Old/New Testament
Ang Paskuwa ng Panginoon
12 Ang(A) Panginoon ay nagsalita kina Moises at Aaron sa lupain ng Ehipto, na sinasabi,
2 “Ang buwang ito'y magiging pasimula ng inyong mga buwan; ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo.
3 Sabihin ninyo sa buong kapulungan ng Israel: sa ikasampung araw ng buwang ito ay kukuha ang bawat lalaki sa kanila ng isang kordero,[a] ayon sa mga sambahayan ng kani-kanilang mga ninuno, isang kordero sa bawat sambahayan.
4 Kung ang sambahayan ay napakaliit para sa isang kordero, siya at ang kanyang malapit na kapitbahay ay magsasalu-salo sa isa ayon sa bilang ng mga tao; gagawin ninyo ang pagbilang sa kordero ayon sa makakain ng bawat tao.
5 Ang inyong kordero ay walang kapintasan, isang lalaki na isang taong gulang; inyong kukunin ito sa mga tupa o sa mga kambing.
6 Iyon ay inyong iingatan hanggang sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, at papatayin ng buong kapulungan ng kapisanan ng Israel ang kanilang mga kordero sa paglubog ng araw.
7 Pagkatapos, kukuha sila ng dugo, at ilalagay sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, sa mga bahay na kanilang kakainan.
8 Kanilang kakainin sa gabing iyon ang kordero; kanilang kakainin ito na inihaw sa apoy, kasama ang tinapay na walang pampaalsa at mapapait na gulay.
9 Huwag ninyo itong kakaining hilaw, o pinakuluan man sa tubig, kundi inihaw sa apoy, pati ang ulo, ang paa at mga lamang loob nito.
10 Huwag kayong magtitira ng anuman nito hanggang sa kinaumagahan; ang matitira hanggang sa kinaumagahan ay inyong susunugin sa apoy.
11 Sa ganitong paraan ninyo kakainin ito: may bigkis ang inyong baywang, ang mga sandalyas ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay nasa inyong kamay; at dali-dali ninyong kakainin ito. Ito ang paskuwa ng Panginoon.
12 Sapagkat ako'y dadaan sa lupain ng Ehipto sa gabing iyon at aking pupuksain ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, maging tao man at hayop; at ilalapat ko ang hatol laban sa lahat ng mga diyos ng Ehipto: Ako ang Panginoon.
13 Ang dugo ay magiging sa inyo'y isang tanda sa mga bahay na inyong kinaroroonan; kapag aking nakita ang dugo, lalampasan ko kayo at walang salot na papatay sa inyo, kapag pinuksa ko ang lupain ng Ehipto.
14 “Ang(B) araw na ito'y magiging sa inyo'y isang alaala, at inyong ipagdiriwang bilang pista sa Panginoon; sa buong panahon ng inyong mga salinlahi ay inyong ipagdiriwang bilang isang tuntunin magpakailanman.
Ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa
15 Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw ay inyong aalisin sa inyong mga bahay ang pampaalsa, sapagkat sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, mula sa unang araw hanggang sa ikapitong araw ay ititiwalag sa Israel.
16 Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon at sa ikapitong araw ay magkakaroon din kayo ng isang banal na pagtitipon. Walang anumang gawa na gagawin sa mga araw na iyon; ang nararapat lamang kainin ng bawat tao ang maaaring ihanda ninyo.
17 Inyong ipapangilin ang pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, sapagkat sa araw na ito ay kinuha ko ang inyong mga hukbo mula sa lupain ng Ehipto. Inyong ipapangilin ang araw na ito sa buong panahon ng inyong mga salinlahi bilang isang tuntunin magpakailanman.
18 Sa paglubog ng araw sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, hanggang sa ikadalawampu't isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw.
19 Pitong araw na walang matatagpuang pampaalsa sa inyong mga bahay; sinumang kumain ng may pampaalsa ay ititiwalag sa kapulungan ng Israel, siya man ay banyaga o ipinanganak sa lupain.
20 Huwag kayong kakain ng anumang bagay na may pampaalsa; sa lahat ng inyong mga tirahan ay kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa.”
