Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Isang Nababagabag na Kabataan
Panalangin ng isang dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong kay Yahweh.
102 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
lingapin mo ako sa aking pagdaing.
2 O huwag ka sanang magkubli sa akin,
lalo sa panahong may dusa't bigatin.
Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin
sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.
3 Nanghihina akong usok ang katulad,
damdam ko sa init, apoy na maningas.
4 Katulad ko'y damong natuyo sa parang,
pati sa pagkai'y di ako ganahan.
5 Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,
yaring katawan ko'y buto na at balat.
6 Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,
para akong kuwago sa dakong mapanglaw;
7 ang aking katulad sa hindi pagtulog,
ibon sa bubungang palaging malungkot.
8 Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo;
gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko.
9 Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,
luha'y hinahalo sa aking inuman.
10 Dahil sa galit mo, aking Panginoon,
dinaklot mo ako't iyong itinapon.
11 Ang buhay kong taglay ay parang anino;
katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.
12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
pagkat dumating na ang takdang panahon,
sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
bagama't nawasak at gumuhong lubos.
15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.
13 Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan,
at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo.
14 Higit pa sa pilak ang pakinabang dito,
at higit sa gintong lantay ang tubo nito.
15 Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan,
at walang kayamanang dito ay maipapantay.
16 Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman,
may taglay na kayamanan at may bungang karangalan.
17 Maaliwalas ang landas ng taong may kaalaman,
at puno ng kapayapaan ang lahat niyang araw.
18 Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan,
para siyang punongkahoy na mabunga kailanman.
Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo
31 Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aking turo, kayo nga'y tunay na mga alagad ko. 32 Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
33 Sumagot(A) sila, “Kami ay mula sa lahi ni Abraham, at kailanma'y hindi kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?”
34 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: ang gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi kabilang sa pamilya sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. 36 Kung ang Anak ang magpalaya sa inyo, kayo nga'y magiging tunay na malaya. 37 Alam kong kayo'y mula sa lahi ni Abraham, gayunma'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat ayaw ninyong tanggapin ang aking turo. 38 Ang nakita ko sa aking Ama ang siya kong sinasabi sa inyo, at ang narinig ninyo sa inyong ama ang siya namang ginagawa ninyo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.