Old/New Testament
Tumakas si Jacob kay Laban
31 Narinig ni Jacob ang mga salita ng mga anak ni Laban, na nagsasabi, “Kinuha ni Jacob ang lahat ng sa ating ama. Mula sa ating ama ay tinamo niya ang lahat ng kanyang kayamanan.”
2 Nakita ni Jacob na ang pagturing sa kanya ni Laban ay hindi na kagaya nang dati.
3 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Jacob, “Bumalik ka sa lupain ng iyong mga ninuno at sa iyong kamag-anak, at ako'y kasama mo.”
4 Kaya't si Jacob ay nagsugo at tinawag sina Raquel at Lea sa bukid na kinaroroonan ng kanyang kawan,
5 at sinabi sa kanila, “Nakikita ko na ang pagturing sa akin ng inyong ama ay hindi na gaya nang dati; subalit ang Diyos ng aking ama ay kasama ko.
6 Nalalaman ninyo na ang aking buong lakas ay ipinaglingkod ko sa inyong ama.
7 Subalit dinaya ako ng inyong ama at binago ang aking sahod ng sampung ulit subalit hindi siya pinahintulutan ng Diyos na gawan ako ng masama.
8 Kapag sinabi niya ang ganito, ‘Ang mga may batik ang magiging sahod mo;’ kung magkagayo'y nanganganak ang lahat ng kawan ng mga may batik. At kapag sinabi niya ang ganito, ‘Ang mga may guhit ang magiging sahod mo;’ kung magkagayon, ang lahat ng kawan ay nanganganak ng mga may guhit.
9 Sa gayon inalis ng Diyos ang mga hayop ng inyong ama, at ibinigay sa akin.
10 Sa panahong ang kawan ay nagtatalik, ako ay nanaginip at nakita ko na ang mga kambing na lalaki na nakipagtalik[a] sa kawan ay may mga guhit, may batik at may dungis.
11 Ang anghel ng Diyos ay nagsalita sa akin sa panaginip, ‘Jacob,’ at sinabi ko, ‘Narito ako.’
12 At kanyang sinabi, ‘Tingnan mo at iyong makikita na ang lahat ng kambing na nakikipagtalik sa kawan ay may guhit, may batik at may dungis; sapagkat nakita ko ang lahat na ginagawa sa iyo ni Laban.
13 Ako(A) ang Diyos ng Bethel na doon mo pinahiran ng langis ang haligi at doon ka gumawa ng panata sa akin. Tumayo ka ngayon, lumabas ka sa lupaing ito, at bumalik ka sa lupain na iyong sinilangan.’”
14 Nagsisagot sina Raquel at Lea, at sinabi sa kanya, “Mayroon pa bang natitirang bahagi at mana para sa amin sa bahay ng aming ama?
15 Hindi ba niya kami itinuring na mga taga-ibang bayan? Sapagkat ipinagbili niya kami at inubos na rin niya ang aming salapi.
16 Lahat ng kayamanang inalis ng Diyos sa aming ama ay para sa amin at para sa aming mga anak. Ngayon nga, gawin mo ang lahat ng sinabi sa iyo ng Diyos.”
17 Nang magkagayo'y tumayo si Jacob, at pinasakay sa mga kamelyo ang kanyang mga anak at asawa.
18 At kanyang dinala ang lahat niyang mga hayop, at ang lahat na pag-aari na kanyang natipon, ang hayop na kanyang natipon sa Padan-aram, upang pumunta sa lupain ng Canaan, kay Isaac na kanyang ama.
19 Si Laban ay humayo upang gupitan ang kanyang mga tupa; at ninakaw naman ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan ng kanyang ama.
20 At dinaya ni Jacob si Laban na Arameo, sapagkat hindi sinabi sa kanya na siya'y tatakas.
21 Kaya't tumakas siya dala ang lahat niyang ari-arian. Siya ay tumawid sa Ilog Eufrates, at pumunta sa maburol na lupain ng Gilead.
