Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pambansang Awit ng Pagtatagumpay
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
68 Magbangon ka, O Diyos, kaaway ay pangalatin,
at ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling!
2 Kung paanong yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin;
at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw,
sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
3 Ngunit lahat magagalak, matutuwa ang matuwid;
sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.
4 Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan,
maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;
ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.
5 Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
6 May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;
samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.
7 Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,
sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah)[a]
8 ang(A) lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.
Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,
nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
9 Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.
19 Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas,
dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)[a]
20 Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.
16 “Di(A) ako nagkait ng tulong kailanman,
sa mga biyuda at nangangailangan.
17 Di ko pinabayaan ang mga ulila, kapag ako'y kumain, kumakain din sila.
18 Sa buong buhay ko sila'y aking tinulungan,
inalagaan, mula pa sa aking kabataan.
19 “Ang makita kong walang damit
pagkat walang maibili,
20 binibigyan ko ng makapal na damit,
kaya't pasasalamat niya'y walang patid.
21 “Kung ang mga ulila'y aking inapi,
pagkat alam kong sa hukuma'y ako ang magwawagi,
22 mabuti pang mga bisig ko ay baliin,
at sa aking balikat ito ay tanggalin.
23 Sapagkat sa parusa ng Diyos ako'y natatakot,
hindi ko kayang gawin ang gayong gawaing baluktot.
Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Babaing Cananea(A)
40 Pagbalik ni Jesus, masaya siyang tinanggap ng mga tao sapagkat siya'y hinihintay nila. 41 Dumating noon ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Nagpatirapa ito at nakiusap kay Jesus na sumama sa kanyang bahay, 42 sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babae na maglalabindalawang taong gulang na ay naghihingalo.
Habang naglalakad si Jesus papunta sa bahay ni Jairo, sinisiksik siya ng mga tao. 43 Kabilang sa mga ito ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hindi mapagaling ninuman. [Naubos na ang kanyang kabuhayan sa mga manggagamot.][a] 44 Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng damit nito. Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Nagtanong si Jesus, “Sino ang humawak sa damit ko?”
Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Panginoon, napapaligiran po kayo at sinisiksik ng mga tao!”
46 Ngunit sinabi ni Jesus, “May humawak sa damit ko! Naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.”
47 Nang malaman ng babae na hindi pala maililihim ang kanyang ginawa, siya'y nanginginig na lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon kung bakit niya hinawakan ang damit ni Jesus, at kung paanong siya'y agad na gumaling.
48 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka nang mapayapa.”
49 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang isang lalaking galing sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak!” sabi niya kay Jairo. “Huwag na po ninyong abalahin ang Guro.”
50 Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot. Manalig ka lamang at siya'y gagaling.”
51 Pagdating sa bahay, wala siyang isinama sa loob kundi sina Pedro, Juan at Santiago, at ang mga magulang ng dalagita. 52 Nag-iiyakan ang lahat ng naroroon at kanilang tinatangisan ang bata. Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata; natutulog lamang.”
53 Pinagtawanan nila si Jesus sapagkat alam nilang patay na ang dalagita. 54 Ngunit hinawakan ni Jesus ang kamay nito at sinabi, “Bumangon ka, bata!” 55 Nagbalik ang hininga ng dalagita at ito'y agad na bumangon. Pagkatapos, pinabigyan siya ni Jesus ng pagkain. 56 Manghang-mangha ang mga magulang ng bata, ngunit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangyayaring ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.