Old/New Testament
Nagtagpo sina Jacob at Esau
33 Tumanaw si Jacob at nakita niyang si Esau ay dumarating na may kasamang apatnaraang katao. Kaya't kanyang pinaghiwalay ang mga bata kina Lea at Raquel, at sa dalawang aliping babae.
2 Inilagay niya ang mga alipin na kasama ng kanilang mga anak sa unahan, at si Lea na kasama ng kanyang mga anak bilang pangalawa, at sina Raquel at Jose na pinakahuli.
3 At siya naman ay lumampas sa unahan nila, at pitong ulit na yumuko sa lupa hanggang sa siya ay mapalapit sa kanyang kapatid.
4 At tumakbo si Esau upang salubungin siya, niyakap siya, niyapos siya sa leeg, hinagkan at sila ay nag-iyakan.
5 Nang itaas ni Esau ang kanyang paningin, at nakita ang mga babae at ang mga bata, ay kanyang sinabi, “Sino itong mga kasama mo?” At kanyang sinabi, “Ang mga anak na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod.”
6 Nang magkagayo'y lumapit ang mga aliping babae at ang kanilang mga anak, at nagsiyuko.
7 Lumapit din si Lea at ang kanyang mga anak, at nagsiyuko, pagkatapos ay nagsilapit sina Jose at Raquel, at nagsiyuko.
8 Sinabi ni Esau,[a] “Ano ang kahulugan ng lahat na ito na nasalubong ko?” At sumagot si Jacob,[b] “Upang makakita ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.”
9 Subalit sinabi ni Esau, “Sapat na ang nasa akin, kapatid ko. Ang nasa iyo ay sa iyo na.”
10 Sinabi sa kanya ni Jacob, “Hindi, nakikiusap ako sa iyo, na kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, ay tanggapin mo nga ang aking kaloob mula sa aking kamay; sapagkat nakita ko ang iyong mukha, na gaya ng nakakita ng mukha ng Diyos, at ikaw ay nalugod sa akin.
11 Nakikiusap ako sa iyo, tanggapin mo ang kaloob na dala ko sa iyo sapagkat lubos na ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos, at mayroon ako ng lahat na kailangan ko.” Kaya't hinimok ni Jacob si Esau at kanyang tinanggap.
12 Sinabi niya, “Tayo'y humayo at maglakbay at ako'y sasama sa iyo.”
13 Subalit sinabi ni Jacob sa kanya, “Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay mahihina pa at mayroon sa mga kawan at mga baka na nagpapasuso; kapag sila'y pinagmadali nila sa isang araw lamang ay mamamatay ang lahat ng kawan.
14 Magpauna na ang aking panginoon sa kanyang lingkod at ako'y magpapatuloy na dahan-dahan, ayon sa hakbang ng mga hayop na nasa aking unahan, at sa hakbang ng mga bata, hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir.”
15 Kaya't sinabi ni Esau, “Pahintulutan mong iwan ko sa iyo ang ilan sa mga taong kasama ko.” Kanyang sinabi, “Bakit kailangan pa? Sapat na ang makakita ako ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.”
16 Kaya't nagbalik si Esau nang araw ding iyon sa kanyang lakad patungo sa Seir.
17 Si Jacob ay naglakbay sa Sucot, at nagtayo ng isang bahay para sa kanya, at iginawa niya ng mga balag ang kanyang hayop. Kaya't tinawag ang pangalan ng lugar na iyon na Sucot.
18 Payapang dumating si Jacob sa bayan ng Shekem, na nasa lupain ng Canaan, nang siya'y dumating mula sa Padan-aram; at siya'y tumigil sa tapat ng bayan.
19 Binili(A) niya sa halagang isandaang pirasong salapi ang bahaging iyon ng lupa na pinagtayuan ng kanyang tolda, sa kamay ng mga anak ni Hamor, na ama ni Shekem.
20 At siya'y nagtayo roon ng isang dambana at tinawag niya itong El-Elohe-Israel.[c]
Pinagsamantalahan si Dina
34 Si Dina na anak ni Lea, na ipinanganak nito kay Jacob, ay lumabas upang tingnan ang mga babae ng lupaing iyon.
2 Nang makita siya ni Shekem, anak ni Hamor na Heveo na siyang pinuno sa lupain, kanyang kinuha siya at sapilitang sinipingan.
3 Siya[d] ay napalapit kay Dina, na anak ni Jacob at kanyang inibig ang dalaga, at nangusap sa kanya na may pagmamahal.
4 Kaya't si Shekem ay nagsalita sa kanyang amang si Hamor, na sinasabi, “Kunin mo para sa akin ang dalagang ito upang maging asawa ko.”
