Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Gawa 17:22-31

22 Tumayo si Pablo sa harap ng kapulungan ng Areopago at nagsalita, “Mga taga-Atenas, napapansin kong kayo'y lubos na napaka-relihiyoso sa maraming bagay. 23 Sapagkat(A) sa paglalakad ko sa lungsod at pagmamasid sa inyong mga sinasamba, nakakita ako ng isang dambana na may nakasulat, ‘Sa Diyos na hindi kilala.’ Ang Diyos na inyong sinasamba kahit hindi ninyo nakikilala ang siya kong ipinapahayag sa inyo. 24 Ang(B) Diyos na gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto ay ang Panginoon ng langit at ng lupa, at hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi(C) rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao, sapagkat siya mismo ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Mula(D) sa isang tao'y nilikha niya ang lahat ng lahi sa buong mundo. Itinakda niya sa simula't simula pa ang kani-kanilang panahon at hangganan. 27 Ginawa(E) niya iyon upang hanapin nila ang Diyos; baka sakaling sa kanilang paghahanap, siya ay matagpuan nila. Ang totoo, hindi naman siya talagang malayo sa bawat isa sa atin; 28 sapagkat,

‘Nakasalalay sa kanya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao.’

Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata,

‘Tayo nga'y mga anak niya.’

29 Sapagkat tayo'y mga anak ng Diyos, huwag nating akalain na ang kanyang pagka-Diyos ay mailalarawan ng ginto, pilak, o bato na pawang likha ng isip at gawa ng kamay ng tao. 30 Sa mga nagdaang panahon ay pinalampas ng Diyos ang di pagkakilala sa kanya ng mga tao, ngunit ngayon ay iniuutos niya sa lahat ng tao sa bawat lugar na magsisi't talikuran ang kanilang masamang pamumuhay. 31 Sapagkat itinakda na niya ang araw ng paghuhukom sa sanlibutan, at ito'y buong katarungan niyang gagawin sa pamamagitan ng isang tao na kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang muli niyang binuhay ang taong iyon.”

Mga Awit 66:8-20

Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,
    inyong iparinig papuring malugod.

Iningatan niya tayong pawang buháy,
    di tayo bumagsak, di niya binayaan!

10 O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang,
    sinubok mo kami upang dumalisay;
    at tulad ng pilak, kami'y idinarang.
11 Iyong binayaang mahulog sa bitag,
    at pinagdala mo kami nang mabigat.
12 Sa mga kaaway ipinaubaya,
    sinubok mo kami sa apoy at baha,
    bago mo dinala sa dakong payapa.

13 Ako'y maghahandog sa banal mong templo
    ng aking pangako na handog sa iyo.
14 Pati pangako ko, nang may suliranin,
    ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin.
15 Natatanging handog ang iaalay ko;
susunuging tupa, kambing, saka toro,
    mababangong samyo, halimuyak nito. (Selah)[a]

16 Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos,
    at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan.
17 Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri,
    kanyang karangalan, aking sinasabi.
18 Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy,
    di sana ako dininig ng ating Panginoon.
19 Ngunit tunay akong dininig ng Diyos,
    sa aking dalangin, ako ay sinagot.

20 Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
    pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
    at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.

1 Pedro 3:13-22

13 At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung masigasig kayo sa paggawa ng mabuti? 14 At(A)(B) sakali mang usigin kayo dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, pinagpala kayo! Huwag kayong matakot sa kanila at huwag kayong mabagabag. 15 Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag sa inyo tungkol sa pag-asang nasa inyo. 16 Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at may paggalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali bilang mga lingkod ni Cristo. 17 Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay[a] nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo[b] sa Diyos. Siya'y pinatay sa laman, at muling binuhay sa espiritu. 19 Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. 20 Sila(C) ang mga espiritung ayaw sumunod noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang daong. Doon ay iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa tubig. 21 Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Hindi nito nililinis ang dumi ng katawan; ito'y pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, 22 na umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan sa langit.

Juan 14:15-21

Ang Pangako tungkol sa Espiritu Santo

15 “Kung(A) iniibig ninyo ako, tutuparin[a] ninyo ang aking mga utos. 16 Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. 17 Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili[b] sa inyo.

18 “Hindi ko kayo iiwang mga ulila; babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutang ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat buháy ako, mabubuhay rin kayo. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo.

21 “Ang(B) tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.