21 Nang magkagayo'y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matatanda sa Israel, at sinabi sa kanila, “Kayo'y lumabas at kumuha ng mga kordero ayon sa inyu-inyong sambahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskuwa.
22 Kayo'y kumuha ng isang bigkis na isopo, inyong ilubog sa dugo na nasa palanggana, at inyong pahiran ng dugo ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto ng dugong nasa palanggana; sinuman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kanyang bahay hanggang sa kinaumagahan.
23 Sapagkat(C) ang Panginoon ay daraan upang patayin ang mga Ehipcio; pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, lalampasan ng Panginoon ang pintong iyon at hindi niya hahayaang pumasok ang mamumuksa sa inyong mga bahay upang patayin kayo.
24 Inyong iingatan ang bagay na ito bilang tuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman.
25 Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kanyang ipinangako, inyong tutuparin ang paglilingkod na ito.
26 Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak, ‘Anong ibig ninyong sabihin sa pagdiriwang na ito?’
27 Inyong sasabihin, ‘Ito ang paghahandog ng paskuwa ng Panginoon, sapagkat kanyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto, nang kanyang patayin ang mga Ehipcio at iniligtas ang ating mga bahay.’” At ang taong-bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.
28 Ang mga anak ni Israel ay humayo at gayon ang ginawa; kung ano ang iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, ay gayon ang ginawa nila.
Nilipol ang Lahat ng mga Panganay sa Ehipto
29 Pagsapit(D) ng hatinggabi, pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng bihag na nasa bilangguan, at lahat ng panganay sa mga hayop.
30 Ang Faraon ay bumangon nang gabi, pati ang lahat ng kanyang mga lingkod at lahat ng mga Ehipcio; at nagkaroon ng isang malakas na panaghoy sa Ehipto sapagkat walang bahay na walang namatay.
31 Kanyang ipinatawag sina Moises at Aaron nang gabi at sinabi, “Maghanda kayo, umalis kayo sa gitna ng aking bayan, kayo at ang mga anak ni Israel! Umalis na kayo at sambahin ninyo ang Panginoon, gaya ng inyong sinabi.
32 Dalhin ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka, gaya ng inyong sinabi, at kayo'y umalis na; at idalangin ninyo na ako ay pagpalain!”
33 Pinapagmadali ng mga Ehipcio ang taong-bayan, at madaliang pinaalis sila sa lupain, sapagkat kanilang sinabi, “Kaming lahat ay mamamatay.”
34 Kaya't dinala ng taong-bayan ang kanilang minasang harina bago ito nilagyan ng pampaalsa, na nakabalot pa ang kanilang mga pang-masa sa kani-kanilang damit at ipinasan sa kanilang mga balikat.
35 Ginawa(E) ng mga anak ni Israel ang ayon sa sinabi sa kanila ni Moises; sila'y humingi sa mga Ehipcio ng mga alahas na pilak, mga alahas na ginto, at mga damit.
36 Binigyan ng Panginoon ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio, kaya't ibinigay sa kanila ang anumang hingin nila. Kaya't kanilang sinamsaman ang mga Ehipcio.
Ang Pag-alis sa Ehipto
37 Ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Sucot, na may animnaraang libong lalaki na naglakad, bukod pa sa mga babae at mga bata.
38 Iba't ibang lahi, mga kawan, mga baka, at napakaraming hayop ang umahon ding kasama nila.
39 Kanilang niluto ang mga tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na kanilang dinala mula sa Ehipto. Ito ay hindi nilagyan ng pampaalsa, sapagkat sila'y itinaboy sa Ehipto at hindi na makapaghintay pa o makapaghanda man ng anumang pagkain para sa kanilang sarili.
40 Ang(F) panahon na nanirahan ang mga anak ni Israel sa Ehipto ay apatnaraan at tatlumpung taon.
41 Sa katapusan ng apatnaraan at tatlumpung taon, nang araw ding iyon, ang lahat ng mga hukbo ng Panginoon ay umalis sa lupain ng Ehipto.
42 Ito ay isang gabi ng pagbabantay ng Panginoon upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto; kaya't ang gabing iyon ay gabi ng Panginoon na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.