Hinabol ni Laban si Jacob
22 Nang ikatlong araw ay nabalitaan ni Laban na tumakas na si Jacob.
23 Kaya't ipinagsama niya ang kanyang mga kamag-anak, at hinabol siya sa loob ng pitong araw hanggang sa kanyang inabutan siya sa bundok ng Gilead.
24 Subalit dumating ang Diyos kay Laban na Arameo sa panaginip sa gabi, at sinabi sa kanya, “Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.”
25 Inabutan ni Laban si Jacob. Naitirik na ni Jacob ang kanyang tolda sa bundok; at si Laban pati ng kanyang mga kamag-anak ay nagtirik din sa bundok ng Gilead.
26 Sinabi ni Laban kay Jacob, “Anong ginawa mo? Dinaya mo ako at dinala ang aking mga anak na babae na parang mga bihag ng tabak?
27 Bakit ka lihim na tumakas at dinaya mo ako at hindi ka nagsabi sa akin? Naihatid sana kita na may pagsasaya at awitan, may tambol at may alpa.
28 Hindi mo man lamang ipinahintulot sa akin na mahalikan ang aking mga anak na lalaki at babae? Ang ginawa mo'y isang kahangalan.
29 Nasa aking kapangyarihan ang gawan kayo ng masama. Ngunit ang Diyos ng inyong ama ay nagsalita sa akin kagabi, na sinasabi, ‘Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.’
30 Kahit kailangan mong umalis sapagkat nasasabik ka na sa bahay ng iyong ama, bakit mo ninakaw ang aking mga diyos?”
31 At sumagot si Jacob kay Laban, “Sapagkat ako'y natakot; iniisip ko na baka kunin mo nang sapilitan sa akin ang iyong mga anak.
32 Ngunit kanino mo man matagpuan ang iyong mga diyos ay hindi mabubuhay. Sa harapan ng ating mga kamag-anak, ituro mo kung anong iyo na nasa akin, at kunin mo iyon.” Hindi nalalaman ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw noon.
33 Kaya pumasok si Laban sa tolda nina Jacob, Lea, at ng dalawang alilang babae, subalit hindi niya natagpuan. Lumabas siya sa tolda ni Lea at pumasok sa tolda ni Raquel.
34 Nakuha nga ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan at inilagay ang mga ito sa mga dala-dalahan ng kamelyo at kanyang inupuan. Hinalughog ni Laban ang buong palibot ng tolda, ngunit hindi niya natagpuan.
35 At sinabi ni Raquel sa kanyang ama, “Huwag magalit ang aking panginoon na ako'y hindi makatayo sa harap mo; sapagkat dinatnan ako ngayon.” Kaya't kanyang hinanap, ngunit hindi natagpuan ang mga diyos ng sambahayan.
Ang Galit na Sagot ni Jacob
36 At si Jacob ay nagalit at nakipagtalo kay Laban. Sinabi ni Jacob kay Laban, “Ano ang aking paglabag at ang aking kasalanan, at habulin mo ako na may pag-iinit?
37 Kahit hinalughog mo ang lahat ng aking kasangkapan, anong natagpuan mong kasangkapan ng iyong bahay? Ilagay mo rito sa harapan ng aking mga kamag-anak at ng iyong mga kamag-anak at hayaan mong magpasiya sila sa ating dalawa.
38 Ako'y kasama mo sa loob ng dalawampung taon; ang iyong mga babaing tupa at ang iyong mga babaing kambing ay hindi nakunan, at hindi ako kumain ng mga tupang lalaki ng iyong kawan.
39 Ang nilapa ng mababangis na hayop ay hindi ko dinala sa iyo; ako mismo ang nagpasan ng pagkawala. Sa aking kamay mo hiningi iyon, maging ninakaw sa araw o sa gabi.
40 Naging ganoon ako; sa araw ay pinahihirapan[b] ako ng init, at sa gabi ay ng lamig; at ako ay nalipasan na ng antok.
41 Nitong dalawampung taon ay nakatira ako sa iyong bahay. Pinaglingkuran kita ng labing-apat na taon dahil sa iyong dalawang anak, at anim na taon dahil sa iyong kawan, at sampung ulit na binago mo ang aking sahod.