5 Nabalitaan nga ni Jacob na pinagsamantalahan ni Shekem[e] ang kanyang anak na si Dina; subalit ang kanyang mga anak na lalaki ay kasama ng mga hayop niya sa parang kaya't nanatiling tahimik si Jacob hanggang sa sila'y nakarating.
6 Lumabas si Hamor na ama ni Shekem upang makipag-usap kay Jacob,
7 nang ang mga anak na lalaki ni Jacob ay magsiuwi mula sa parang. Nang ito'y kanilang mabalitaan, galit na galit ang mga lalaki, sapagkat gumawa si Shekem ng kalapastanganan sa Israel sa pamamagitan ng pagsiping sa anak ni Jacob, sapagkat ang gayong bagay ay di-nararapat gawin.
8 Subalit nagsalita si Hamor sa kanila, na sinasabi, “Ang puso ng aking anak na si Shekem ay nasasabik sa iyong anak. Hinihiling ko sa inyo na ipagkaloob ninyo siya sa kanya upang maging asawa niya.
9 Magsipag-asawa kayo sa amin; ibigay ninyo sa amin ang inyong mga anak na babae, at ibibigay namin sa inyo ang aming mga anak na babae.
10 Kayo'y maninirahang kasama namin, at ang lupain ay magiging bukas sa inyo. Mangalakal kayo at magkaroon kayo ng mga pag-aari dito.”
11 Sinabi rin ni Shekem sa ama ni Dina at sa kanyang mga kapatid, “Makatagpo sana ako ng biyaya sa inyong paningin at ang hingin ninyo sa akin ay aking ibibigay.
12 Humingi kayo sa akin ng kahit anong bigay-kaya at regalo na nais ninyo at aking ibibigay ayon sa sinabi ninyo sa akin; subalit ibigay ninyo sa akin ang dalaga upang maging asawa ko.”
13 At nagsisagot na may pandaraya ang mga anak na lalaki ni Jacob kina Shekem at Hamor na kanyang ama, sapagkat kanyang pinagsamantalahan si Dina na kanilang kapatid.
14 Sinabi nila sa kanila, “Hindi namin magagawang ibigay ang aming kapatid sa isang hindi tuli; sapagkat ito'y kahihiyan namin.
15 Sa ganitong paraan lamang kami papayag: kung kayo'y magiging gaya namin, na ang lahat ng lalaki sa inyo ay tuliin.
16 Pagkatapos ay ibibigay namin sa inyo ang aming mga anak na babae, at makikisama kami sa inyong mga anak na babae, at maninirahan kami sa inyo, at magiging isang bayan.
17 Subalit kung ayaw ninyo kaming pakinggan na kayo'y matuli, ay kukunin namin ang aming anak na babae at kami ay aalis.”
18 Nasiyahan sa kanilang mga salita si Hamor at ang kanyang anak na si Shekem.
19 Hindi nag-atubili ang binata na gawin iyon, sapagkat nalugod siya sa anak na babae ni Jacob. Si Shekem[f] ay ang pinakamarangal sa buong sambahayan ng kanyang ama.
20 Kaya't si Hamor at ang anak niyang si Shekem ay pumunta sa pintuang-bayan ng kanilang lunsod, at sila'y nagsalita sa mga tao sa kanilang lunsod, na sinasabi,
21 “Ang mga taong ito ay mabuting makitungo sa atin; kaya't hayaan natin silang manirahan sa lupain at magsipangalakal sila riyan, sapagkat ang lupain ay sapat ang laki para sa kanila. Ipakasal natin ang ating mga anak sa kanilang mga anak na babae, at ating ibigay sa kanila ang ating mga anak na babae.
22 Sa ganito lamang paraan sila papayag na tumirang kasama natin, upang maging isang bayan: na patuli ang lahat ng lalaki sa atin, na gaya naman nila na mga tuli.
23 Di ba magiging atin ang kanilang mga baka at ang kanilang mga pag-aari at ang lahat nilang hayop? Sumang-ayon lamang tayo sa kanila at sila ay mabubuhay na kasama natin.”
24 At pinakinggan si Hamor at si Shekem na kanyang anak ng lahat na lumabas sa pintuan ng kanyang lunsod. Kaya't ang lahat ng lalaki na lumabas sa pintuan ng kanyang lunsod ay tinuli.
