Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Gawa 1:6-14

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

Nang magkatipon si Jesus at ang mga alagad, nagtanong sila kay Jesus, “Panginoon, itatatag na po ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?”

Sumagot si Jesus, “Ang mga panahon at pagkakataon ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Subalit(A) tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”

Pagkasabi(B) nito, si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap.

10 Habang sila'y nakatitig sa langit at siya'y iniaakyat, may dalawang lalaking nakaputi na lumitaw sa tabi nila. 11 Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya.”

Ang Kapalit ni Judas

12 Nagbalik sa Jerusalem ang mga apostol buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo sa lungsod. 13 Pagdating(C) sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagsasama-sama upang manalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang mga kapatid ni Jesus.

Mga Awit 68:1-10

Pambansang Awit ng Pagtatagumpay

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

68 Magbangon ka, O Diyos, kaaway ay pangalatin,
    at ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling!
Kung paanong yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin;
    at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw,
    sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
Ngunit lahat magagalak, matutuwa ang matuwid;
    sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.

Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan,
    maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;
    ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.

Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
    tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
    ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;
    samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.

Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,
    sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah)[a]
ang(A) lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.
    Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,
    nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,
    lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
    ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.

Mga Awit 68:32-35

32 Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,
    awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan! (Selah)[a]

33 Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;
    mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw!
34 Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan,
    siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;
    'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
35 Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal,
    siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay
    ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan.

Ang Diyos ay papurihan!

1 Pedro 4:12-14

Ang Pagtitiis ng Cristiano

12 Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. 13 Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos.

1 Pedro 5:6-11

Kaya(A) nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala(B) ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.

Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng mga kahirapan, kundi gayundin ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.

Juan 17:1-11

Idinalangin ni Jesus ang Kanyang mga Alagad

17 Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, tumingala siya sa langit at kanyang sinabi, “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak upang luwalhatiin ka niya. Sapagkat binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. At ito(A) ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila na iisang tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. Inihayag ko dito sa lupa ang iyong kaluwalhatian; natapos ko na ang ipinapagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon sa iyong harapan ang kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan.

“Ipinahayag ko na kung sino ka sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila'y iyo at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; dahil ibinigay ko sa kanila ang mga salitang ibinigay mo sa akin, at tinanggap nila. Natitiyak nilang ako'y tunay na galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin.

“Idinadalangin ko sila; hindi ang sanlibutang ito ang idinadalangin ko, kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Ang lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang lahat ng sa iyo ay sa akin; at naluluwalhati ako sa pamamagitan nila. 11 At ngayon, ako'y papunta na sa iyo; iniiwan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila'y maging isa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.