Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 83

Panalangin Upang Matalo ang mga Kalaban

Awit ni Asaf.

83 Huwag kang manahimik, O Diyos, huwag kang magpabaya, ikaw ay kumilos.
Hayun! Ang kaaway nagsisipag-alsa,
    at ang namumuhi'y kinakalaban ka.
Sila'y nagbabalak laban sa hinirang,
    laban sa lahat ng iyong iningatan.
Ganito ang sabi, “Ating papawiin, ang kanilang bansa'y ating lilipulin;
    upang ang Israel, malimutan na rin!”

Nagkakaisang lahat, sila ay nagplano,
    kanilang pasya ay lumaban sa iyo.
Ang lahi ni Edom at ang Ismaelita,
    Moab at Agarenos lahat nagkaisa.
Ang Gebal at Ammon gayon din ang pasya,
    Amalek at Tiro at ang Filistia.
Pati ang Asiria'y nakipagsabwatan,
    sa lahi ni Lot, nakipagtulungan. (Selah)[a]

Mga(A) bansang ito'y iyong parusahan, tulad ng parusang ginawa sa Midian,
    kay Jabi't Siserang nalupig sa laban nang sa Ilog Kison, buhay winakasan.
10 Pinatay lahat at ang hukbo'y nawasak,
    sa Endor, ang bangkay nila ay nagkalat.
11 Yaong(B) mga bantog nilang punong-kawal, kay Oreb at Zeeb iparis ang buhay.
    Lupigin mong lahat ang pinuno nila tulad ng sinapit ni Zeba't Zalmuna,
12 sila ang nagsabing, “Ang pastulan ng Diyos
    ay ating kamkami't maging ating lubos.”

13 Ikalat mo silang parang alikabok,
    tulad ng dayami na tangay ng unos.
14 Tulad ng pagtupok ng apoy sa gubat,
    nang ang kaburula'y kubkob na ng ningas,
15 gayon mo habulin ng bagyong malakas,
    ito ang gawin mo't nang sila'y masindak.
16 Mga taong yaon sana'y hiyain mo,
    upang matutong maglingkod sa iyo.
17 Lupigin mo sila't takuting lubusan,
    lubos mong hiyain hanggang sa mamatay.
18 Sana ikaw, Yahweh, kanilang mabatid,
    ang tangi't dakilang hari ng daigdig!

Genesis 31:17-35

17 Isinakay niya sa kamelyo ang kanyang mga asawa't mga anak. 18 Dinala niya ang kanyang mga kawan at lahat ng kayamanang naipon niya sa Mesopotamia at bumalik sa Canaan, sa lupain ng kanyang amang si Isaac. 19 Wala noon si Laban sapagkat naggugupit ito ng balahibo ng mga tupa. Sinamantala iyon ni Raquel upang kunin ang mga diyus-diyosan sa tolda ng kanyang ama. 20 Nilinlang ni Jacob si Laban na Arameo; hindi niya ipinaalam ang kanyang pag-alis. 21 Tinawid niya ang Ilog Eufrates papunta sa bulubundukin ng Gilead, dala ang lahat niyang ari-arian.

Hinabol ni Laban si Jacob

22 Makaraan ang tatlong araw, nalaman ni Laban ang pag-alis nina Jacob. 23 Isinama niya ang kanyang mga tauhan at hinabol nila si Jacob. Inabot nila ito sa bulubundukin ng Gilead pagkaraan ng pitong araw. 24 Nang gabing iyon, si Laban ay kinausap ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip. Sinabi sa kanyang huwag pagbabantaan ng anuman si Jacob. 25 Nang dumating si Laban, si Jacob ay nakapagtayo na ng kanyang tolda sa kaburulan. Nagtayo rin ng tolda si Laban sa kaburulang iyon ng Gilead.

26 Tinanong ni Laban si Jacob, “Bakit mo ako nilinlang at itinakas mo pa ang aking mga anak na parang mga bihag? 27 Bakit mo inilihim sa akin ang iyong pag-alis? Sana'y inihatid ko kayo na may tugtugan at awitan sa saliw ng tamburin at alpa. 28 Hindi mo man lamang ako binigyan ng pagkakataong mahagkan ang aking mga anak at mga apo bago sila umalis. Napakalaking kahangalan ang ginawa mong ito! 29 Kung sabagay, kaya kitang saktan, ngunit hindi ko iyon gagawin sapagkat kagabi'y sinabi sa akin ng Diyos ng iyong ama na huwag kitang pagbantaan sa anumang paraan. 30 Alam kong ginawa mo ito dahil sabik na sabik ka nang umuwi sa inyo. Subalit bakit mo naman ninakaw ang aking mga diyos?”

31 Sumagot si Jacob, “Natakot po ako na baka hindi ninyo pasamahin sa akin ang inyong mga anak. 32 Ngayon, kung makita ninyo ang inyong mga diyos sa sinuman sa amin, dapat siyang mamatay. Saksi ang naritong mga kamag-anak natin; tingnan ninyo kung mayroon kayong anumang ari-arian dito at kunin ninyo.” Hindi alam ni Jacob na si Raquel ang kumuha ng mga diyus-diyosan ni Laban.

33 Hinalughog ni Laban ang tolda ni Jacob, ang kay Lea, at gayon din ang sa dalawang aliping babae, ngunit hindi niya nakita ang kanyang mga diyos. Pumasok din siya sa tolda ni Raquel, 34 ngunit naitago na nito ang mga diyus-diyosan sa upuang nasa likod ng kamelyo at iyon ay kanyang inuupuan. Hinalughog na mabuti ni Laban ang buong tolda, ngunit wala siyang nakita. 35 Sinabi ni Raquel sa kanyang ama, “Huwag po kayong magagalit sa akin kung sa harapan ninyo'y hindi ako makatayo, sapagkat ako po'y mayroon ngayon.”[a] Patuloy na naghanap si Laban, ngunit hindi rin niya nakita ang kanyang mga diyus-diyosan.

Galacia 3:1-9

Kautusan o Pananampalataya?

Mga hangal kayong mga taga-Galacia! Sino ang nakagayuma sa inyo? Sa harap mismo ng inyong mga mata ay ipinakita ang pagkamatay ni Jesu-Cristo sa krus! Sabihin nga ninyo, tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ayon sa Kautusan o sa pamamagitan ng inyong pananalig sa inyong narinig tungkol kay Cristo? Talagang napakahangal ninyo! Nagsimula na kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais ninyong magtapos sa pamamagitan ng inyong sariling kapangyarihan! Wala na bang halaga sa inyo ang mga naranasan ninyo? Marahil naman ay mayroon. Dahil ba sa pagsunod ninyo sa kautusan ay ipinagkakaloob ng Diyos ang Espiritu sa inyo at gumagawa kayo ng mga himala, o dahil sa pananampalataya na inyong narinig tungkol kay Cristo?

Tulad(A) ng nangyari kay Abraham, “Sumampalataya siya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos na matuwid.” Kung(B) gayon, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang mga tunay na anak ni Abraham. Bago(C) pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang Magandang Balitang ito ay ipinahayag na kay Abraham, “Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ang lahat ng bansa.” Kaya naman pagpapalain ang mga sumasampalataya tulad ni Abraham na sumampalataya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.