Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Ubasan ni Nabot
21 Malapit sa palasyo ni Haring Ahab sa Jezreel, sa Samaria, ay may isang ubasan na pag-aari ni Nabot. 2 Isang araw, sinabi ni Ahab kay Nabot, “Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan. Gagawin kong taniman ng gulay sapagkat malapit ito sa aking palasyo. Papalitan ko ito ng mas mainam na ubasan, o kung gusto mo naman babayaran ko na lang ito sa tamang halaga.”
3 Ngunit ganito ang naging sagot ni Nabot: “Minana ko pa po sa aking mga ninuno ang ubasang ito. Hindi papayagan ni Yahweh na ibigay ko ito sa inyo.”
4 Umuwi si Ahab na malungkot at masama ang loob dahil sa sagot ni Nabot. Nagkulong siya sa kanyang silid, hindi makausap at ayaw kumain. 5 Nilapitan siya ng asawa niyang si Jezebel at tinanong, “Ano bang problema mo at hindi ka makakain?”
6 Sumagot ang hari, “Kinausap ko si Nabot na taga-Jezreel, at inalok ko siyang papalitan o babayaran ang kanyang ubasan. Ngunit tinanggihan ako, at ang sabi'y hindi raw niya maaaring ibigay sa akin ang kanyang ubasan.”
7 Sagot sa kanya ni Jezebel, “Para ka namang hindi hari ng Israel. Halika na! Kumain ka at huwag ka nang malungkot! Ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabot.”
8 Gumawa ang reyna ng ilang sulat sa ngalan ng hari, tinatakan ng pantatak ng hari, at ipinadala sa mga matatandang pinuno at pangunahing mamamayan sa lunsod na tinitirhan ni Nabot. 9 Ganito ang sabi niya sa sulat: “Magpahayag kayo ng isang araw ng pag-aayuno. Tipunin ninyo ang mga tao at parangalan ninyo si Nabot. 10 Kumuha kayo ng dalawang sinungaling na saksi na maghaharap ng ganitong sumbong laban sa kanya: ‘Nilapastangan niya ang Diyos at ang hari.’ Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lunsod at batuhin hanggang mamatay.”
11 Tinupad ng matatandang pinuno at ng mga opisyal ng lunsod ang utos ni Jezebel. 12 Nagpahayag sila ng isang araw na pangkalahatang pag-aayuno. Tinipon nila ang mga tao at pinarangalan si Nabot. 13 Lumabas ang dalawang bayarang saksi at siya'y pinaratangan ng ganito: “Nilapastangan ni Nabot ang Diyos at ang hari.” Kaya't si Nabot ay inilabas sa lunsod at binato hanggang mamatay. 14 Nagpasabi naman agad sila kay Jezebel, “Patay na po si Nabot na taga-Jezreel.”
15 Pagkatanggap ng ganoong balita, nagpunta si Jezebel kay Ahab at sinabi, “Hayan! Kunin mo na ang ubasang hindi mo mabili kay Nabot. Hindi na siya makakatutol. Patay na siya.” 16 Nang malaman ni Ahab na patay na si Nabot, pumunta siya sa ubasan upang angkinin iyon.
17 Sinabi ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, 18 “Puntahan mo agad si Haring Ahab sa Samaria. Makikita mo siya sa ubasan ni Nabot. Naroon siya upang kamkamin iyon. 19 Sabihin mo sa kanya, ‘Pagkatapos mong paslangin ang tao ay kukunin mo pati ang kanyang ari-arian? Kung saan hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabot, doon din hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.’”
20 Sinabi ni Ahab kay Elias, “Nakita mo na naman ako, aking kaaway.”
Sagot naman sa kanya ni Elias, “Hinanap kita muli sapagkat nalulong ka na sa paggawa ng masama sa paningin ni Yahweh! 21 Malagim na parusa ang babagsak sa iyo. Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Itatakwil kita! Lilipulin ko ang mga anak mong lalaki, matanda at bata.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.
5 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
2 Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
3 Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
4 Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
mga maling gawain, di mo pinapayagan.
5 Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
6 Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.
7 Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
luluhod ako tanda ng aking paggalang.
8 Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.
Pinapawalang-sala Dahil sa Pananampalataya
15 Kami nga'y ipinanganak na Judio at hindi makasalanang Hentil. 16 Gayunman,(A) alam naming ang tao'y pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya, at hindi sa pamamagitan ng Kautusan. Sapagkat walang taong pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. 17 Ngunit kung sa pagsisikap naming mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuan kaming makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi! 18 Ngunit kung itinatayo kong muli ang winasak ko na, ipinapakita kong makasalanan nga ako. 19 Ako'y namatay na sa Kautusan sa pamamagitan rin ng Kautusan upang ngayo'y mabuhay para sa Diyos. Ako'y kasama ni Cristo na ipinako sa krus. 20 Kaya hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayon sa katawan ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko tinatanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo!
Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus
36 Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya. Pumunta naman siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. 37 Sa(A) bayang iyon ay may isang babaing makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya't nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. 38 Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa gawing paanan. Umiiyak na binasâ niya ng kanyang mga luha ang mga paa ni Jesus. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok, hinalikan, at binuhusan ng pabango ang mga paa nito. 39 Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung totoong propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.”
40 Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.”
“Ano po iyon, Guro?” sagot niya.
41 Sinabi ni Jesus, “May dalawang taong may utang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. 42 Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?”
43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.”
“Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. 44 Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ang mga ito ng sarili niyang buhok. 45 Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin ang pagmamahal.”
48 At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”
49 At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?”
50 Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.”
Mga Babaing Naglilingkod kay Jesus
8 Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon sa paligid. Nangangaral siya at nagtuturo ng Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa 2 at(B) ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa kanilang mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena (mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas), 3 si Juana na asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Tinustusan ng mga ito mula sa sarili nilang ari-arian ang mga pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.