Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 102:1-17

Panalangin ng Isang Nababagabag na Kabataan

Panalangin ng isang dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong kay Yahweh.

102 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
    lingapin mo ako sa aking pagdaing.
O huwag ka sanang magkubli sa akin,
    lalo sa panahong may dusa't bigatin.
Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin
    sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.

Nanghihina akong usok ang katulad,
    damdam ko sa init, apoy na maningas.
Katulad ko'y damong natuyo sa parang,
    pati sa pagkai'y di ako ganahan.
Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,
    yaring katawan ko'y buto na at balat.
Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,
    para akong kuwago sa dakong mapanglaw;
ang aking katulad sa hindi pagtulog,
    ibon sa bubungang palaging malungkot.
Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo;
    gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko.

Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,
    luha'y hinahalo sa aking inuman.
10 Dahil sa galit mo, aking Panginoon,
    dinaklot mo ako't iyong itinapon.
11 Ang buhay kong taglay ay parang anino;
    katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.

12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
    di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
    pagkat dumating na ang takdang panahon,
    sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
    bagama't nawasak at gumuhong lubos.

15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
    maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
    kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
    di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.

Mga Kawikaan 3:5-12

Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan,
    at huwag kang mananangan sa sariling karunungan.
Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin,
    upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Huwag(A) mong ipagyabang ang iyong nalalaman;
    igalang mo't sundin si Yahweh, at lumayo ka sa kasamaan.
Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag,
    mawawala ang pighati, gagaling ang iyong sugat.

Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan,
    at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan.
10 Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw,
    sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.

11 Aking(B) (C) anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin,
    at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil,
12 pagkat(D) lahat ng mahal niya'y itinatama ng daan,
    tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang.

Mga Gawa 7:44-56

44 “Kasama(A) ng ating mga ninuno sa ilang ang Toldang Tipanan na ipinagawa ng Diyos kay Moises ayon sa anyong ipinakita sa kanya. 45 Minana(B) ito ng kanilang mga anak at dinala-dala habang sinasakop nila ang lupain ng mga bansang ipinalupig sa kanila ng Diyos sa pangunguna ni Josue. Ito'y nanatili roon hanggang sa kapanahunan ni David. 46 Kinalugdan(C) ng Diyos si David, at humingi ito ng pahintulot na magtayo ng tahanan para sa Diyos[a] ng Israel. 47 Ngunit(D) si Solomon na ang nagtayo ng tahanang iyon.

48 “Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na ginawa ng tao. Sabi nga ng propeta,

49 ‘Ang(E) langit ang aking trono,’ sabi ng Panginoon,
    ‘at ang lupa ang aking tuntungan.
Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin,
    o anong lugar ang pagpapahingahan ko?
50 Hindi ba't ako ang gumawa ng lahat ng ito?’

51 “Napakatigas(F) ng ulo ninyo! Ang mga puso at tainga ninyo ay parang sa mga pagano! Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, iyon din ang ginagawa ninyo ngayon. Lagi ninyong nilalabanan ang Espiritu Santo. 52 Sinong propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpahayag tungkol sa pagparito ng Matuwid na Lingkod na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. 53 Tumanggap kayo ng kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi naman ninyo ito sinunod.”

Ang Pagbato kay Esteban

54 Nagngitngit sa matinding galit kay Esteban ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio nang marinig ang mga ito. 55 Ngunit si Esteban, na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingala sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Kaya't sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan, at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.