Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 99

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
    mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
    kaya daigdig ay nayayanig.
Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
    si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
    si Yahweh ay banal!

Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
    ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
    ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
    sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
    Si Yahweh ay banal!

Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
    at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
    nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
    sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.

O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
    at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
    ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
    sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!

Levitico 9:1-11

Ang Handog ni Aaron

Nang ikawalong araw, ipinatawag ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak, at ang mga pinuno ng Israel. Sinabi niya kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro at isang lalaking tupa na walang kapintasan at ihandog mo kay Yahweh. Ang una'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang ikalawa'y handog na susunugin. Sabihin mo naman sa bayang Israel na magdala sila ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Magdala rin sila ng isang guya at isang batang tupa na parehong isang taon ang gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin. Pagdalhin mo rin sila ng isang toro at isang lalaking tupa upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan. Ihahandog nila ang lahat ng ito na may kasamang harinang hinaluan ng langis. Gawin ninyo ito sapagkat ngayo'y magpapakita sa inyo si Yahweh.” Dinala nga nila ang mga ito sa harap ng Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Moises. Nagtipon ang buong bayan sa harapan ni Yahweh. Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh na dapat ninyong tuparin upang mahayag sa inyo ang kaluwalhatian niya.” Kay(A) Aaron nama'y sinabi ni Moises, “Lumapit ka sa altar at ialay mo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at ang handog na susunugin para sa iyo at sa iyong sambahayan. Dalhin mo rin ang handog ng mga tao upang sila'y matubos din sa kanilang mga kasalanan; iyan ang iniutos ni Yahweh.”

Lumapit nga si Aaron sa altar at pinatay ang guya bilang handog para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan. Ang dugo nito'y dinala ng mga anak ni Aaron sa kanya. Inilubog naman niya sa dugo ang kanyang daliri at nilagyan ang mga sungay ng altar at ibinuhos sa paanan nito ang natira. 10 Ngunit ang taba, mga bato at ang ibabang bahagi ng atay ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay sinunog niya sa altar, gaya ng utos ni Yahweh. 11 Ang laman at balat nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo.

Levitico 9:22-24

22 Itinaas(A) ni Aaron ang kanyang mga kamay at binasbasan ang mga tao. Pagkatapos, bumabâ siya mula sa altar na pinaghandugan niya. 23 Sina Moises at Aaron ay pumasok sa Toldang Tipanan. Paglabas doon, binasbasan nila ang mga tao at nakita ng lahat ang maningning na kaluwalhatian ni Yahweh. 24 Sa harapan niya, nagkaroon ng apoy at tinupok ang handog na susunugin pati ang taba na nasa altar. Nang makita ito ng mga tao, sila'y napasigaw at nagpatirapa.

1 Pedro 4:1-6

Ang Panibagong Buhay

Yamang si Cristo'y nagtiis ng hirap noong siya'y nasa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtiis na ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan. Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa pagnanasa ng laman. Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga Hentil: kahalayan, mga pagnanasa ng laman, paglalasing, walang habas na pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y kinukutya nila, ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay. Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.