Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.[a]
8 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
2 Pinupuri(A) ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
3 Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
4 Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan;
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
5 Nilikha(C) mo siyang mababa sa iyo[b] nang kaunti,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
6 Ginawa(D) mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
7 mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
8 lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
at lahat ng nilikhang nasa karagatan.
9 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Ang Sagot ng Diyos kay Job
38 Pagkatapos nito, sumagot ang Diyos kay Job sa pamamagitan ng malakas na bagyo,
2 “Sino kang mag-aalinlangan sa aking kaalaman?
Lalo lamang lumilitaw ang iyong kamangmangan.
3 Tumayo ka riyan at magpakalalaki,
tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
4 Nasaan ka nang likhain ko ang mundo?
Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo.
5 Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito?
Sino ang sumukat, alam mo ba ito?
6 Sino ang may hawak ng mga haligi ng mundo?
Sino ang naglagay ng mga panulukang-bato?
7 Noong(A) umagang iyon, ang mga bitui'y nag-awitan,
at mga nilalang sa langit, sa tuwa'y nagsigawan.
8 “Sino(B) ang humarang sa agos ng dagat,
nang mula sa kalaliman ito'y sumambulat?
9 Tinakpan ko ang dagat ng ulap na makapal,
at binalutan ito ng kadiliman.
10 Ang dagat ay nilagyan ko ng hangganan,
upang ito'y manatili sa likod ng mga harang.
11 Sinabi kong sila'y hanggang doon na lang,
at huwag lalampas ang alon na naglalakihan.
8 Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo para sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos 9 na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus, 10 ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.
11 Para(A) sa Magandang Balitang ito, ako'y itinalagang mangangaral, apostol at guro, 12 at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.[a]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.