Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas
146 Purihin si Yahweh!
Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
2 Pupurihin siya't aking aawitan;
aking aawitan habang ako'y buháy.
3 Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
kahit sa kaninong di makapagligtas;
4 kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
kahit anong plano nila'y natatapos.
5 Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
6 sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
7 Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
8 isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya'y nililingap.
9 Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo't ulila,
ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!
Purihin si Yahweh!
Hinirang sa Pagkapari sina Aaron(A)
29 “Ganito ang gagawin mo sa paglalagay kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki sa tungkulin bilang mga pari: Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. 2 Kumuha ka rin ng tinapay na walang pampaalsa, bibingkang walang pampaalsa at minasa sa langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at pinahiran ng langis. Lahat ng ito'y kailangang yari sa pinakamainam na harinang trigo. 3 Ilagay mo ito sa isang basket at ihandog sa akin, kasama ng batang toro at ng dalawang lalaking tupa.
4 “Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki sa pintuan ng Toldang Tipanan at maligo sila roon. 5 Isuot mo sa kanya ang mahabang panloob na kasuotan, ang damit bago ang efod, ang efod at ang pektoral, saka itali ang pamigkis ng efod. 6 Isuot mo kay Aaron ang turbante at ikabit rito ang koronang kinasusulatan ng katagang “Inilaan kay Yahweh”. 7 Bilang pagtatalaga, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo ang kanyang ulo.
8 “Pagkatapos ni Aaron, ang kanyang mga anak naman ang iyong itatalaga. Isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan, 9 itali ang mga pamigkis sa kanilang baywang, at ilagay ang turbante sa kanilang mga ulo. Sa gayon, magiging pari sila sa bisa ng aking utos. Ganyan ang gagawin mo sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak.
Isinalaysay ni Pablo Kung Paano Siya Sumampalataya(A)
6 “Nang malapit na ako sa Damasco, magtatanghaling-tapat noon, may biglang kumislap sa aking paligid na isang matinding liwanag mula sa langit. 7 Bumagsak ako sa lupa at narinig ko ang isang tinig na nagsalita sa akin, ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?’ 8 Ako'y sumagot, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ ‘Ako ang iyong pinag-uusig na si Jesus na taga-Nazaret,’ tugon ng tinig. 9 Nakita ng mga kasama ko ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig na nagsasalita sa akin. 10 ‘Ano po ang gagawin ko, Panginoon?’ tanong ko. At tumugon ang Panginoon, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng itinakda na dapat mong gawin.’ 11 Nabulag ako dahil sa matinding liwanag na iyon, kaya't ako'y inakay na lamang ng mga kasama ko at dinala sa Damasco.
12 “Doon ay nakatira si Ananias. Siya ay tapat na sumusunod sa Kautusan at iginagalang ng mga Judiong naninirahan doon. 13 Pinuntahan niya ako, tumayo sa tabi ko at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, makakita kang muli.’ Noon di'y nakakita akong muli at tumingin ako sa kanya, 14 at sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Matuwid na Lingkod at marinig ang kanyang tinig. 15 Sapagkat ikaw ay magiging saksi niya upang patotohanan sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. 16 At ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na, magpabautismo at tumawag ka sa kanyang pangalan upang mapatawad ka sa iyong mga kasalanan.’”
Isinugo si Pablo sa mga Hentil
17 “Nagbalik ako rito sa Jerusalem, at habang ako'y nananalangin sa Templo, nagkaroon ako ng isang pangitain. 18 Nakita ko ang Panginoon na nagsasalita sa akin, ‘Madali ka! Lisanin mo agad ang Jerusalem sapagkat hindi tatanggapin ng mga tao rito ang iyong patotoo tungkol sa akin.’ 19 Sabi ko naman, ‘Panginoon, alam na alam nilang isa-isa kong pinuntahan ang mga sinagoga upang ipabilanggo at ipahagupit ang mga nananalig sa iyo. 20 At(B) nang patayin si Esteban na iyong saksi, ako ay naroon at sumang-ayon pa sa ginawa nila. Ako pa nga ang nagbantay sa mga balabal ng mga pumatay sa kanya.’ 21 Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Humayo ka, sapagkat isusugo kita sa malayo, sa mga Hentil.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.