Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
IKALAWANG AKLAT
Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
2 Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
3 Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
“Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”
4 Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
5 Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.
6 Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
7 Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
8 Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.
9 Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
“Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
habang sila'y nagtatanong,
“Ang Diyos mo ba ay nasaan?”
11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.
Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)
43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
2 Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?
3 Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
4 Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!
5 Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!
14 “Sa magulong kalagayan, kailangan ko'y kaibigan,
tumalikod man ako o hindi sa Diyos na Makapangyarihan.
15 Ngunit kayong mga kaibigan ko'y di ko maaasahan,
para kayong sapang natutuyo kapag walang ulan.
16-17 Kung taglamig, ang ilog ay pawang yelo,
pagsapit ng tag-araw, nawawalang lahat ito;
ang ilog ay natutuyo, walang laman kahit ano.
18 Sa paghahanap ng tubig, naliligaw ang mga manlalakbay,
at sa gitna ng disyerto ay doon na namamatay.
19 Naghanap ang manlalakbay na taga-Tema at ang taga-Seba,
20 ngunit pag-asa nila'y nawala sa tabi ng tuyong sapa.
21 Para kayong mga batis na ang tubig ay natuyo;
kaya kayo ay nabigla nang makita n'yo ang aking anyo.
22 Sa inyo ba kahit minsan ako ay nagpatulong?
Kailan ba ako humingi sa inyo ng pansuhol?
23 Ako ba kahit minsa'y napasaklolo sa inyo?
Hiniling ko bang sa kaaway ay tubusin ninyo ako?
24 “Pagkakamali ko'y sabihin at ako'y turuan,
ako'y tatahimik upang kayo'y pakinggan.
25 Mga salitang tapat, kay gandang pakinggan,
ngunit mga sinasabi ninyo'y walang katuturan.
26 Kung ang sinasabi ko ay walang kabuluhan,
bakit ninyo sinasagot itong aking karaingan?
27 Kahit sa mga ulila kayo'y magpupustahan,
pati kaibigan ninyo'y inyong pagsusugalan.
28 Tingnan ninyo ako nang harapan, hindi ko kayo pagsisinungalingan,
29 Lumalabis na ang mali ninyong paratang,
tigilan n'yo na iyan pagkat ako'y nasa katuwiran.
30 Akala ninyo ang sinasabi ko'y hindi tama,
at hindi ko nakikilala ang mabuti sa masama.
Ang Kautusan at ang Pangako
15 Mga kapatid, narito ang isang pangkaraniwang halimbawa. Kapag nalagdaan na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-saysay ni madaragdagan. 16 Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang supling. Hindi sinasabi, “At sa kanyang mga supling,” na ang tinutukoy ay marami kundi, “At sa iyong supling,” na iisa ang tinutukoy at ito'y si Cristo. 17 Ito(A) ang ibig kong sabihin, pinagtibay ng Diyos ang isang kasunduan at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang kasunduang iyon at ang mga pangako ng Diyos ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon. 18 Kung(B) ang pamana ay ipinagkakaloob dahil sa Kautusan, hindi na ito dahil sa pangako. Ngunit ang pamana ay ibinigay ng Diyos kay Abraham bilang katuparan ng kanyang pangako.
19 Kung ganoon, ano ang silbi ng Kautusan? Idinagdag ito upang maipakita kung ano ang paglabag, at may bisa ito hanggang sa dumating ang anak na pinangakuan. Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Kapag may tagapamagitan, nangangahulugang higit sa isang panig ang gumagawa ng kasunduan—subalit ang Diyos ay iisa.
Ang mga Anak at ang mga Alipin
21 Ang ibig bang sabihin nito'y salungat ang Kautusan sa mga pangako [ng Diyos]?[a] Hinding-hindi! Kung ang kautusang ibinigay ay nakapagbibigay-buhay, ang tao'y magiging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod niya sa Kautusan. 22 Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ng tao'y alipin ng kasalanan, kaya't ang ipinangako ng Diyos ay matatanggap sa pamamagitan ng pananalig kay Jesu-Cristo na ibinibigay sa lahat ng sumasampalataya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.