Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
135 Purihin si Yahweh!
Ngalan niya ay purihin kayong mga lingkod niya.
2 Kayong lahat na sa banal niyang templo'y pumapasok
upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos.
3 Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti,
ang taglay niyang kabaitan ay marapat sa papuri.
4 Siya rin nga ang pumili kay Jacob na kanyang lingkod,
ang Israel nama'y bansang pinili niya at kinupkop.
5 Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila,
higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana;
6 anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa,
at kahit sa karagatan, ang anumang panukala,
ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
7 Nilikha niya itong ulap na laganap sa daigdig,
maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis;
sa kanya rin nagmumula itong hanging umiihip.
8 Pinuksa niya sa Egipto bawat anak na panganay,
maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay.
9 Nagpakita siya roon ng gawang kahanga-hanga,
upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa.
10 Marami rin naman siyang winasak na mga bansa,
at maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa.
11 Itong haring Amoreo na si Sihon ang pangalan,
at ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Bashan,
at iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan.
12 Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam,
ibinigay sa Israel, bayang kanyang hinirang.
13 Ang pangalan mo, O Yahweh, ay magpakailanman,
lahat ng nilikha, Yahweh, hindi ka malilimutan.
14 Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod,
ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos.
15 Ang(A) mga diyos ng mga bansa'y gawa sa pilak at ginto,
kamay ng mga tao ang humugis at bumuo.
16 Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka,
mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita;
17 mayroon silang mga tainga, ngunit hindi makarinig,
hindi sila humihinga, sa ilong man o sa bibig.
18 Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala,
matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha!
19 Si Yahweh ay papurihan, purihin siya, O Israel,
maging kayong mga pari sa Diyos ay magpuri rin.
20 Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita,
lahat kayong sumasamba ay magpuring sama-sama.
21 Ang Diyos na nasa Zion ay sambahin at purihin,
si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem.
Purihin si Yahweh!
Ang Hatol ng Diyos Laban sa Jerusalem
12 Sinabi sa akin ni Yahweh, 13 “Ezekiel, anak ng tao, kapag ang isang bayan ay hindi naging tapat sa akin, paparusahan ko sila, at babawasan ang kanilang pagkain. Padadalhan ko sila ng taggutom hanggang sa mamatay ang mga tao, pati hayop. 14 Kung magkataong naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas dahil sa matuwid nilang pamumuhay.
15 “Kapag pinapasok ko sa isang bansa ang mababangis na hayop, sila'y uubusin ng mga ito. Ang dakong iyon ay magiging pook ng lagim hanggang sa ang lahat ay matatakot magdaan doon dahil sa mababangis na hayop. 16 Isinusumpa kong wala akong ititira isa man sa kanila. Magkataon mang naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas, ngunit hindi nila maililigtas isa man sa kanilang mga anak.
17 “Kapag pinadalhan ko ng tabak ang isang bansa, silang lahat ay aking papatayin, pati mga hayop. 18 Kung magkataong naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas; wala silang maisasama isa man sa kanilang mga anak. Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh.
19 “Kapag ang isang bansa ay pinadalhan ko ng salot at ibinuhos ko roon ang aking matinding galit, mamamatay silang lahat, pati mga hayop. 20 Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Naroon man sina Noe, Daniel at Job, hindi rin nila maililigtas kahit isa sa kanilang mga anak, sila lamang tatlo ang maliligtas pagkat matuwid ang kanilang pamumuhay.”
21 Ipinapasabi(A) nga ni Yahweh, “Ano pa ang maaaring asahan ng Jerusalem kapag nilipol ko ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, mababangis na hayop, at salot na siyang apat na paraan ng aking pagpaparusa? 22 Sakali mang may makaligtas, aalis sila sa Jerusalem. At kung makita mo ang paraan ng kanilang pamumuhay, sasabihin mong angkop lamang ang pagpaparusang ipinataw ko. 23 Mawawala ang panghihinayang mo kapag nakita mo ang masamang paraan ng kanilang pamumuhay, at sasabihin mong may sapat akong dahilan sa gayong pagpaparusa sa kanila.”
Pinagaling ang Anak ng Babaing Taga-Tiro(A)
24 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lugar na malapit sa Tiro [at ng Sidon].[a] Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari. 25 Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang babae na may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan. 26 Ang babaing ito'y isang Hentil na taga-Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak. 27 Ngunit sinabi ni Jesus, “Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso.”
28 Tugon ng babae, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit maging ang mga asong nasa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga nalalaglag mula sa kinakain ng mga anak.”
29 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.”
30 Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.