Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 68:1-10

Pambansang Awit ng Pagtatagumpay

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

68 Magbangon ka, O Diyos, kaaway ay pangalatin,
    at ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling!
Kung paanong yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin;
    at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw,
    sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
Ngunit lahat magagalak, matutuwa ang matuwid;
    sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.

Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan,
    maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;
    ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.

Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
    tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
    ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;
    samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.

Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,
    sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah)[a]
ang(A) lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.
    Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,
    nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,
    lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
    ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.

Mga Awit 68:19-20

19 Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas,
    dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)[a]
20 Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
    si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
    Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.

Job 24:9-25

“Inaalipin ng masasama ang mga ulila;
    mga anak ng may utang, kanilang kinukuha.
10 Hubad na pinaglalakad ang mga mahirap,
    labis ang gutom habang sila'y pinapagapas.
11 Sila ang nagkakatas ng ubas at olibo,
    ngunit di man lamang makatikim ng alak at langis nito.
12 Mga naghihingalo at mga sugatan, sa loob ng lunsod ay nagdadaingan,
    ngunit di pa rin pansin ng Diyos ang kanilang panawagan.

13 “May mga taong nagtatakwil sa liwanag;
    di nila ito maunawaan, patnubay nito'y ayaw sundan.
14 Bumabangon ang mamamatay-tao sa madaling araw,
    at ang kawawang dukha'y kanyang pinapaslang.
    Pagsapit naman ng gabi, siya ay nagnanakaw.
15 Ang nakikiapid ay naghihintay na dumilim,
    nagtatakip ng mukha upang walang makapansin.
16 Kung gabi naman sumasalakay ang mga magnanakaw;
    ayaw nila sa liwanag kaya't nagtatago pagsikat ng araw.
17 Liwanag ng araw ay kanilang kinatatakutan,
    ngunit di sila nasisindak sa matinding kadiliman.”

18 Sinabi ni Zofar,
“Ang masamang tao'y tinatangay ng baha,
    sinumpa ng Diyos ang kanilang lupa;
    sa ubasan nila'y ni walang mangahas magsaka.
19 Kung paanong ang yelo ay natutunaw sa tag-init,
    gayundin ang masama, naglalaho sa daigdig.
20 Kahit ang kanyang ina sa kanya'y nakakalimot;
    parang punong nabuwal, inuuod at nabubulok.
21 Pagkat inapi niya ang babaing di nagkaanak,
    at ang mga biyuda ay kanyang hinamak.
22 Winawasak ng Diyos ang buhay ng malalakas;
    kapag siya ay kumilos, ang masama'y nagwawakas.
23 Hayaan man ng Diyos na mabuhay ito nang tiwasay,
    sa bawat sandali, siya'y nagbabantay.
24 Umunlad man ang masama, ngunit panandalian lamang,
    natutuyo ring tulad ng damo at halaman,
    parang bungkos ng inani na binunot sa taniman.
25 Kasinungalingan ba ang sinasabi ko?
Sinong makapagpapatunay na ito'y di totoo?”

Galacia 2:11-14

Pinagsabihan ni Pablo si Pedro

11 Subalit nang dumating si Pedro sa Antioquia, harap-harapan ko siyang sinaway sapagkat maling-mali ang kanyang ginagawa. 12 Dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya'y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat na nagnanais na tuliin din ang mga Hentil. 13 At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. 14 Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.