Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
walang nalilingid sa kanilang gawa.
16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
di makakapagligtas, lakas nilang taglay.
18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.
22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!
Ang mga Israelita sa Bundok ng Sinai
19 Ang mga Israelita'y nakarating sa ilang ng Sinai noong unang araw ng ikatlong buwan buhat nang umalis sila sa Egipto. 2 Mula sa Refidim, nagpatuloy sila sa ilang ng Sinai at nagkampo sa tapat ng bundok. 3 Si Moises naman ay umakyat sa bundok upang makipag-usap sa Diyos.
Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Ito ang sabihin mo sa angkan ni Jacob, sa mga Israelita. 4 ‘Nakita ninyo ang ginawa ko sa mga Egipcio. Nakita rin ninyo kung paanong dinala ko kayo rito tulad ng isang agilang nagdala sa kanyang mga inakay. 5 Kung(A) (B) susundin ninyo ako at magiging tapat sa ating kasunduan, kayo ang magiging bayang hinirang. Ang buong daigdig ay akin ngunit kayo'y aking itatangi. 6 Kayo'y(C) gagawin kong isang kaharian ng mga pari at isang bansang banal.’ Iyan ang sabihin mo sa mga Israelita.” 7 Kaya tinipon ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi ang lahat ng iniutos sa kanya ni Yahweh. 8 Sila nama'y sabay-sabay na sumagot, “Susundin namin ang lahat ng iniutos ni Yahweh.” Si Moises ay nagbalik kay Yahweh at sinabi ang tugon ng mga tao.
9 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magsasalita ako sa iyo mula sa makapal na ulap upang marinig ng mga tao at nang sila'y maniwala sa iyo habang panahon.”
At sinabi ni Moises kay Yahweh ang pasya ng mga tao.
Ang Pagdating ng Espiritu Santo
2 Nagkakatipon(A) silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. 2 Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. 3 May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, 4 at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.
5 May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. 6 Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig. 7 Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat? 8 Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika? 9 Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia[a]. 10 Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. 11 May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.