42 Kung ang Diyos ng aking ama, ang Diyos ni Abraham, at ang Kinatatakutan ni Isaac ay wala sa aking panig, tiyak na palalayasin mo ako ngayon na walang dala. Nakita ng Diyos ang aking kapighatian, ang aking pagpapagod, at sinaway ka niya kagabi.”
Ang Tipan nina Jacob at Laban
43 Sumagot si Laban kay Jacob, “Ang mga anak na babae ay aking mga anak at ang mga anak ay mga anak ko, at ang mga kawan ay aking mga kawan at ang lahat ng iyong nakikita ay akin. Subalit anong magagawa ko ngayon sa mga anak kong babae, o sa kanilang mga anak na ipinanganak nila?
44 Halika ngayon, gumawa tayo ng isang tipan, ako at ikaw; at hayaang iyon ay maging saksi sa akin at sa iyo.”
45 Kaya't kumuha si Jacob ng isang bato, at iyon ay itinayo bilang isang bantayog.
46 At sinabi ni Jacob sa kanyang mga kamag-anak, “Magtipon kayo ng mga bato,” at kumuha sila ng mga bato at kanilang ginawang isang bunton at sila'y nagkainan doon sa malapit sa bunton.
47 Tinawag ito ni Laban na Jegarsahadutha, subalit tinawag ito ni Jacob na Gilead.[c]
48 Sinabi ni Laban, “Ang buntong ito ay saksi sa akin at sa iyo ngayon.” Kaya't tinawag niya ito sa pangalang Gilead;
49 at ang bantayog ay Mizpa[d] sapagkat sinabi niya, “Bantayan ng Panginoon ako at ikaw, kapag tayo'y hindi magkasama sa isa't isa.
50 Kapag pinahirapan mo ang aking mga anak, o kung mag-asawa ka sa iba bukod sa aking mga anak, kahit wala tayong kasama, alalahanin mo, ang Diyos ay saksi sa akin at sa iyo.”
51 At sinabi ni Laban kay Jacob, “Tingnan mo ang buntong ito at ang haligi na aking inilagay sa gitna natin.
52 Ang buntong ito ay isang saksi, at ang haligi ay isang saksi na hindi ako lalampas sa buntong patungo sa inyo, at hindi ka lalampas sa buntong ito at sa haligi patungo sa akin upang saktan ako.
53 Nawa'y ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Nahor, ang Diyos ng kanilang ama ang humatol sa atin.” At si Jacob ay sumumpa ng ayon sa Kinatatakutan ng kanyang amang si Isaac.
54 At naghandog si Jacob ng handog sa bundok, at tinawag ang kanyang mga kamag-anak upang kumain ng tinapay; at sila'y kumain ng tinapay, at nanatili sa bundok.
55 Kinaumagahan, maagang bumangon si Laban, hinagkan ang kanyang mga anak na lalaki at babae, at binasbasan sila; at umalis siya at bumalik sa kanyang tahanan.
Naghanda si Jacob upang Salubungin si Esau
32 Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglakad, at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos.
2 Nang makita sila ni Jacob ay sinabi niya sa kanila, “Ito'y kampo ng Diyos!” Kaya't tinawag niya ang pangalan ng lugar na iyon na Mahanaim.[e]
3 Si Jacob ay nagpasugo kay Esau na kanyang kapatid sa lupain ng Seir, sa bayan ng Edom.
4 Sila'y kanyang inutusan na sinasabi, “Ganito ang inyong sasabihin kay Esau na aking panginoon. Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, ‘Ako'y tumigil ng ilang panahon kay Laban at namalagi roon hanggang ngayon.
5 Mayroon akong mga baka, mga asno, mga kawan, at mga aliping lalaki at babae; at ako'y nagpasugo sa aking panginoon, upang ako'y makatagpo ng biyaya sa iyong paningin.’”
6 Ang mga sugo ay bumalik kay Jacob, na nagsasabi, “Nakarating kami sa iyong kapatid na si Esau, at siya ay darating din upang sumalubong sa iyo, at kasama niya ang apatnaraang tao.”