25 Sa ikatlong araw, nang mahapdi pa ang mga sugat ng mga tinuli, ang dalawa sa mga anak ni Jacob, sina Simeon at Levi, na mga kapatid ni Dina, ay kumuha ng kanilang tabak, palihim na pumasok sa bayan, at kanilang pinatay ang lahat ng mga lalaki.
26 Kanilang pinatay si Hamor at si Shekem na kanyang anak sa pamamagitan ng tabak, at kanilang kinuha si Dina sa bahay ni Shekem, at nagsialis.
Nilooban ang Shekem
27 Nagtungo ang mga anak na lalaki ni Jacob sa mga pinatay, at kanilang sinamsaman ang bayan, sapagkat pinagsamantalahan ang kanilang kapatid.
28 Kinuha nila ang kanilang mga kawan, mga bakahan, mga asno, at anumang nasa bayan, at nasa parang.
29 Sinamsam nila ang kanilang buong kayamanan, ang lahat ng kanilang mga anak at mga asawa at lahat na nasa bahay.
30 Sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, “Ako'y inyong binagabag, na gawin akong kasuklamsuklam sa mga nakatira sa lupain, sa mga Cananeo at mga Perezeo. Iilan lamang ang aking tauhan at sila ay magtitipon laban sa akin, at ako'y kanilang sasalakayin, at ang aking sambahayan ay pupuksain.”
31 Subalit sinabi nila, “Ang amin bang kapatid ay ituturing na parang isang masamang babae?”
Binasbasan ng Diyos si Jacob sa Bethel
35 Sinabi(B) ng Diyos kay Jacob, “Tumayo ka, umahon ka sa Bethel, at doon ka manirahan. Gumawa ka roon ng isang dambana para sa Diyos na nagpakita sa iyo nang ikaw ay tumatakas mula sa iyong kapatid na si Esau.”
2 Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan, at sa lahat niyang kasama, “Alisin ninyo ang mga banyagang diyos na nasa inyo, at maglinis kayo ng inyong sarili, at palitan ninyo ang inyong mga suot.
3 Tayo'y umahon sa Bethel; at gagawa ako roon ng dambana para sa Diyos na sumagot sa akin sa araw ng aking kabalisahan at naging kasama ko saanman ako nagtungo.”
4 Kaya ibinigay nila kay Jacob ang lahat ng mga banyagang diyos na nasa kanilang kamay at ang mga hikaw na nasa kanilang mga tainga; at itinago iyon ni Jacob sa ilalim ng punong ensina na malapit sa Shekem.
5 Habang sila'y naglalakbay, ang matinding takot sa Diyos ay dumating sa mga bayang nasa palibot nila, at hindi nila hinabol ang mga anak ni Jacob.
6 Dumating si Jacob sa Luz (na siyang Bethel), na nasa lupain ng Canaan, siya at ang lahat ng mga taong kasama niya.
7 Nagtayo siya roon ng isang dambana at tinawag niya ang lugar na iyon na El-bethel; sapagkat ang Diyos ay nagpakita sa kanya roon, nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid.
8 Namatay si Debora na yaya ni Rebecca, at inilibing sa paanan ng Bethel, sa ilalim ng ensina, at ang pangalan nito ay tinawag niyang Allon-bacuth.[g]
9 Muling nagpakita ang Diyos kay Jacob nang siya'y manggaling sa Padan-aram, at siya'y pinagpala.
10 Sinabi(C) ng Diyos sa kanya, “Ang pangalan mo'y Jacob; hindi ka na tatawagin pang Jacob kundi Israel ang magiging pangalan mo.” Kaya siya ay tinawag na Israel.
11 At(D) sinabi ng Diyos sa kanya, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan[h] sa lahat. Ikaw ay lumago at magpakarami; isang bansa at maraming mga bansa ang magmumula sa iyo, at mga hari ay magmumula sa iyo.
12 Ang lupaing ibinigay ko kina Abraham at Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi pagkamatay mo.”
13 At ang Diyos ay pumailanglang mula sa tabi niya kung saan siya ay nakipag-usap sa kanya.
14 Nagtayo(E) si Jacob ng isang haliging batong bantayog kung saan ay nakipag-usap ang Diyos sa kanya. Binuhusan niya ito ng inuming handog at ng langis.
15 Kaya't tinawag ni Jacob na Bethel ang lugar kung saan nakipag-usap sa kanya ang Diyos.
Ang Kamatayan ni Raquel
16 Sila'y naglakbay mula sa Bethel. Nang sila ay may kalayuan pa mula sa Efrata, ay manganganak na si Raquel at siya'y naghihirap sa panganganak.
