Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
kaya daigdig ay nayayanig.
2 Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
3 Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
si Yahweh ay banal!
4 Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
5 Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
Si Yahweh ay banal!
6 Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
7 Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.
8 O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
9 Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!
41 Kinabukasan, sinumbatan ng buong bayan sina Moises at Aaron. Sabi nila, “Pinatay ninyo ang bayan ni Yahweh.” 42 At nang sila'y nagkakaisa nang lahat laban kina Moises at Aaron, lumingon sila sa Toldang Tipanan at nakita nilang natatakpan ito ng ulap at nagniningning doon ang kaluwalhatian ni Yahweh. 43 Pumunta sina Moises at Aaron sa harapan ng Toldang Tipanan. 44 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, 45 “Lumayo kayo sa mga taong ito at lilipulin ko sila ngayon din!”
Ngunit nagpatirapa sa lupa sina Moises at Aaron. 46 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Magsunog ka ng insenso sa lalagyan nito. Dalhin mo agad ito sa kapulungan at ihingi mo sila ng tawad kay Yahweh sapagkat kumakalat na ang salot dahil sa kanyang poot.” 47 Sinunod nga ni Aaron ang sinabi ni Moises at patakbo siyang nagtungo sa gitna ng kapulungan. Pagdating niya roon ay marami nang patay. Nagsunog siya agad ng insenso at inihingi ng tawad ang sambayanan. 48 At siya'y tumayo sa pagitan ng mga patay at buháy; at tumigil ang salot. 49 Ang namatay sa salot na iyon ay 14,700, bukod pa sa mga namatay na kasama sa paghihimagsik ni Korah. 50 Nang wala na ang salot, nagbalik si Aaron kay Moises sa may pintuan ng Toldang Tipanan.
Ang Mabuting Pangangasiwa sa mga Kaloob ng Diyos
7 Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin. 8 Higit(A) sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. 9 Buksan ninyo para sa isa't isa ang inyong mga tahanan at gawin ninyo ito nang hindi mabigat sa loob. 10 Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo. 11 Ang nangangaral ay dapat salita ng Diyos ang ipangaral. Ang naglilingkod ay dapat maglingkod gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.