7 Kaya't natakot nang husto at nabahala si Jacob; at kanyang hinati sa dalawa ang mga taong kasama niya, ang mga kawan, ang mga bakahan, at ang mga kamelyo.
8 At kanyang sinabi, “Kung dumating si Esau sa isang pulutong at kanyang puksain ito, ang pulutong na natitira ay tatakas.”
9 Sinabi ni Jacob, “O Diyos ng aking amang si Abraham, at Diyos ng aking amang si Isaac, O Panginoon, na nagsabi sa akin, ‘Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong kamag-anak at gagawa ako ng mabuti sa iyo.’
10 Hindi ako karapat-dapat sa lahat ng kaawaan, at lahat ng katotohanan na iyong ginawa sa iyong lingkod sapagkat dumaan ako sa Jordang ito na dala ang aking tungkod, at ngayo'y naging dalawang pulutong ako.
11 Hinihiling ko sa iyo na iligtas mo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Ako'y natatakot sa kanya, baka siya'y dumating at kaming lahat ay pagpapatayin niya, ang mga ina pati ang mga anak.
12 Hindi(B) ba't ikaw ang nagsabi, ‘Gagawa ako ng mabuti sa iyo at ang iyong binhi ay gagawin kong parang buhangin sa dagat na hindi mabibilang dahil sa karamihan.’”
13 Siya'y namalagi roon nang gabing iyon, at kumuha siya ng panregalo mula sa kanya para sa kanyang kapatid na si Esau;
14 dalawang daang kambing na babae, dalawampung lalaking kambing, dalawang daang tupang babae, at dalawampung tupang lalaki,
15 tatlumpung kamelyong inahin, kasama ng kanilang mga anak, apatnapung baka, at sampung toro, dalawampung babaing asno at sampung lalaking asno.
16 Ang mga ito ay ibinigay niya sa kanyang mga alipin, ang bawat kawan ay nakabukod at sinabi niya sa kanyang mga alipin, “Lumampas kayo sa aking unahan at lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan.”
17 Iniutos niya sa una, “Kapag ikaw ay natagpuan ni Esau na aking kapatid, at tanungin ka, ‘Kanino ka? Saan ka pupunta? At kanino itong nasa unahan mo?’
18 Kung magkagayo'y sasabihin mo, ‘Sa iyong lingkod na si Jacob. Ito ay isang regalo na padala para sa aking panginoong si Esau; at bukod dito, siya'y nasa hulihan namin.’”
19 Gayundin, iniutos niya sa ikalawa, sa ikatlo, at sa lahat ng sumusunod sa mga kawan, na sinasabi, “Sasabihin ninyo ang gayunding bagay kay Esau, kapag nakasalubong ninyo siya,
20 at sasabihin ninyo, ‘Bukod dito, ang iyong lingkod na si Jacob ay nasa hulihan namin.’” Sapagkat kanyang iniisip, “Baka mapaglubag ko ang kanyang galit sa pamamagitan ng regalo na ipinauna ko, at pagkatapos ay makikita ko ang kanyang mukha, marahil ay tatanggapin niya ako.”
21 Kaya't ang regalo ay ipinadala na nauna sa kanya; at siya'y nanatili sa kampo nang gabing iyon.
Nakipagbuno si Jacob sa Peniel
22 Nang gabing iyon, siya'y bumangon at isinama niya ang kanyang dalawang asawa, ang kanyang dalawang aliping babae, at ang kanyang labing-isang anak at tumawid sa tawiran ng Jaboc.
23 Sila'y kanyang isinama at itinawid sa batis, at kanya ring itinawid ang lahat ng kanyang ari-arian.
24 Naiwang(C) nag-iisa si Jacob at nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa magbukang-liwayway.
25 Nang makita ng lalaki na hindi siya manalo laban kay Jacob,[f] hinawakan niya ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, at ang kasu-kasuan ni Jacob ay nalinsad samantalang nakikipagbuno sa kanya.