17 Nang siya'y naghihirap sa panganganak, sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, sapagkat magkakaroon ka ng isa pang anak na lalaki.”
18 Habang siya'y naghihingalo (sapagkat namatay siya), kanyang pinangalanan siyang Benoni;[i] subalit tinawag siyang Benjamin[j] ng kanyang ama.
19 Kaya't namatay si Raquel at inilibing sa daang patungo sa Efrata, na siyang Bethlehem.
20 Nagtayo si Jacob ng isang haligi sa ibabaw ng kanyang libingan na siyang haligi ng libingan ni Raquel hanggang ngayon.
21 Naglakbay pa si Israel at itinayo ang kanyang tolda sa dako pa roon ng tore ng Eder.
Ang mga Anak ni Jacob(F)
22 Samantalang(G) naninirahan si Israel sa lupaing iyon, si Ruben ay humayo at sumiping kay Bilha na asawang-lingkod ng kanyang ama at ito'y nabalitaan ni Israel. Labindalawa nga ang anak na lalaki ni Jacob.
23 Ang mga anak ni Lea: si Ruben na panganay ni Jacob, at sina Simeon, Levi, Juda, Isacar, at si Zebulon.
24 Ang mga anak ni Raquel: sina Jose at si Benjamin;
25 at ang mga anak ni Bilha, na alila ni Raquel: sina Dan at Neftali;
26 at ang mga anak ni Zilpa na alilang babae ni Lea: sina Gad at Aser. Ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa kanya sa Padan-aram.
Ang Kamatayan ni Isaac
27 At(H) pumunta si Jacob kay Isaac na kanyang ama sa Mamre, sa Kiryat-arba (na siyang Hebron), kung saan tumira sina Abraham at Isaac.
28 Ang mga naging araw ni Isaac ay isandaan at walumpung taon.
29 Nalagot ang hininga ni Isaac at namatay; at siya'y naging kasama ng kanyang bayan, matanda na at puspos ng mga araw. Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Esau at Jacob.
Ang Labindalawang Apostol(A)
10 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus[a] ang kanyang labindalawang alagad, at kanyang binigyan sila ng kapangyarihan sa masasamang espiritu, upang kanilang mapalayas sila at pagalingin nila ang bawat sakit at karamdaman.
2 Ang mga pangalan ng labindalawang apostol ay ito: ang una ay si Simon na tinatawag na Pedro, si Andres na kanyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kanyang kapatid;
3 si Felipe at si Bartolome; si Tomas at si Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo;
4 si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, na nagkanulo sa kanya.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(B)
5 Ang labindalawang ito ay isinugo ni Jesus, at inutusan na sinasabi, “Huwag kayong pupunta sa pook ng mga Hentil, at huwag kayong papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano;
6 kundi puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa bahay ni Israel.
7 At(C) habang kayo ay humahayo, ipangaral ninyo at sabihing, ‘Malapit na ang kaharian ng langit.’
8 Pagalingin ninyo ang mga maysakit, buhayin ninyo ang mga patay, linisin ninyo ang mga ketongin, palayasin ninyo ang mga demonyo. Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad.
9 Huwag kayong magdala ng ginto, o pilak, o tanso sa inyong mga lalagyan ng pera;
10 o(D) supot sa inyong paglalakbay, o dalawang baro o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang pagkain.
11 Sa alinmang bayan o nayon kayo makapasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat; at makitira kayo sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.
12 Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ito.
13 At kung karapat-dapat ang sambahayan, hayaang mapunta roon ang inyong kapayapaan, ngunit kung hindi karapat-dapat, hayaang mabalik sa inyo ang inyong kapayapaan.
14 Sinumang(E) hindi tumanggap sa inyo, o duminig sa inyong mga salita, pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon, ay ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa.[b]
15 Katotohanang(F) sinasabi ko sa inyo, higit pang mapapagtiisan sa araw ng paghuhukom ang mga lupain ng Sodoma at Gomorra, kaysa bayang iyon.
Mga Pag-uusig na Darating(G)
16 “Ngayon,(H) sinusugo ko kayong tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat, kaya't maging matalino kayong gaya ng mga ahas at maamong gaya ng mga kalapati.
17 Mag-ingat(I) kayo sa mga tao, sapagkat ibibigay nila kayo sa mga hukuman at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga,
18 at kakaladkarin nila kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil.
19 Ngunit kapag kayo ay naibigay na nila, huwag kayong mangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin;
20 sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001