Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 93

Ang Diyos ang Hari

93 Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan
    ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan.
Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig,
    kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una,
    bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.

Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog,
    lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos;
    maingay na mga alon katulad ay pagkalabog.
Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog,
    malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos;
    higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.

Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo,
    sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

2 Mga Hari 2:1-12

Dinala si Elias ng Karwaheng Apoy

Dumating ang oras na si Elias ay kailangan nang kunin ni Yahweh sa pamamagitan ng ipu-ipo. Noon ay naglalakad sila ni Eliseo buhat sa Gilgal. Sinabi ni Elias, “Maiwan ka na rito at ako'y pinapapunta ni Yahweh sa Bethel.”

Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At magkasama silang pumunta sa Bethel.

Sinalubong sila ng mga propeta roon at tinanong nila si Eliseo, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”

“Alam ko, kaya huwag na kayong maingay,” sagot niya.

Sinabi ni Elias, “Eliseo, maiwan ka na sana rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jerico.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” Kaya nagpunta silang dalawa sa Jerico.

Pagdating doon, si Eliseo ay nilapitan ng pangkat ng mga propetang tagaroon at tinanong, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”

“Alam ko. Huwag na kayong maingay,” sagot niya.

Sinabi muli ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jordan.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[c] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At nagpatuloy sila ng paglakad. Sinundan sila ng limampung propeta at sila'y tinanaw sa di-kalayuan nang sila'y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan. Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at sila'y tumawid sa tuyong lupa.

Pagkatawid(A) nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.”

Sumagot si Eliseo, “Kung maaari'y ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.”

10 Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, kapag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.” 11 Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.

12 Kitang-kita(B) ito ni Eliseo, kaya't napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!” At nawala na sa paningin niya si Elias.

Pinalitan ni Eliseo si Elias

Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan.

Efeso 2:1-7

Patay Subalit Muling Binigyang-buhay

Noong(A) una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.

Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa kabutihan niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.