26 Sinabi niya, “Bitawan mo ako, sapagkat nagbubukang-liwayway na.” At sinabi ni Jacob,[g] “Hindi kita bibitawan malibang ako ay mabasbasan mo.”
27 Sinabi ng lalaki kay Jacob, “Ano ang pangalan mo?” At kanyang sinabi, “Jacob.”
28 Sinabi(D) niya, “Ang iyong pangalan ay hindi na tatawaging Jacob, kundi Israel; sapagkat ikaw ay nakipaglaban sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”
29 Siya'y(E) tinanong ni Jacob, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin ang iyong pangalan.” At kanyang sinabi, “Bakit itinatanong mo ang aking pangalan?” At siya'y binasbasan doon.
30 Tinawag ni Jacob ang pangalan ng lugar na iyon na Peniel na sinasabi, “Sapagkat nakita ko ang Diyos sa harapan, at naligtas ang aking buhay.”
31 Sinikatan siya ng araw nang siya'y dumaraan sa Penuel; at siya'y papilay-pilay dahil sa kanyang hita.
32 Dahil dito, hanggang ngayon ay hindi kumakain ang mga anak ni Israel ng litid ng balakang na nasa kasu-kasuan ng hita, sapagkat dito hinampas ng taong nakipagbuno ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, sa litid ng balakang.
Muling Binuhay ang Anak ng Pinuno at Pinagaling ang Isang Babae(A)
18 Samantalang sinasabi niya sa kanila ang mga bagay na ito, may dumating na isang pinuno at lumuhod sa harapan niya at nagsabi, “Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan mo siya at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya, at mabubuhay siya.”
19 Tumayo si Jesus at sumunod sa kanya, kasama ang kanyang mga alagad.
20 Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang dinudugo ang lumapit sa likuran niya at hinipo nito ang laylayan ng kanyang damit;
21 sapagkat sinabi niya sa kanyang sarili, “Kung mahihipo ko lamang ang kanyang damit ay gagaling ako.”
22 Nang lumingon si Jesus at nakita siya ay sinabi niya, “Anak, lakasan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Gumaling nga ang babae sa oras ding iyon.
23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming tao na nagkakagulo,
24 ay sinabi niya, “Umalis na kayo, sapagkat hindi patay ang batang babae kundi natutulog lamang.” At siya ay pinagtawanan nila.
25 Ngunit nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya at hinawakan ang kamay ng batang babae at ito ay bumangon.
26 At kumalat ang balitang ito sa buong lupaing iyon.
Nakakita ang Dalawang Bulag
27 Nang papaalis na si Jesus mula roon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag na sumisigaw ng malakas, “Mahabag ka sa amin, Anak ni David.”
28 Nang makapasok na siya sa bahay, lumapit sa kanya ang mga lalaking bulag; at sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumasampalataya ba kayo na magagawa ko ito?” Sinabi nila sa kanya, “Opo, Panginoon.”
29 Kaya't hinipo niya ang kanilang mga mata, na sinasabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.”
30 At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus, “Ingatan ninyo na walang makakaalam nito.”
31 Ngunit sila ay umalis, at ikinalat ang balita tungkol sa kanya sa buong lupaing iyon.
Nakapagsalita ang Isang Pipi
32 Nang makaalis na sila, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo.
33 Nang mapalabas na ang demonyo, nagsalita ang dating pipi. Namangha ang maraming tao at nagsabi, “Wala pang nakitang tulad nito sa Israel.”
34 Ngunit(B) sinabi ng mga Fariseo, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo.”[a]
Nahabag si Jesus sa mga Tao
35 Nilibot(C) ni Jesus ang lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at ipinangangaral ang magandang balita ng kaharian, at pinapagaling ang bawat sakit at bawat karamdaman.
36 Nang(D) makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nangangamba at nanlulupaypay na gaya ng mga tupa na walang pastol.
37 Kaya't(E) sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tunay na napakarami ng aanihin, ngunit kakaunti ang manggagawa;
38 idalangin ninyo sa Panginoon ng anihin, na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001