Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26 Iba't(A) ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
samantalang ang Leviatang[a] nilikha mo'y kaagapay.
27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29 Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.
31 Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32 Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.
33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.
35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.
Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!
24 Lumakad na si Moises at ibinalita sa mga Israelita ang sinabi ni Yahweh. Isinama niya ang pitumpung pinuno ng Israel at pinatayo sa paligid ng Toldang Tipanan. 25 Bumabâ si Yahweh sa ulap at kinausap si Moises. Ang pitumpung matatandang pinuno ay binahaginan nga niya ng espiritu, tulad ng ibinigay niya kay Moises. Sila'y napuspos ng kapangyarihan at nagpropesiya ngunit hindi na nila ito muling nagawa.
26 May naiwang dalawang pinuno sa kampo, Eldad ang pangalan ng isa at Medad naman ang isa. Tinawag silang kasama ng pitumpu ngunit hindi sumama. Gayunman, binahaginan din sila ng espiritu ni Yahweh kaya sila'y nagpahayag din tulad ng mga propeta sa loob ng kampo. 27 Nakita pala sila ng isang binata at patakbo itong nagpunta kay Moises. Sinabi niya, “Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo.”
28 Dahil dito, sinabi ni Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Bakit di po ninyo sila sawayin?”
29 Ngunit sinabi ni Moises, “Nangangamba ka bang ako'y mababawasan ng karangalan? Gusto ko ngang maging propeta at mapuspos ng espiritu ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita.” 30 Si Moises at ang pitumpung pinuno ng Israel ay nagbalik na sa kampo.
Daloy ng Tubig na Nagbibigay-buhay
37 Sa(A) kahuli-hulihan at pinakatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at nagsalita nang malakas, “Kayong mga nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. 38 Ang(B) sumasampalataya sa akin, ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.’[a]” 39 Ang tinutukoy niya'y ang Espiritung tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Sapagkat hindi pa naipagkakaloob noon ang Espiritu dahil si Jesus ay hindi pa niluwalhati.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.