43 Sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, “Ito ang tuntunin ng paskuwa: walang sinumang banyaga na kakain niyon.
44 Subalit ang bawat alipin na binili ng salapi ay maaaring makakain niyon kapag tuli na siya.
45 Ang dayuhan at ang alilang upahan ay hindi maaaring kumain niyon.
46 Sa(G) loob ng isang bahay kakainin iyon; huwag kang magdadala ng laman sa labas ng bahay, ni huwag ninyong babaliin kahit isang buto niyon.
47 Ipapangilin iyon ng buong kapulungan ng Israel.
48 Kapag ang isang dayuhan ay maninirahang kasama mo, at mangingilin ng paskuwa ng Panginoon, tutuliin lahat ang kanyang mga kalalakihan at saka lamang siya makakalapit at makakapangilin. Siya'y magiging tulad sa ipinanganak sa lupain ninyo. Subalit sinumang hindi tuli ay hindi makakakain niyon.
49 May iisa lamang kautusan para sa ipinanganak sa lupain, at para sa dayuhang naninirahang kasama ninyo.”
50 Gayon ang ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel; kung ano ang iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, gayon ang ginawa nila.
51 Nang araw ding iyon, kinuha ng Panginoon ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto, ayon sa kanilang mga hukbo.
13 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,
2 “Italaga(H) mo sa akin ang lahat ng mga panganay, anumang nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel, maging sa tao at maging sa hayop ay akin.”
Ang Tuntunin ng Paskuwa ng Tinapay na Walang Pampaalsa
3 Sinabi ni Moises sa bayan, “Alalahanin ninyo ang araw na ito na lumabas kayo sa Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin; sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas kayo ng Panginoon mula sa dakong ito, walang kakain ng tinapay na may pampaalsa.
4 Sa araw na ito, na buwan ng Abib, ay lalabas kayo.
5 Kapag dinala ka na ng Panginoon sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Heveo, at Jebuseo, na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno na ibibigay sa iyo, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, iyong iingatan ang pangingilin na ito.
6 Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magkakaroon ng isang kapistahan sa Panginoon.
7 Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin sa loob ng pitong araw; at dapat walang makitang tinapay na may pampaalsa sa iyo ni makakita ng pampaalsa sa iyo, sa lahat ng iyong nasasakupan.
8 Sasabihin mo sa iyong anak sa araw na iyon, ‘Dahil sa ginawa ng Panginoon sa akin nang ako'y umalis sa Ehipto.’
9 Iyon ay magsisilbing isang tanda para sa iyo sa ibabaw ng iyong kamay, at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, upang ang kautusan ng Panginoon ay sumaiyong bibig sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay inilabas ka ng Panginoon sa Ehipto.
10 Kaya't ingatan mo ang tuntuning ito sa takdang panahon nito taun-taon.
Ang Pagtatalaga ng Panganay
11 “Kapag dinala ka na ng Panginoon sa lupain ng Cananeo, gaya ng ipinangako sa iyo at sa iyong mga ninuno, at pagkabigay niyon sa iyo,
12 ibubukod(I) mo para sa Panginoon ang lahat ng nagbubukas ng bahay-bata. Lahat ng panganay na lalaki ng iyong mga hayop ay sa Panginoon.
13 Bawat panganay ng asno ay tutubusin mo ng isang kordero;[b] at kung hindi mo tutubusin ito, iyong babaliin ang leeg nito. Lahat ng mga panganay na lalaki sa iyong mga anak ay iyong tutubusin.
14 At kapag nagtanong sa iyo ang iyong anak sa panahong darating, na sasabihin, ‘Ano ito?’ iyong sasabihin sa kanya, ‘Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.
15 Nang magmatigas ang Faraon na hindi kami payagang umalis ay pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, ang panganay ng tao at gayundin ang panganay ng hayop. Kaya't aking inihahandog sa Panginoon ang lahat ng mga lalaki na nagbubukas ng bahay-bata; ngunit lahat ng panganay ng aking anak ay aking tinutubos.’
