, lumapit po sa akin ang isang kawal at iniwan sa akin ang isang bihag. Ang sabi po niya, ‘Alagaan mo ang bihag na ito. Kapag siya'y nakatakas, buhay mo ang kapalit, o magmumulta ka ng 35 kilong pilak.’ 40 Nakalingat po ako at nakatakas ang bihag.”

Sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na rin ang nagbigay ng iyong hatol. Mamamatay ka o magmumulta.”

41 Nang marinig ito, bigla niyang inalis ang bendang nakatakip sa mga mata at nakilala ng hari na siya pala'y isang alagad ng mga propeta. 42 At sinabi niya sa hari, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ‘Sapagkat pinakawalan mo ang isang taong ayon sa utos ko'y dapat mamatay, buhay mo ang kapalit ng kanyang buhay, at bayan mo ang kapalit ng kanyang bayan.’”

43 Bumalik sa Samaria ang hari na nababahala at masama ang loob.

Lucas 5:17-26

Pinagaling ang Isang Paralitiko(A)

17 Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo doon. Sila'y galing sa bawat bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit. 18 Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Sinikap nilang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus. 19 Ngunit wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinabâ sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.”

21 Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?”

22 Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 25 Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sa pagkamangha ay sinabi nila, “Nakakita tayo ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.