16 Ito ay magiging tanda sa iyong kamay at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Ehipto.”
17 Nang payagan ng Faraon na umalis ang bayan, hindi sila dinala ng Diyos sa daang patungo sa lupain ng mga Filisteo, bagaman malapit iyon sapagkat sinabi ng Diyos, “Baka ang bayan ay magsisi kapag nakakita ng digmaan at magbalikan sa Ehipto.”
18 Kundi pinatnubayan ng Diyos ang taong-bayan paikot sa daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Pula.[c] Ang mga anak ni Israel ay umahon mula sa lupain ng Ehipto na handa sa pakikipaglaban.
19 Dinala(J) ni Moises ang mga buto ni Jose sapagkat mahigpit niyang pinapanumpa ang mga anak ni Israel, na sinasabi, “Tiyak na bibigyang-pansin kayo ng Diyos, at inyong dadalhin ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo.”
20 Sila'y naglakbay mula sa Sucot at humimpil sa Etam, sa hangganan ng ilang.
21 Ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang tanglawan sila; upang sila'y makapaglakad sa araw at sa gabi.
22 Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi umalis sa unahan ng taong-bayan.
Hiningan ng Tanda si Jesus(A)
16 Dumating(B) ang mga Fariseo at ang mga Saduceo, at upang subukin siya, hiniling nila sa kanya na magpakita sa kanila ng isang tanda mula sa langit.
2 Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “[Sa dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon, sapagkat mapula ang langit.’
3 At sa umaga, ‘Magiging maunos ngayon, sapagkat mapula ang langit at nagbabanta.’ Marunong kayong kumilala ng anyo ng langit; ngunit hindi ninyo makilala ang mga tanda ng mga panahon.]
4 Ang(C) isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng tanda, ngunit hindi ito bibigyan ng tanda, maliban sa tanda ni Jonas.” Kanyang iniwan sila at siya ay umalis.
Ang Lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo(D)
5 Nang makarating ang mga alagad sa kabilang ibayo, nakalimutan nilang magdala ng tinapay.
6 Sinabi(E) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.”
7 Nag-usap sila sa isa't isa na nagsasabi, “Hindi kasi tayo nagdala ng tinapay.”
8 Ngunit alam ito ni Jesus kaya't sinabi niya, “O kayong maliliit ang pananampalataya, bakit kayo'y nagtatalo na wala kayong tinapay?
9 Hindi(F) pa ba ninyo nauunawaan o natatandaan ang limang tinapay para sa limang libo at kung ilang kaing ang inyong natipon?
10 O(G) iyong pitong tinapay para sa apat na libo at kung ilang kaing ang inyong natipon?
11 Paanong hindi ninyo naunawaan na ang sinabi ko ay hindi tungkol sa tinapay? Ngunit mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo!”
12 Kaya't naunawaan nila na ang sinabi ni Jesus[a] ay hindi sa pampaalsa ng tinapay mag-ingat kundi sa mga aral ng mga Fariseo at Saduceo.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(H)
13 Nang dumating si Jesus sa nasasakupan ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, na sinasabi, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?”
14 At(I) sinabi nila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias; at ang iba ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.”
15 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?”
16 Sumagot(J) si Simon Pedro at sinabi, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”
17 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Ama na nasa langit.
18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro,[b] at sa ibabaw ng batong[c] ito ay itatayo ko ang aking iglesya; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya.
19 Ibibigay(K) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.”
20 Pagkatapos ay mahigpit niyang ipinagbilin sa mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.
Ipinahayag ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(L)
21 Mula ng panahong iyon ay pinasimulan ni Jesus na ipaliwanag sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem at magtiis ng maraming bagay sa kamay ng matatanda, ng mga punong pari at mga eskriba. Siya'y papatayin at muling bubuhayin sa ikatlong araw.
22 At inilayo siya ni Pedro at sinimulang pigilan siya, na sinasabi, “Huwag nawang itulot ng Diyos, Panginoon! Hindi kailanman mangyayari ito sa iyo.”
23 Ngunit lumingon siya at sinabi kay Pedro, “Layuan mo ako, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin; sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay ng Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”
24 Pagkatapos(M) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
25 Sapagkat(N) ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[d] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.
26 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mawawala naman ang kanyang buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay?
27 Sapagkat(O) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa.
28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang makita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa kanyang kaharian.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001